
Malungkot man ay Pumayag ang Mister sa Pagtatrabaho sa Abroad ni Misis; Ngunit Bakit Nagsisisi Siya Ngayon sa Naging Desisyon?
“Lorenzo, payagan mo na akong mag-abroad. Para naman sa pamilya natin ito,” nakikiusap na wika ni Helen sa asawa.
“Pero Helen…” nahihirapang sambit naman ng lalaki.
“Dalawang taon lang naman ako doon, Lorenzo. Mabilis lamang iyon. Ikaw na muna ang bahala sa tatlo nating anak. Magsusumikap ako doon, upang sa pagbalik ko magaan na ang buhay nating pamilya,” pursigidong sambit ni Helen.
Wala namang nagawa si Lorenzo kung ‘di ang payagan ito. Tatlo na ang anak nila at totoong nararamdaman na ng mga ito ang hirap ng buhay nila. Nagta-trabaho naman siya bilang drayber ngunit palagi pa ring kinakapos ang sahod niya.
Kaya baka tama nga si Helen na mas maganda kapag pareho silang mag-asawa ang may trabaho.
Noong unang buwan ni Helen sa Hong Kong ay lagi itong tumatawag sa kanila at nangangamusta. T’wing sahod naman ay laging nagpapadala. Kaya nakakaipon si Lorenzo at ngayon ngang malapit na itong mag-isang taon ay naipaayos na niya ang baro-baro nilang bahay.
Masayang-masaya si Helen nang makita ang katas ng mga pinaghirapan nito. Ngunit nitong nakaraan ay madalang na lamang tumawag si Helen. Kung hindi pa niya ito kinukulit ay hindi pa ito tatawag at lagi pang nagmamadali.
“Helen, bakit parang nagbago ka na?” Takang tanong ni Lorenzo, minsang tumawag ang asawa upang kumustahin sila.
“H-ha? Ano kasi Lorenzo, masyado akong abala ngayon dahil nasa bakasyon sila madam at sir. Hayaan mo at babawi ako,” anito.
“Basta mag-iingat ka d’yan, Helen. Miss na miss na kita,” may himig lambing na wika ni Lorenzo.
“Gano’n ba? Ako rin. Sige na, Lorenzo. May gagawin pa ako,” anito saka ibinaba ang tawag.
Nagtataka man sa lamig ng pakikitungo ng asawa ay sina-walang bahala na lamang iyon ni Lorenzo. Baka pagod lamang si Helen.
Isang tawag ang nagpagising kay Lorenzo. Numero iyon ng kaniyang asawa kaya ngali-ngali siyang bumangon upang sagutin ito. Laking pagtataka dahil humihikbi ito sa kabilang linya.
“Helen, may nangyari ba?”
“Lorenzo,” tumatangis na sambit ni Helen sa kabilang linya. “May nais akong aminin sa’yo.”
Biglang lumukob ang kaba sa dibdib ni Lorenzo sa sinabi ni Helen. “Ano ba iyon?”
“Patawarin mo sana ako, Lorenzo,” patuloy nito sa paghikbi. “May malaking kasalanan akong nagawa. Buntis ako, Lorenzo. Nabuntis ako ng kasamahan kong Pinoy dito sa Hong Kong,” pag-amin nito at mas lalo pang lumakas ang hagulhol.
Pakiramdam ni Lorenzo ay biglang gumuho ang mundo niya sa inamin ni Helen. Nais niyang unawain at intindihin si Helen, ngunit paano niya iyon gagawin, kung nagtaksil ito sa kaniya.
“Patawarin mo ako dahil naging marupok ako, Lorenzo. Alam kong hindi mo ito deserve. Napakabait mong asawa at ama, pero nagawa ko pa rin ang lokohin ka,” tumatangis na wika ni Helen.
“Paano mo nagawa sa’min ‘to, Helen. Ang sabi mo ay pupunta ka d’yan upang bigyang katuparan ang mga pangarap natin. Ngunit bakit ganito ang ginawa mo?” Umiiyak na ring wika ni Lorenzo na pilit pinapahinahon ang sarili.
“Naging mahina ako. Patawarin mo ako.”
“Hindi ko alam kung anong dapat kong gawin at sabihin. Pero nagagalit ako sa’yo ngayon, Helen. Hindi lang ako ang pinagtaksilan mo kung ‘di pati ang mga anak natin.
Ilang gabi rin akong nangulila sa’yo, pero ni minsan hindi ko inisip ang mambabae dahil iniisip kita pati na ang mga bata. Pero bakit mo nagawa ang bagay na ito!” Galit na wika ni Lorenzo.
“Patawarin mo ako. Alam kong nagkamali ako, pero mahal na mahal ko kayo, Lorenzo at hindi ko kayang mawala. Alam kong hindi magiging sapat ang paghingi ko ngayon ng kapatawaran, pero hindi ako magsasawang patunayan na nagsisisi ako.”
Lumipas ang limang buwan mula noong huli silang magkausap ni Helen. Panay pa rin ang tawag nito upang makita at makausap ang mga anak nila na hindi naman niya ipinagdadamot.
Ngayon ang uwi nito sa Pilipinas, makalipas ang dalawang taong nawala ito. Nakiusap ito sa kaniya kagabi na sunduin niya ito na mariin niyang tinanggihan.
“Kumusta ka na Lorenzo?” mahinang kausap ni Helen sa kaniya.
Nakatayo ito sa harapan niya. Malungkot ang mukha at mangiyakngiyak. Malaki na ang ini-lobo ng tiyan. Ang bunga ng kataksilang ginawa nito.
“Alam kong hindi mo pa rin ako napapatawad. Siguro iniisip mong ang kapal ng mukha kong bumalik sa’yo matapos kitang pagtaksilan,” patuloy ni Helen.
Umiling si Lorenzo at tabinging ngumiti. “Oo. May parte sa isip kong iniisip na ang kapal ng mukha mong magpakita pa sa’min. Pero may parte pa rin sa isip at puso kong labis na sinisisi ang sarili ko, Helen,” aniya na ang mga luha’y nag-uunahan ng pumutak.
“Kung may sapat lamang sana akong kakayahan na buhayin kayo at ibigay ang mga panganagilangan ninyo, hindi mo maiisip na mangibang bansa. Hindi sana tayo magkakalayo at hindi ka sana matutukso,” humahagulhol na dugtong niya.
“Pero naiisip ko rin na kung talagang mahal mo kami, Helen, magtitiis ka. Ikaw na nga ang may sabi noon na mabilis lamang ang dalawang taon. Ngunit bakit hindi mo kinaya?”
“I’m sorry, Lorenzo.”
“Pero kahit sobrang sakit nang ginawa mo Helen, pipiliin ko ang patawarin ka. Dahil iyon ang ipinangako ko sa’yo noong ikinasal tayong dalawa. Kahit may mga bagay na hindi ko kayang intindihin, iintindihin kita, dahil mahal kita at mahal ko ang mga anak ko. Ayokong mawalan sila ng ina, dahil lamang sa pansarili kong dahilan.”
“Salamat Lorenzo, patawarin mo ako.”
Iyon na nga ang ginawa ni Lorenzo, kahit napuno sila ng tsismis dahil nga sa pag-uwi ni Helen na buntis na ay binalewala niya iyong lahat. Tinanggap niya rin ang anak ni Helen at tinuring na parang tunay na anak.
Ang kasalanan ni Helen, kailanman ay hindi magiging kasalanan ng anak nito. Inisip na lamang ni Lorenzo na isa iyong pagsubok na ibinigay ng Panginoon sa relasyon nila.