Isang Hiling Lamang ang Hininging Kapalit ng Dalaga sa Matandang Lalaki: Ikinagulat Niya Ito nang Malaman

Isang Hiling Lamang ang Hininging Kapalit ng Dalaga sa Matandang Lalaki: Ikinagulat Niya Ito nang Malaman

InspiringStoriesSuccess

Tuwing umaga ay naglalakad lamang ang sisenta’y singko na si Manuel, papasok sa trabaho. Ilang kilometro rin ang layo ng kaniyang pinagtatrabahuan mula sa kaniyang bahay, ngunit kailangan niyang magtiyagang maglakad lalo na ngayong walang mga biyahe ang jeep dahil sa pandemya.

“Neng, magkano ang bike na ito?” Tanong niya sa sales lady na mukhang kakarating lang sa tindahan, dahil tagaktak pa ang pawis nito.

“Apat na libo at limang daan po, tatay,” magalang na sagot nito.

Ngumiti si Manuel at pinakatitigan ang kursunadang bike. Ilang linggo na rin siyang dumadaan sa tindahang ito mula noong nagsimula ang lockdown ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang perang pambili rito.

“Salamat ‘neng, sa susunod na lang kapag may pera na ako,” aniya at muling naglakad papasok sa trabaho.

Kapag sa susunod na linggo ay hindi pa rin nabebenta ang bisikletang iyon ay babale siya sa kaniyang amo upang mabili iyon, para sa gano’n ay hindi na siya naglalakad papasok sa trabaho. Matanda na rin si Manuel at aminado siyang nahihirapan na rin siya sa paglalakad.

Mabilis na lumipas ang linggo at muli na naman niyang naabutang nagbubukas ay tindahan ng bisikleta. Agad niyang sinilip kung naroroon pa rin ba ang bisikletang matagal na niyang kursunada at sa kaniyang katuwaan ay naroon pa nga ito.

“Oh, tatay, magtatanong na naman po ba kayo kung magkano ang bisikletang iyon,” turo ng dalagang lagi niyang pinagtatanungan.

Agad namang ngumiti si Manuel sabay kamot sa batok. “Hehe, sa kakatanong ko ‘neng, namemoryado ko na ang presyo ng bisikletang iyan,” aniya.

Natawa naman ang dalaga sa sinabi ni Manuel. “Hindi pa rin siya nabebenta tatay, baka ikaw ang hinihintay niya.”

“Hayaan mo at susubukan kong bumale mamaya,” nakangiting sambit ni Manuel, habang masayang tinititigan ang bisikleta.

Alas singko nang narating ni Manuel ang tindahan ng bisikleta at muntikan na siyang masaraduhan ng mga ito dahil mula ng mag-new normal na ay maaga nang nagsasara ang mga tindahan.

“Neng, bibilhin ko na sana iyong kursunada kong bike.” Hinihingal na sambit ni Manuel. Sa edad na saisyenta’y singko ay hinihingal na siyang maglakad-takbo.

“Ayy, ate narito na nga po si tatay na laging nakatitig sa bike na iyan,” kausap ng tindera sa babaeng sa kaniyang tantiya ay amo nito. “Nakabale ka ba tatay?” Nakangiting tanong nito sa kaniya.

“Opo. Pinabale ako ng amo ko,” masayang sambit ni Manuel, habang hinihingal pa rin.

“Anong bisikleta po ba ang kursunada niyo riyan, tatay?” Wika ng babaeng tinawag na ate kanina ng kilala niyang saleslady.

“Ito,” turo naman ni Manuel sa bisekletang halos buwan na niyang dinadaan-daanan. “Ikaw po ba ang amo dito, maam?” Tanong pa niya.

Bata pa kasi ang babae at mukhang dalaga pa, mga nasa bente mahigit kung titignan.

“Ako nga po at maraming beses ka nang na ikwento sa’kin ni Marife, mabuti naman at naabutan niyo pa kaming bukas,” wika nito.

“Nagmamadali po talaga ako, maam,” prangkang wika ni Manuel. “Ahh, maam, baka po pwede akong tumawad? Ang sabi kasi sa’kin ng tindera niyo, apat na libo at limang daan daw ang presyo nito. Pero may bawas pa daw iyon,” nakangiting hirit ni Manuel.

“Sure po tatay,” agad na sagot ng dalaga. “Pero bakit nagtatrabaho pa rin kayo? Ilang taon ka na ba tatay? Dapat nasa bahay na lang kayo at nagpapahinga,” dugtong nito.

“Naku maam, hindi po kasi ako sanay na nasa bahay lang. Kahit ho saisyenta’y singko na ako’y mas nais ko iyong may ginagawa. Nariyan pa rin naman sa’kin ang mga anak ko at may kaniya-kaniya ng mga pamilya, pero mas maigi kasi iyong may sarili akong pera at hindi umaasa sa kanila. Kung magbibigay po ay maraming salamat at kapag wala naman ay salamat pa rin,” nakangiting wika ni Manuel.

“Alam niyo po ba tatay, na hindi ko pa kayo nakikita ay bilib na bilib na ako sa inyo. Kaya ko nga inutusan ang mga empleyado kong huwag nilang ibebenta sa iba ang bike na gusto ninyo, kasi gusto kong kapag nagkita tayo ay sa’yo ko ito ibibigay.” Ngumiti ang dalaga saka nilapitan si Manuel.

“Hindi niyo po ako kailangang bayaran tatay, dahil ibinibigay ko na sa inyo ang bisikletang iyan. Ang hinihiling ko lang po na kapalit ay sana ingatan niyo ang sarili niyo lalo na ngayong panahon ng pandemya at sana humaba pa ang buhay niyo,” dugtong ng dalaga.

Agad namang nag-unahan ang luhang pumatak sa pisngi ni Manuel. Hindi niya maipaliwanag ang sayang naramdaman. Matagal pa ang pasko, ngunit pakiramdam niya’y pasko na dahil sa maagang regalong natanggap.

“Maraming salamat neng,” tumatangis na sambit ni Manuel.

“Ako nga po pala si Apple, tatay. Sana maalala niyo ang pangalan ko,” nakangiting sambit ng dalaga sabay yakap sa lalaki.

Para kay Apple, ay maliit na bagay lamang ang ibinigay niya kay Manuel. Ngunit sa nakita niyang kasiyahan nito’y napagtanto niyang malaking bagay na iyon para sa lalaki. At masaya na siya roon.

More Stories