Inday TrendingInday Trending
Si Teacher Sally

Si Teacher Sally

“Magandang umaga, class!” masiglang bati ni Teacher Sally sa kanyang buong klase. Excited na siya dahil ngayon mag-rerecite ang mga estudyante niya kung ano ang gusto nilang maging sa kanilang paglaki.

“Good morning, Teacher Sally! Mabuhay!” bati ng mga bata sa kanilang guro.

“Makakaupo na kayo,” pahayag ni Sally sa mga bata at naupo habang inaayos ang gamit sa kanyang lamesa. Sabay-sabay namang umupo ang mga estudyante at nagkwentuhan, nagbiruan ang mga ito saglit habang nag-aayos pa ang kanilang guro ng kanyang mga gamit.

Matapos niyang maayos ang kanyang gamit ay nagsimula na siyang magtanong sa kanyang mga estudyante tungkol sa ibinigay niyang takdang aralin.

“Okay class, mayroon ba kayong assignment? Excited na ba kayo? Excited na si Teacher Sally sa assignment ninyo. Saan niyo gusto magsimula sa harap o sa likod? Sino ang gustong mauna?” masaya at puno ng sigla niyang tanong sa mga bata.

Agad namang nagturuan ang mga estudyante kung saan magsisimula dahil nahihiya ang iba na mauna. Umingay ang classroom kaya naman sinaway niya ang kanyang mga estudyante para maging tahimik ang silid at makapagsimula na sila.

“Shhhh! Class, huwag kayong maingay, okay? Para makapag-start na tayo. Si teacher nalang ang pipili, ha?” saway niya sa mga estudyante.

Agad-agad namang tumahimik ang mga estudyante. Ang iba ay tumatawa na parang kinikilig dahil hindi rin matago ng mga ito ang saya dahil sa nag-eenjoy ito sa eskwela.

“Okay class! Mag-start nalang tayo sa unahan, okay? Sige, John, ikaw na ang magsimula,” saad ng guro sa kanyang mga estudyante.

Agad-agad rin namang tumayo si John at nagrecite ng kanyang assignment, “My name is John and when I grow up I want to be a model and a performer,” proud na wika ng bata. Makikita ang saya at pagkasabik nito sa kanyang pangarap na nakikita niya sa kanyang isipan. Matapos magsalita ay umupo na agad si John at sumunod namang tumayo ang katabi niyang si Michaela.

Inayos muna ni Michaela ang sarili bago tumayo at magrecite ng kanyang ginawang assignment, “When I grow up I want to be a lawyer, and I want to be the best mom ever!” puno ng siglang pahayag din ng batang babae habang naka-Darna pose pa ito.

Natawa naman si Sally sa kanyang estudyante at tinanong ito, “Nako Michaela, mother agad? Eh baby ka pa nga eh,” biro niya pa sa bata. Nangiti na lang ang bata saka tumawa at umupo ito sa kanyang bangkuan.

Ilang minuto pa ang lumipas bago tumayo ang susunod na estudyante dahil nakaharap pa ito sa salamin at ayos ito ng ayos sa sarili na hindi mapakali.

“Prince… tayo ka na at magrecite. ‘Wag kang mag-alala, always gwapings ka naman. Sige na magrecite ka na,” pang-aamo niya pa sa batang may hawak na salamin upang ito’y tumayo na at magrecite.

“My name is Prince, my name really suits my face. I am good looking and smart. When I grow up, I want to be an engineer so I can be rich like a real prince,” nagmamalaking sabi nito at tumingin sa salamin habang papaupo. Natawa na lamang ang guro sa mga sagot ng kanyang mga estudyante. Napakakukulit talaga ng mga ito. Talagang naeenjoy ni Teacher Sally ang pagtuturo sa kanila.

“Okay, next! Oh… Philip? Wala ka bang gawa?” tanong ng guro sa batang lalake.

“Uhhm Teacher, ano po bang gagawin?” inosenteng tanong ng batang lalaki na para bang kung nasaan na naman ang isipan nito.

“Kuhain mo yung pinagawa kong assignment, Philip. Tapos i-recite mo sa buong room kung ano ang gusto mo paglaki,” paliwanag niya sa batang si Philip.

