Lagi Siyang Naiinis sa Binata Dahil sa Pang-aasar Nito; Pero Bakit Parang Nasaktan Siya nang Marinig ang Sinabi Nito Tungkol sa Kaniya?

Lagi Siyang Naiinis sa Binata Dahil sa Pang-aasar Nito; Pero Bakit Parang Nasaktan Siya nang Marinig ang Sinabi Nito Tungkol sa Kaniya?

FunLoveStories

Kindergarten pa lang ay magkaklase na sina Andrei at Kristine. Simula pagkabata hanggang ngayong nasa kolehiyo na sila ay hindi na natigil ang walang katapusang bangayan ng dalawa.

“Nagugutom na ako,” saad ni Andrei at lumapit kay Kristine.

“Oh, bakit lumapit ka sakin? Mukha ba akong pagkain sa’yo?” mataray na sabi ni Kristine sa binata.

“Ah hindi ba siopao ‘to?” kunwaring naguguluhang saad ni Andrei at pinisil ang magkabilaang pisngi ng dalaga,” akala ko kasi talaga siopao eh. Sorry ha?” Sabay tawa ng malakas. Maputi kasi ang dalaga ang dalaga at malaman ang pisngi kaya naman madalas asarin ni Andrei na parang siopao ang kanyang mga pisngi.

Halos mangamatis naman sa pula ang mukha ng dalaga dahil sa inis sa binata.

“Ah ganun?” pinaghahahampas ng dalaga ang binata dahil sa sobrang inis rito na tinawanan lang naman ng binata.

“Biro lang, alam mo naman na mahal kita eh. Ang cute-cute mo kaya, kaya nga mahal na mahal kita eh,” malokong pahayag ni Andrei sabay kindat sa dalaga.

“Mukha mo! Tantanan mo nga ako Andrei ha!” sigaw ng dalaga at tumakbo palayo sa binata. Naiwan lang ang binata na tatawa-tawa lang sa kalokohang ginawa.

Madalas talagang magtalo ang dalawa. Paano ba naman eh ang lakas mang-asar ng binata sa dalaga. Parati niya itong niloloko at pinagkakatuwaan. Aliw na aliw kasi siya sa reaksyon ng dalaga sa tuwing naiinis ito sa kanya. Para bang hindi kompleto ang araw niya kapag hindi niya nakikita ang halos mangamatis na sa pulang mukha ng dalaga dahil sa inis sa kanya.

“Bakit ba parati mong inaasar yang si Kristine ha Andrei? May gusto ka ba talaga sa kanya?” tanong ng kaklase nilang si Chyska sa binata. May gusto kasi ang dalaga kay Andrei kaya naman labis na kinaiinis nito ang labis labis na atensyon na ibinibigay ng binata kay Kristine.

Sakto namang napadaan si Kristine kaya naman hindi sinasadyang narinig niya ang usapan ng dalawa. Nakatalikod si Andrei sa kanya kaya naman hindi siya nakita ng binata at hindi sineryoso ang pagsagot sa tanong ni Chyska.

“Ha? Hindi ah! Masarap lang talagang asarin yun kasi parang siopao kasi ang mga pisngi tsaka asar talo,” natatawang sagot pa ng binata. Naaalala niya na naman ang malakamatis sa pula na mukha ni Kristine sa tuwing naiinis sa kanya.

Nasaktan naman si Kristine sa narinig. Madalas man silang magtalo ay hindi niya maikakaila na may nararamdaman siya para sa binata. Sa tinagal-tagal ba naman nilang magkasama. Simula pagkabata ay inaasar na siya ni Andrei at palaging sinasabihang mahal siya nito, kahit na alam niyang niloloko lang naman siya ng kababata ay hindi niya mapigilang umasa na baka totoo ngang may nararamdaman din ito para sa kanya. Pero sa binata na mismo nanggaling na hindi siya nito gusto at natutuwa lang talaga itong asarin siya.

Labis na nasaktan si Kristine kaya naman desidido siyang kalimutan na ang kanyang nararamdaman para sa binata. Iniwasan niya si Andrei. Kahit anong kulit sa kanya ng binata ay hindi niya ito pinapansin. Nagmumukha na ngang tanga ang binata dahil kung umasta siya ay para bang hindi niya naririnig o nakikita ang binata.

