Dahil sa Aksidente ay Nawalan Sila ng Padre de Pamilya; Tanggapin Kaya Nila ang Bente Mil Kapalit ng Pag-urong sa Kaso?

Dahil sa Aksidente ay Nawalan Sila ng Padre de Pamilya; Tanggapin Kaya Nila ang Bente Mil Kapalit ng Pag-urong sa Kaso?

HeartbreakingKarmaStories

Isang masamang balita ang dumating kay Sheena, isang umaga mula sa kaniyang pamilya sa ‘Pinas.

“Ate,” humihikbing bungad ng kaniyang kapatid na si Daren. “P*tay na si Papa,” anito na labis niyang kinabigla.

“Ha! Paano? Bakit? Malakas at malusog pa ang papa kaya paano nangyari iyon?” Naguguluhan niyang sambit. Nanginginig ang kaniyang buong katawan at tila ayaw gumana ng kaniyang isipan.

“Nabangga ng isang kotse ang motor na minamaneho ni papa kaninang madaling araw habang papunta na siya sa palengke upang magtinda,” paliwanag ni Daren, tuluyan na ngang nanghina si Sheena sa masamang balitang natanggap.

“Uuwi ako d’yan. Huwag na huwag kayong makikipag-areglo, Daren,” aniya saka nagpaalam sa kapatid.

Agad siyang nagpaalam sa kaniyang amo upang makauwi ng ‘Pinas. Kasalukuyan kasi siyang nagtatrabaho ngayon sa San Francisco bilang isang nurse. Hindi naman nagdalawang-isip ang amo niya na agad siyang pinayagang umuwi at nagpadala pa ito ng kaunting pabaong pera upang tulong na rin.

Dalawang araw na mula noong nakauwi si Sheena sa bahay nila nang may dumating na hindi nila kakilala. Nagpakilala ang mga itong pamilya ng nakabangga sa kaniyang ama.

“Magbibigay kami ng bente mil iurong niyo na lang po sana ang kaso sa anak ko. Hindi niya rin po iyon sinasadya. Isang malaking aksidente ang nangyari,” mangiyak-ngiyak na pakiusap ng nagpakilalang ina ni Herbert ang lalaking bumangga sa papa nila.

“Bente mil?” Ulit ni Sheena sa sinabi ng ginang. “Sa palagay niyo po ba bente mil lang ang halaga ng buhay ni papa?” Nanginginig sa inis na tanong ni Sheena. “Paano niyo nasasabi sa’min na aksidente lamang ang nangyari, kung ang lumalabas sa imbestigasyon ay nakainom ang anak niyo at over speeding ang pagpapatakbo niya sa minamaneho niyang sasakyan.

Tapos sa dr*ug test nag-positibo pa siya. Kung naging mas responsable sana ang anak ninyo, hindi mangyayari ang sinasabi ninyong aksidente at hindi sana nakaratay d’yan ang papa ko!” Gigil na singhal ni Sheena.

Agad na humagulhol ng iyak ang ginang at walang kung ano-ano’y lumuhod sa kanilang lahat. “Patawarin niyo ang anak ko. Kasalanan ko ang lahat ng ito.”

“Hindi ko kayo kilala ma’am. Hindi ko rin kayo huhusgahan bilang isang ina. At mas lalong hindi niyo kailangang humingi ng patawad sa’min dahil hindi naman kayo ang nakasag*sa sa tatay ko. Pero hinding-hindi po kami tatanggap ng bayad. Sa inyo na po ang bente mil ninyo, dahil hindi ko iuurong ang kaso ng anak niyo.

May kasalanan siyang nagawa at kailangan niya iyong pagbayaran sa batas. Hindi kami mayaman pero marangal ang pamilya namin. Kailanman ay hindi niyo mabibili ang buhay na kinuha ng anak niyo sa’min.

Kulang ang bente mil sa buhay ng tatay ko. Dahil walang halaga ang pera! Ang nais ko’y ibalik niyo ang buhay niya,” aniya at tuluyan ng bumigay ang mga luha niyang kanina pa pinpigilan.

Masyadong mabilis ang pangyayari at masyadong masakit. Kung lahat sana ng drayber ay responsable, wala sanang buhay ang bigla na lang mawawala. Bago sana gumawa ng kalokohan isipin munang mabuti ang pwedeng kahinatnan.

Kagaya na lang ngayon sa nangyari sa Tatay ni Sheena. Nam*tay ito dahil sa pagiging iresponsable ng isang tao. Tapos balak pa silang suhulan upang mapawalang bisa lamang ang isinampang kaso at tuluyang makalaya. Mamumuhay na normal.

Tapos sila ang nawalan sila pa ang mas nahihirapan, dahil sa pagkawala ng isang mahal sa buhay. Paano kung wala silang kakayahan sa buhay. Tatanggapin nila ang bente mil at makakalaya ang may sala.

Hanggang sa mailibing ang labí ng kaniyang papa ay nagpatuloy ang kaso na hindi rin tumagal at tuluyang nakulong ang may sala ng maraming taon. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam nilang pamilya, dahil nakamit nila ang tamang hustisya.

“Patawarin mo ako Miss Sheena,” mahinang kausap sa kaniya ni Herbert na ngayon ay nakaposas ang dalawang kamay.

“Ngayong nakamit na namin ang hustisya ay baka kaya ko nang turuan ang sarili kong patawarin ka, Herbert. Hindi madali ang pagpapatawad, sana alam mo iyon. At sana lagi mong tatandaan na hindi lahat ng bagay nadadaan sa pera.

Nakamit namin ang hustisyang nais namin dahil sa pagtanggi namin sa perang nais niyong isuhol. Sana maisip mo, pati na ng pamilya mo na hindi lamang bente mil ang halaga ng buhay ng tao,” aniya saka alanganing ngumiti sabay tapik sa balikat nito at umalis.

Palagi niyang ipagdarasal ang tuluyang katahimikan ng kaniyang papa at pati na rin ang pagpapatawad. Hindi madali ang magpatawad, pero tao lamang siya upang hindi gawin ang bagay na iyon. Panahon na lamang ang makakapagsabi.

More Stories