Kahit Baha ay Handang Tawirin ng Isang Guro Maibigay Lang ang mga Kailangan ng Kaniyang Estudyante; May Kapalit Kaya Iyon?

Kahit Baha ay Handang Tawirin ng Isang Guro Maibigay Lang ang mga Kailangan ng Kaniyang Estudyante; May Kapalit Kaya Iyon?

InspiringLoveStories

Dahil sa ipinatupad na new normal kaya halos lahat ng tao ay sinubukang mag-adjust sa bagong patakaran. Kabilang na roon ang mga guro pati na ang mag-aaral.

Kung sa syudad ay uso ang pagbibigay nb gobyerno ng mga makabagong teknolihiya, gaya ng tablet upang roon na ilalagay ang module ng mga mag-aaral. Malalim na palaisipan naman ang bagayna iyon para sa mga mamamayang kagaya lamang ni Teacher Shine na nakadestino sa malayong Barangay ng Mindanao.

Hirap ang Barangay nila sa kuryente. Malayo pa ang Lungsod na pagbibilhan ng mga kakailanganin. Walang wifi at mahina ang signal. Kaya malabo ang online class.

Kaya sa ganitong panahon ay doble ang obligasyon nilang mga guro. Minsan ay mano-mano nilang sinusulat ang module na para sa kanilang mga mag-aaral at ipapa-photocopy na lamang iyon— habang taimtim na hinihiling na sana ay huwag abutan ng brown-out.

“Hay! Sa wakas natapos din ang pag-xerox,” tuwang-tuwa na wika ni Shine.

Isang linggo na rin niyang tinatrabaho ang mga module na ito. Dalawang araw niyang mano-manong sinulat sa isang Long Coupon Bond at medyo natagalan nga sa pag-photocopy dahil madalas ay naaabutan siya ng pagkawala ng kuryente.

“Kailangang matapos na nating idikit ang mga ito para bukas ay maihatid na natin sa mga estudyante ko,” nakangiting tinitigan ni Shine ang patong-patong na papel.

Kaysa pababain pa ang kaniyang mga mag-aaral ay nagpasya na lamang si Shine na ihatid ang mga ito mismo sa kanila upang makita na rin mismo ang sitwasyon ng mga ito.

Inabot ng madaling araw si Shine sa pag-aayos ng mga module. Halos dalawang oras lang ang tinulog niya. Pero hindi niya iyon alintana, dahil ang mahalaga sa kaniya’y maihatid ang mga module na ito.

“Naku! Ma’am Shine, paano po iyan? Mukhang masama pa naman ang panahon,” wika ng kaniyang kasamang si Alfred. Ito ang kaniyang alalay at katulong sa pagbubuhat ng mga module.

“Hayaan mo na. Binalot ko naman sa plastik ang mga iyan. Alam kong darating ang araw na ito, kaya naghanda na agad ako.” Nakangiti niyang wika saka muling nagpatuloy sa paghila ng Trolley Stainless Steel, kung saan niya ipinatong ang mga module.

“Hinihintay na nila ako doon sa sinabi kong pagkikitaan namin. Kaya hindi na tayo maaari pang umatras, Alfred.” Dugtong pa ni Shine.

Isang oras ang bibiyahein nila at isang oras mahigit naman silang maglalakad paakyat sa bundok kung saan nandoon mismo ang mga bahay ng kaniyang mga estdyante. Tatawid pa sila ng dalawang sapa kaya kakailanganin nila ang malaking batya na dala.

Napapagod na si Shine sa paghila ng trolley ngunit wala siyang balak na sumuko. Kinabukasan ng kaniyang mga mag-aaral ang nakasalalay rito. Hindi por que may pandemya ay titigil na rin ang mga ito sa pag-aaral. Kaya hangga’t kaya niya’y handa siyang magsakripisyo maibigay lamang ang kaniyang obligasyon.

“May baha nga ma’am,” wika ni Alfred.

Mataas ang tubig sa sapa kaya nagdesisyon silang isa-isang itawid ang mga module sa pamamagitan ng paglagay nito sa dala nilang batya at itatawid sa kabilang pampang.

Nakailang tawid rin sina Shine at Alfred, saka nahakot lahat ang mga module sa kabilang pangpang at muling nagpatuloy sa paglalakad.

Nang sa wakas ay nakarating na rin sila sa kanilang destinasyon ay masaya silang sinalubong ng mga batang kanina pa naghihintay sa kanilang pagdating. Ang pagod na kaniyang naramdaman kanina ay agad nawala dahil sa mga mumunting pasalamat at ngiti ng mga bata.

“Thank you po Teacher Shine, akala namin ay hindi na kami makakapag-aral ngayong taon na ito. Malabo po kasi talagang mangyari sa lugar namin ang online class na iyan. Kaya salamat po at may Teacher Shine kami na matiyaga at mahal kami,” mangiyak-ngiyak na wika ni Vivian, isa sa kaniyang estudyante.

Mangiyak-ngiyak na pinunasan ni Shine ang sariling pawis. “Guro ang pinili kong propesyon, kaya obligasyon ko ang turuan kayo upang matuto. Kaso dahil sa nangyayaring pandemya ngayon sa mundo kaya nagkaganito.

Pero hindi ibig sabihin na ganito ang panahon ay titigil na rin kaming mga guro na turuan kayo. Kahit mahirap, kahit malayo at nakakapagod. Kahit mataas ang tubig sa sapa ay handa kong suungin. Magampanan lamang ang obligasyon ko.

Iisa lang naman ang hinihingi kong kapalit mula sa inyo. Iyon ay walang iba kung ‘di ang matuto kayo at grumaduate,” mangiyak-ngiyak na wika ni Shine.

Sabay-sabay naman na nagsilapitan ang mga bata at niyakap si Teacher Shine nang mahigpit.

“Thank you po ng marami, Teacher Shine. Pangako po pagbubutihan namin,” sabay-sabay na wika ng mga ito.

Isang matamis na ngiting nakakataba ng puso namang tumango si Shine. Kailanman ay hindi mawawala ang obligasyon niyang magturo. May pandemya man o wala. Gagawa at gagawa siya ng paraan magampanan lamang ang ipinangakong propesyon.

More Stories