Limang Piso na Lamang ang Pera ng Babae Kaya Ibinigay na Lang Niya Rito ang Paninda; Hindi Inaasahang Sorpresa ang Kapalit nito

Limang Piso na Lamang ang Pera ng Babae Kaya Ibinigay na Lang Niya Rito ang Paninda; Hindi Inaasahang Sorpresa ang Kapalit nito

InspiringKarmaStories

Dahil sa hirap ng buhay ngayong may krisis, masaya na ang mga tao kapag nakakakain pa sila ng tatlong beses sa isang araw. Kapag naman sobrang gipit ay ayos na ang dalawa o isang beses na kain sa isang araw. Ang mahalaga ay may nakakain pa.

Isa na roon si Mang Kulas na ang tanging inaasahan ay ang paglalako ng sorbetes. Umulan man o tirik na tirik ang araw ay handa siyang suungin, may pambili lamang sila ng makakain.

Isang hapong-hapong babae ang nakasalubong ni Mang Kulas, isang tanghali habang naglalako siya ng kaniyang panindang sorbetes o mas kilalang dirty ice cream ng karamihan.

“Kuya, magkano po?” Tanong ng babae. Punong-puno ng pawis ang mukha nito at halatang uhaw na uhaw na dahil sa tindi ng init.

“May sampo, meron ding bente.”

Kinapa ng babae ang bulsa niya at binilang ang baryang nakuha. “Kaso manong limang piso na lang po ang pera ko. Kaya nga po ako naglalakad ngayon kasi wala na akong pamasahe.”

Agad namang nakaramdam ng awa si Mang Kulas sa babaeng halatang nauuhaw na sa tindi ng init. Ngumiti si Mang Kulas at agad na kinuha ang basong paglalagyan ng ice cream saka iyon nilagyan at inabot sa babae.

“Ito hija, bigay ko na lang sa’yo para kahit papaano ay mabawas-bawasan ang uhaw at init na nararamdaman mo. Tapos iyang limang piso na natira sa’yo’y ibili mo na lang ng ice tubig. Malayo-layo pa ba ang lalakarin mo?”

Mangiyak-iyak na tumango ang babae at nag-aatubiling tanggapin ang iniaabot niyang sorbetes.

“Tanggapin mo na’t kainin. Mainit ang panahon kaya mabilis lamang itong matunaw. Kaya bago pa man matunaw ay dapat nakain mo na,” nakangiting wika ni Mang Kulas.

Inabot naman ng babae ang sorbetes at sinimulan iyong lantakan. “Kuya, lagi ba kayong dumadaan sa street na ito?”

“Opo. Dito kasi ako nakapwesto na area, kaya nandidito ako kapag mga ganitong oras. Mamaya namang alas dos ay nasa kabilang baryo na ako,” nakangiting paliwanag ni Mang Kulas at saka nagpaalam sa babae.

Masarap sa pakiramdam na kahit maliit lamang na bagay ay nakatulong siya sa babaeng kanina’y halata na ang panghihina.

Makalipas ang isang linggo habang naglalako si Mang Kulas ay may nakasalubong siyang babae na pamilyar sa kaniya. Nakangiti ito habang papalapit sa pwesto niya na para bang noon pa man ay magkakilala na silang dalawa.

“Hello kuya, naaalala niyo pa po ba ako?” Tanong ng babae.

“H-hindi na e, pero pamilyar ang mukha mo.”

“Ako po iyong binigyan niyo noong nakaraan ng sorbetes na limang piso na lang ang pera sa bulsa,” paalala nito.

Agad namang dumaloy sa alaala ni Mang Kulas ang babaeng hapong-hapo at pawisan. “Ayy… oo nga pala.”

“Ako nga po pala si Jasmine, at naparito po ako para bayaran ang utang ko sa inyo,” nakangiting wika nito.

Hindi gaya noong una niya itong nakita. Ngayon ay presko na itong tingnan at walang bakas ng pagod sa mukha.

“Naku! Hindi naman iyong utang hija, binigay ko na iyon sa’yo.”

Ngumiti ang babae saka tumakbo sa sasakyang nakaparada sa gilid. “Kuya, ito po oh, bigay ko sa inyo.” Inilabas ng babae ang tatlong supot ng grocery at isang sakong bigas. “Alam kong kahit papaano ay makakatulong ito sa inyo.”

Gulat na tinignan ni Mang Kulas ang mga bagay na nasa kaniyang harapan. “P-para sa’kin itong lahat?” Nauutal niyang tanong.

“Opo. Pasensiya na po kayo kung ngayon ko lang naipaabot. Medyo naging abala rin ako nitong nakaraan kaya ngayon lang ako nagpakita sa inyo. Noon pong una tayong nagkita ay iyon rin ang unang beses na nag-commute ako.

Hindi ko namalayan na na-snatch na pala ang wallet kong nasa bulsa ko lang nilagay. Iyong limang pisong tira, sukli iyon ng sinakyan kong LRT. No’ng araw na iyon ay naiinis ako sa mundo.

Pero no’ng nakasalubong kita at binigyan ng sorbetes na walang bayad ay muling bumalik sa isip kong hindi lahat ng tao ay masasama, dahil may mga tao pa ring kagaya mo.

Maraming salamat kuya sa sorbetes mong nagpawi ng pagod, inis at uhaw ko noong araw na iyon. Ito naman ang pasasalamat ko sa’yo,” mahabang wika ni Jasmine, sabay turo sa mga groceries na binili.

Agad nahugot ni Mang Kulas ang panyo sa bulsa at pinunasan ang luhang ayaw paawat sa pag-agos. “Maraming salamat po, ma’am. Hindi ko talaga akalaing sa simpleng pagbibigay ko ng sorbetes sa’yo ng araw na iyon ay ito ang magiging kapalit.”

“Walang anuman po iyon kuya,” wika ni Jasmine saka tinapik ang balikat ng mabuting sorbetero.

Hindi mo talaga alam kong ano ang pinagdadaanan ng bawat tao. Kagaya na lamang ni Jasmine, na sa simpleng sorbetes na ibinigay ni Mang Kulas ay nagbago ang pananaw nito sa mundo ng araw na iyon.

Kahit maliit na bagay lamang par sa’yo, hindi mo alam na malaking bagay na iyon para sa iba.

More Stories