Pinagtatawanan ang Magkapatid Dahil Lagi Itong Puno ng Putik sa T’wing Pumapasok; Ano nga ba ang Dahilan ng Pagiging Madungis Nila

Pinagtatawanan ang Magkapatid Dahil Lagi Itong Puno ng Putik sa T’wing Pumapasok; Ano nga ba ang Dahilan ng Pagiging Madungis Nila

InspiringLoveStories

“Chito, gumising ka na riyan alas kwatro na baka ma-late pa kayo sa klase,” gising ng Lola Sita niyang ngayon ay abala sa pagpapaapoy ng kahoy upang makapagluto. “Gisingin mo na rin sa Cheska,” dugtong pa nito.

“Sige po,” pupungas-pungas na tugon ng batang si Chito.

Maagang ginigising ni Lola Sita ang dalawang apo upang hindi ito ma-late sa klase. Malayo pa kasi ang pinapasukan ng dalawa. Mahaba-habang lakaran at tatawid pa ng tatlong ilog bago marating ang mismong paaralan.

Kaya alas kwatro pa lang ang ginigising na ni Lola Sita ang dalawa upang makaligo at kahit papaano ay makakain. Mahaba-haba rin ang kanilang lalakarin, kaya pinapabaunan niya ang dalawang bata. Pinapadalhan niya rin ang mga ito ng extra damit, upang hindi madumihan ang uniporme ng mga ito.

“Alas singko trenta na, Chito at Cheska, kaya humayo na kayo at mag-iingat palagi sa daan,” bilin ni Lola Sita sa dalawang apo.

Medyo madilim pa rin ang kalangitan, ngunit nagsisimula nang maglakad ang dalawa.

“Salamat po Lola,” kumakaway na paalam ng dalawa.

Maulan at maputik ang daan kaya mas pinili ni Chito at Cheska na mag-apak upang mas mapabilis ang paglalakad. Nasa loob ng bag ang uniporme at ang sapatos na itim ay mabilis na naglakad ang magkapatid.

Alas syete trenta ay nasa paaralan na ang magkapatid. Gaya ng inaasahan ay animo nagsuot sila ng botang putik dahil. Ang likuran naman nila ay puro talsik ng putik.

Ang mga estudyanteng nakakakita sa kanila ay hindi mapigilan ang mapang-asar na tawa o ‘di kaya ay tila nandidiring mga tingin ng mga ito sa itsura nila.

“Chito,” tawag ni Miss Faye, ang adviser ni Chito. “Bakit ganiyan ang itsura niyo ng kapatid mo?”

“Maputik po kasi ang daan sa’min ma’am kaya ganito ang itsura namin. Pero may baon naman po kaming damit at nasa loob po ang sapatos ko,” nakangiting paliwanag ni Chito.

Hindi alintana ang tawanan ng mga kaklase.

“Magpapaalam lang po sana ako ma’am na dito na rin maglinis ng katawan si Cheska. Nakakahiya kasi kung lalabas pa siya at pupunta sa room niya na ganito ang itsura,” wika ni Chito sabay yuko sa kapatid.

Agad namang tumayo si Teacher Faye, at sinuway ang mga kaklase ni Chito. Agad namang tumahimik ang mga ito. Nilapitan niya ang dalawa saka inalalalayan papuntang banyo.

Tinulungan ni Faye ang dalawa sa pagtanggal ng putik sa katawan. Tinulungan niya na rin si Cheska na magbihis. Nang matapos ay siya na rin mismo ang naghatid sa batang babae sa classroom nito.

Awang-awa si Faye sa dalawa. Kaya sa pagbalik niya ay agad niyang kinausap ng masinsinan si Chito. Nais niyang malaman mismo sa bata kung bakit gano’n na lang lagi ang itsura nito sa t’wing pumapasok lalo na kapag maulan ang panahon.

“Malayo pa po kasi ang bahay ng Lola Sita ko rito sa paaralan, ma’am. Ilang kilometro pa po ang nilalakad namin papunta rito at pabalik, tapos tumatawid pa kami ng tatlong sapa.

Kaya po sa t’wing pumapasok kami ni Cheska, kung hindi kami basa, ay punong-puno ng putik ang mga paa namin. Kaya po kami laging may baon na extra damit.” Mahabang paliwanag ng batang si Chito.

“Nasaan na ba ang papa at mama mo, Chito?”

“Si mama po ay nam*tay noong ipinanganak si Cheska. Si papa naman ay nasa Cagayan De Oro, nagta-trabaho po para may panggastos kami nila lola,” wika nito.

Labis ang pagkahabag na naramdaman ni Faye, para sa bata. “Hindi ka ba nahihirapan?”

Matamis na ngumiti si Chito. “Nahihirapan din po. Kaso sabi ni Lola Sita, mas mahirap daw kung hindi kami mag-aaral ni Cheska. Ang pag-aaral lang daw ang kayamanang kaya nilang ipamana sa’min ni Cheska. Kaya kahit nahihirapan ay kinakaya ko po lahat. Hindi lang naman ito para sa sarili ko. Para din naman po ito sa pamilya ko.”

Mas lalong naantig si Faye, dahil sa sinabi ng batang si Chito. Niyakap niya ito at ipinangako sa sariling hindi maaaring wala siyang gawin para kay Chito.

Humingi ng tulong si Faye, sa kinataasang Gobyerno upang tulungan ang mga estudyanteng katulad ni Chito at Cheska, na galing pa sa malalayong lugar.

Matagal man bago natugunan ay labis ang sayang kanilang naramdaman noong nagsimula na ang renovation ng paaralan. Mas pinalawak ito at dinagdagan pa ng sampong kwarto. Hindi upang gawing classroom, kung ‘di upang gawing dormitoryo ng mga estudyanteng nasa malalayong lugar kagaya na lang nila Chito.

At dahil marami ang naantig sa kwento ni Chito ay nagkaisa ang lahat ng teacher sa school upang magbigay ng kaunting tulong kay Lola Sita. Inayos ang tagpi-tagping bahay nito at binigyan ng kaunting sari-sari store upang kahit papaano ay may pagkaabalahan ang matanda.

Hindi gaya noon na kailangan pang maglakad ni Chito at Cheska ng ilang kilometro upang marating lamang ang paaralan. Tuwing Sabado at Linggo na lamang sinusundo ng Lola Sita nila ang dalawa.

Laging tatandaan. Pansamantala lamang ang hirap na nararasanan. Sa bawat ulan ay laging may bahagharing nakaabang. Tama si Chito, ang pag-aaral lamang ang kayamanang kayang ipamana ng mga mahihirap na magulang sa kanilang mga anak.

More Stories