Agad namang kinuha ni Philip ang kanyang assignment at binasa para marinig ng buong silid.

“When I grow up, I want to be a call center agent!” sabi ng bata sabay kamot sa kanyang batok.

“Call center agent? Saan mo naman nalaman ‘yan ha, Philip?” natatawang tanong niya sa bata. Hindi siya makapaniwalang ito ang gustong maging ng batang si Philip, alam niya kasi kung gaano kahirap ang trabahong iyon kahit na malaki pa ang sahod.

Hindi na sumagot ang bata at umupo na lang. Natulala na lamang ulit ang bata.

Tatawag na sana ulit ng bagong estudyante si Sally nang mapansin niya sa kanyang record book na walang mga kaarawan ang mga bata. Labis naman niya itong ipinagtaka kaya nagtanong siya sa kanyang klase. “Class? Bakit wala kayong birthday na nakalagay sa aking record? Michaela? Philip?” tanong ng guro sa kanyang mga estudyante.

“Michaela, kailan ang birthday mo?” tanong ng guro sa tahimik na batang babae. Hindi umimik ang bata at tumingin lang ito kay John na para bang humihingi ng tulong.

“John? Kailan ang birthday mo?” tanong niya sa maputing bata na may halo ng inis. Walang kasing sumasagot sa mga estudyante niya.

“Class! Bakit hindi niyo sabihin ang birthday niyo!? Sabihin niyo ang birthday niyo!” Galit na sigaw ng guro. Ngunit biglang tumunog ang bell ng school na hudyat na uwian na.

Nabigo si Sally sa pag-alam at pagkuha ng kaarawan ng mga bata. Nagsi-tayuan na ang mga bata dahil tapos na ang oras ng kanilang klase.

“Hindi niyo ako maintindihan, hindi kayo pwedeng umuwi! Kailangan kong makuha ang kaarawan ninyo!” sigaw niya habang pinalilibutan na siya ng mga bata. Alam na ng guro kung ano ang mangyayari sa kanya kaya naman hindi niya sinubukan pang umalis.

Walang ano-ano ay sinugod siya ng mga bata at inilabas ang kutsilyo sa kanilang mga bulsa at pinagsasaksak ang guro. Natumba siya at napaiyak ng malakas dahil sa sakit ng mga saksak sa kanyang katawan. Hindi pa rin tumitigil sa pagsaksak ang mga bata. Habang umaagos ang dugo mula sa kanyang katawan ay naririnig niya ang paulit-ulit na sinasabi ng kanyang mga estudyante.

“Wala kaming kaarawan Teacher Sally, dahil hindi kami pinanganak!” sagot ng mga bata sa kanya.

“Siya ba yung sinasabi mo?” tanong ng bagong Direktor sa Mental Institution.

“Opo doc,” sagot naman nung nurse. Inoobserbahan nila si Sally na nakasalampak sa gilid ng ward.

“Kada sasapit ang alas tres ay aasta iyan na parang guro sa harap ng walis at mga basahan,” saad ng nurse.

“May nakakaalam ba ng kanyang family background? O kung ano ba talaga ang nangyari bago siya nagkaganyan?” tanong ng doctor sa nurse.

“Wala po Doc, natagpuan na lang po siya ng Guard sa harap ng gate ng hospital habang umiiyak. Dinala nalang po siya ng guard sa aking office. I knew right then po na tinakasan na po siya ng bait. Kung may sinasabi man po siya tungkol sa nakaraan niya, yun po ay…” napatigil ang Nurse sa kanyang pagsasalita dahil labag ang loob niya sa dating trabaho ni Sally.

“Ano?” maikling tanong niya sa nurse. Napatingin naman ang doctor kay Sally na tumingin din sa kanya sabay ng pagtulo ng mga luha sa mga mata ng babae.

“Isa daw po siyang abortionist.”

Nasiraan ng bait si Sally dahil hindi siya pinatulog ng konsensiya niya sa mga batang tinanggalan niya ng pagkakataong mailuwal sa mundo at mabuhay. Siya ang nakatanggap ng karma para sa mga babaeng nabuntis ngunit pinalaglag ang anak matawag lang na dalaga.

Advertisement