Inday TrendingInday Trending
Mas Uunahin Niyang Ipambili ang Pera sa Pagkain Kaysa Bagong Bisikleta; Isang Tulong ang Dumating sa Kaniya

Mas Uunahin Niyang Ipambili ang Pera sa Pagkain Kaysa Bagong Bisikleta; Isang Tulong ang Dumating sa Kaniya

Isang malakas na bagyo ang tumama sa lugar nila at nagdulot iyon ng pagbaha, dahilan upang pasukin ang loob ng bahay nila ng hanggang beywang na tubig baha at ianod ang mga bagay na madadanan nito.

Isa na nga roon ang naka-kadenang bisikleta ni Mang Juan. Ipina-parada niya ang bisikleta sa labas ng bahay nila. Nakakadena iyon upang hindi pag-interesan ng mga magnanakaw. Ngunit hindi iyon nakaligtas sa tubig baha. Kamuntikan na itong inaanod, mabuti na lang at agad niya itong naalala.

Nagkanda-sira-sira ang bisikleta ni Mang Juan bago pa man niya ito naipasok sa loob ng bahay.

Kinabukasan nang mawala na ang baha at matapos na nilang malinis ang bahay nilang pinasok ng tubig ay kinumpuni naman ni Mang Juan ang kaniyang luma ng bisikleta.

“Oh! Mang Juan, sira na naman?” Tanong ni Marvin.

“Oo e. Sanay na ‘to masira. Nakalimutan ko rin kasing nakaparada pa pala ito sa labas. Hindi ko naakyat agad,” ngingiti-ngiting wika ni Juan.

“Ilang taon na ba iyang bisikleta mo?”

“Naku! Kasing edad lang yata ito ng bunso kong si Ian. Kinse anyos na rin itong bisikletang ito. Wala pa kasing perang pambili ng bago kaya tiyaga-tiyaga na muna,” sagot ni Mang Juan, abala pa rin sa pag-aayos ng nasirang bisikleta.

“Ang ipambibili kong bagong bisikleta ipambibili ko na lang muna ng pagkain, Marvin. Gano’n talaga bago mo isipin ang ibang bagay iyon munang pinakamahalaga ang unahin.”

Ang bisikletang kinukumpuni ni Mang Juan ang siyang lagi niyang sinasakyan papuntang trabaho. Madalas nga ay itinitirik siya nito sa ginta ng daan ngunit hindi niya pa rin ito kayang bitawan. Walang perang pambili ng bago.

Alam ni Marvin ang hirap ng buhay ng pamilya ni Mang Juan, may apat itong anak ngunit lahat naman ay batugan. Kuntento na sa buhay tambay at hindi tumatagal sa trabaho. Ang dalawa naman ay may kaniya-kaniya nang pamilya.

Kaya kahit may edad na ang mag-asawa ay kumakayod pa rin dahil wala namang ibang maaasahan.

“Mang Juan, samahan niyo ako mamaya. May bibilhin kasi ako tapos mahirap kapag wala akong katuwang sa pagbubuhat kung ayos lang sa inyo. Babayaran ko na lamang po kayo,” wika ni Marvin sa mabait niyang kapitbahay.

“Sige ba. Walang problema, Marvin,” ani Mang Juan at muling ipinagpatuloy ang pagkukumpuni ng bisikletang sira.

Kinahapunan ay lumakad na nga ang dalawa. Sakay ng sasakyan ni Marvin si Mang Juan upang samahan ito. Pumunta sila sa Raon, Sta. Cruz Manila. Kung saan mas makakapili ng maayos at magandang bisikleta.

“Sige na Mang Juan, pumili ka ng bisikletang para may kapalit na iyong luma mong bisikleta,” wika ni Marvin na labis ikinagulat ni Mang Juan.

“H-ha? Akala ko ba Marvin ay para sa’yo ang bibilhin mo?”

Bahagyang tumawa si Marvin. “Para sa’yo po Mang Juan. Lagi ko na lang kasing nakikita na kinukumpuni mo iyong bike mo. Kahit alam mong mahirap na siyang ayusin dahil sa kalumaan niya ginagawan niyo pa rin ng paraan.

Kaya naisip kong bigyan kayo ng bagong bisikleta para hindi na rin kayo mahirapan pa. Hindi na titirik agad ang gulong dahil bago na,” nakangiting wika ni Marvin.

Mangiyak-ngiyak na yumakap si Mang Juan kay Marvin. Hindi niya alam kung paano ito pasasalamatan. “Sobrang napakalaking bagay ng ibibigay mo sa’kin, Marvin. Hindi ko alam kung paano ka babayaran.”

“Hindi niyo po kailangang magbayad Mang Juan, isipin niyo na lang na ito ang maagang pamasko ko sa kabutihan mo sa’kin at sa pamilya ko. Ikaw po ang mabilis na mahingan namin ng tulong kapag may problema sa bahay namin.

Hindi rin po kayo nagpapabayad kaya ito na ang regalo ko sa kabutihan mo. Alam kong mahalaga sa trabaho mo ang bisikleta kaya ito na lang ang naisip kong ibigay,” wika ni Marvin. “Sige na mamili ka ng magandang bisikleta para sa’yo.”

Agad namang namili si Mang Juan at walang humpay ang sayang naramdaman ng lalaki sa bagong biling bike na bigay ni Marvin. Sa wakas ay hindi na niya kailangang pagurin ang sarili sa pagkukumpuni ng luma niyang bisikleta dahil may bago na siya.

Hindi na rin siya mahihirapan dahil hamak na mas maganda ang binili ni Marvin para sa kaniya.

“Maraming-maraming salamat, Marvin. Hindi ko talaga lubos maisip na bibilhan mo ako ng bisikleta. Iyong mga maliliit na tulong ko sa pamilya mo mula noon hanggang ngayon ay hindi ko naman naisip na ito ang magiging sukli,” madamdaming wika ni Mang Juan.

“Walang anuman po Mang Juan. Iyan ang patunay na mayroon talagang good karma,” nakangiting wika ni Marvin saka nagpatuloy sa pagmamaneho pauwi sa kanila.

Advertisement