Simple Lamang ang Kaniyang Pagmamagandang Loob; Ngunit Isang Pamilya ang Kaniyang Naisalba sa Hirap

Simple Lamang ang Kaniyang Pagmamagandang Loob; Ngunit Isang Pamilya ang Kaniyang Naisalba sa Hirap

HeartbreakingInspiringStories

Pigil na pigil ni Clarissa ang antok sa bus. Nadala na kasi siyang matulog sa bus nang minsan siya manakawan ng cellphone nang nakaidlip siya.

Biyernes kasi at pauwi siya sa kanilang probinsiya upang bumisita sa bahay ng kaniyang mga magulang. 

Sa Maynila na siya nagtatrabaho. Paminsan-minsan ay nagtitipon-tipon silang magkakapatid sa bahay ng kanilang mga mga magulang nang sa gayon ay hindi naman masyadong malungkot ang dalawang matanda. 

Nilibang na lamang niya ang sarili sa pakikinig ng musika sa kanoyang cellphone habang tinatanaw ang mga punong nadadaanan ng bus sa expressway.

Matapos ang iilang minutong pakikinig ay nagtaka si Clarissa nang mawala ang tunog na pinakikinggan. Napabuntong hininga siya nang makitang na-lowbat na ang kaniyang cellphone. 

“Kung kailan naman bored na bored ako, saka pa na-lowbat ang cellphone ko…” pabulong na himutok ng dalaga. 

Walang magawa ang dalaga kung hindi ituon ang buong atensiyon sa labas ng bus.

Hindi niya tuloy maiwasang marinig ang pinag-uusapan ng mag-asawang katabi niya. 

“Dong, sabihin na lang natin sa kundoktor na kulang ang pamasahe natin. Hindi ka pwedeng bumaba sa bayan pauwi sa baryo dahil napakalayo nun!” pabulong na pagpupumilit ng babae, marahil ay ayaw nitong magising ang kalong-kalong na anak. 

“Hindi, hindi pwede, Arlene. Saka baka pagalitan pa tayo ng kundoktor at mapahiya lang tayo sa mga taong nakasakay,” pangangatwiran naman ng lalaki. 

Bahagyang nakaramdam ng awa si Clarissa sa mag-asawang nagdidiskusyon lalo pa’t mukhang natataranta na ang pobreng mag-asawa dahil palapit na palapit ang kundoktor na nangongolekta ng bayad. 

Sa isipan ni Clarissa ay iniisip niya kung mayroon ba siyang sobrang pera na maari niyang maitulong sa mag-asawa. 

Naisip ni Clarissa na mayroo siyang nakatabing dalawang libo na pambili niya ng sapatos.

Saktong nasa tapat nila ang kundoktor nang makapagdesisyon si Clarissa. Bagaman nahihiya ay kimi siyang nagtanong sa babae kung magkano ba ang kulang sa pamasahe nito. 

“Naku, hija, hindi na, nakakahiya naman. Napagdesisyunan na namin na maglalakad na lang ang asawa ko,” hiyang-hiyang wika ng babae. 

“‘Wag na po kayong mahiya ate, gabing-gabi na po kasi, baka mapahamak pa ang asawa niyo kung maglalakad pa siya pauwi,” wika ni Clarissa.

“Saka ho napakalayo pa ng lalakarin kung mula sa bayan hanggang sa Del Pilar,” sabad pa ng kundoktor. 

Hiyang-hiya naman ang babae ng muling magsalita. “600 pa ang kulang namin eh,” nakayukong sabi nito, lalo na’t bahagya na silang nakakakuha ng atensiyon dahil sa pagtatagal ng kundoktor sa pwesto nila. 

Walang pagdadalawang-isip na inabutan ni Clarissa ng isang libo ang babae. 

“Eto na ho, sa inyo na ‘yan,” nakangiting udyok ni Clarissa sa babae.

“Pasensiya na talaga hija, pero maraming salamat, nawa ay pagpalain ka ng Diyos,” tila maluluhang sambit ng babae. 

“Pinalayas kasi kami sa tinitirhan namin kaya kailangan namin makauwi sa probinsiya sa lalong madaling panahon bago pa kami magpalaboy-laboy sa kalsada,” bahagyang pagkukwento ng babae. 

Ang kundoktor naman ay tila nakikisimpatya rin sa mag-asawa. 

“Boss, parang sobra ho yata yung isinukli niyo sa amin?” Nagtatakang tanong ng asawang lalaki. 

“’Yaan mo na, discounted na ho yung sa inyo,” nakangiting wika ng kundoktor bago nagpatuloy sa paniningil. 

Napangiti si Clarissa. Alam niya kasi na ibabawas din sa sweldo ng kundoktor ang kung anumang discount na ibinigay nito sa mag-asawa. 

Habang nasa biyahe ay nagkwento ang babae. 

“Nawalan ng trabaho ang asawa ko nang magsara ang pabrika kung saan siya nagtatrabaho bilang isang security guard. Simula noon ay nahirapan na kami makabayad sa bahay na inuupahan namin.” 

“Hindi na nakahanap pa ng bagong tranaho ang asawa ko dahil mas pinipili ng mga kompanya yung mga bata bata pa. Hanggang sa tuluyan na kaming ipinagtabuyan ng may-ari ng tinitirhan namin.” 

Bahagyang napaluha ang babae. Marahil ay naalala nito ang pang-aaping dinanas. 

Naisip ni Clarissa na mabuti na lamang at hindi niya inignora ang nangangailangan. Marahil sa kaniya ay maliit na bagay lamang ang isang libo ngunit para sa mag-asawa na walang wala talaga ay malaking bagay iyon. 

Kaya naman hindi matapos tapos ang pasasalamat ng mag-asawa kay Clarissa hanggang sa makababa siya ng bus. 

Kinabukasan, ginising siya ng maya’t mayang pagtunog ng kaniyang cellphone. Nagulat siya nang makita ang napakaraming mensahe at tawag kahit mula sa mga taong hindi niya kakilala. 

Bago pa man niya maunawaan ang nagyayari ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang matalik na kaibigan si Kath.

“Clarissa! Sikat ka na!” Excited na wika ni Kath!

“Ha? Bakit, may nangyari ba?” naguguluhang tanong niya sa kaibigan. 

May kumuha pala ng video ng pagtulong niya sa mag-asawa. Kaya naman puring-puri si Clarissa ng mga netizens, dahil sa kaniyang kagandahang loob.

Ngunit ang higit na ikinatutuwa ni Clarissa ay pagdagsa ng mga taong gustong tulungan ang mag-asawa. 

Abot-abot ang tuwa niya dahil sa maliit na tulong na ibinigay niya ay naisalba niya ang isang naghihirap na pamilya. At hindi iyon matatawaran ng kahit na anong papuri mula sa sinuman. 

More Stories