Alam ni Andrei na may mali eh. Hindi lamang simpleng inis o tampo ang maaaring dahilan kung bakit nagkakaganun si Kristine. Magkasama na silang dalawa bago pa man sila natutong magsulat o magbasa kaya kilalang kilala niya na ang dalaga. May malalim na dahilan kung bakit hindi siya nito pinapansin.

Sinadya niyang hintaying umuwi ang dalaga. Gabi na kasi ito kung umuwi dahil officer ito at marami pang ginagawa pagkatapos ng klase. Naghintay siya ng mahigit apat na oras para lamang makausap ang dalaga.

“Tin,” tawag niya sa dalaga pagkalabas nito ng gate ng building nila. Gaya nang inaasahan ay hindi siya pinansin ng dalaga at dire-diretso lang ito sa paglalakad na para bang walang narinig.

“Ano ba talaga ang problema ha?” patuloy lang siya sa pagsunod kay Kristine habang naglalakad ito.

“Tin ano ba?! Kinakausap kita! Huwag ka namang bastos, okay? Kung galit ka, sabihin mo! Hindi yung tinuturing mo akong parang wala lang. Parang hindi ako nag-eexist sa mundo mo. Nagmumukha na akong tanga kakasunod sayo oh!” medyo napipikong saad ni Andrei sa dalaga at hinawakan ito sa braso para mapatigil sa paglalakad.

Hindi pa rin ito umiimik kaya naman mas lumakas ang kutob niya na may problema talaga. Ano ba kasi ang nagawa niya para magkaganun ang dalaga? Humarap siya sa dalaga at tiningnan ito sa mukha.

“Ano ba ang nagawa ko ha? Please naman sabihin mo na sakin ng makahingi ako ng tawad sayo,” nagsusumamong pakikiusap niya sa dalaga. Napatingin naman ang dalaga sa kanya.

“Wala,” tipid na sagot nito sa binata.

“Eh bakit ka nagkakaganito?” hindi makapaniwalang tanong ni Andrei sa dalaga. Muling hindi umimik ang dalaga na tuluyan ng nakaubos ng pasensya ng binata.

“Ganun ba talaga ako ka walang halaga sayo ha Kristine? Ganun lang kadali sayo na balewalain ako?” hindi na napigilang tumulo ng mga luhang kanina pa pinipigilan ni Andrei. Labis na siyang nasasaktan sa pagbabalewala sa kanya ng dalaga. Tinitigan niya sa mata ang dalaga at nagulat siya ng makitang tumulo rin ang mga luha sa mga mata nito.

“Sana nga ganun lang kadali iyon. Bakit ka ba kasi ganyan? Bakit ba kasi hindi mo ako tinatantanan ha? Sobra na kasi akong nasasaktan sa mga ginagawa mo eh. Sa tuwing umaasta ka ng ganiyan ay hindi ko mapigilang umasa na baka mahal mo rin ako, kahit na alam kong natutuwa ka lang namang asarin ako,” lumuluhang saad ng dalaga.

“A-anong sabi mo? Ma-mahal mo ako?” hindi makapaniwalang tanong ng binata kay Kristine. Aalis na sana ang dalaga ng bigla siyang niyakap ni Andrei ng mahigpit.

“Alam mo bang kaytagal kong hinintay na marinig sayo ang mga salitang iyan? Mahal na mahal din kita, Kristine! Matagal na!” mahahalata ang labis na kagalakan sa boses ng binata.

“A-ano? Pero ‘di ba parati mo akong inaasar dahil natutuwa ka sa reaksyon ko?” hindi makapaniwalang tanong niya sa binata.

“Well, hindi ko kinakaila ‘yan pero ginagawa ko talaga iyon simula noon para mapansin mo ako at para mas mapalapit sayo. ‘Yon lang kasi ang alam kong paraan para mapansin mo ako eh. Sino ba naman ako ‘di ba?” napakamot pa sa kanyang batok ang binata habang sinasabi iyon sa dalaga.

“Baliw. Mahal nga kita eh,” nakangiting pag-amin ng dalaga kay Andrei. Hindi niya inaakalang darating ang araw na ito kung kailan masasabi niya sa binata ang tunay niyang nararamdaman para dito.

“Pero mas mahal kita,” sagot ni Andrei sa dalaga at niyakap ito nang mahigit. Sa wakas ay nasabi niya na rin ang mga katagang iyon ng hindi pabiro sa dalaga.

More Stories