
Pagbebenta ang Nakikitang Paraan ng Batang Lalaki Upang Makatulong sa Magulang; Tingin ng Iba’y Siya ay Napipilitan
Bitbit ang tatlong bote ng sabon ng pinggan at tatlong bote rin ng fabric conditioner ay nagsimulang naglako si Alex sa kalapit Baryo upang ialok ang paninda.
Apat silang magkakapatid, at siya ang panganay sa lahat. Sampung taong gulang siya ang sumunod naman sa kaniya ay pitong taon gulang at ang dalawa pang natira ay apat na gulang at ang bunso ay magdadalawang taon pa lamang. Construction worker lamang ang trabaho ng kaniyang amo bilang isang labor at labandera ang kaniyang ina.
Upang may pandagdag panggastos ay si Alex na mismo ang naglalako sa panindang gawa mismo ng kaniyang Mama Ana. Lalo na ngayong may sakit ang kaniyang ama at wala silang pambiling pagkain dahil hindi rin nakakapag-labada ang ina, dahil sa pag-aalaga sa may sakit na asawa.
“Aleng Minda, bili na po kayo ng paninda ko. Murang-mura lang ‘to may sukli ka pa,” masiglang alok ni Alex.
Bahagya namang napangiti si Aleng Minda sa banat ng batang si Alex. “Ano ba iyang bitbit mo, Alex?”
“Gaya ng dati po. Sabon ng pinggan at fabric conditioner.”
“Gano’n pa rin ba ang presyo niyan? Singkwenta?”
“Oo naman po. Magmahalan na silang lahat pero itong paninda ko mananatiling mura,” anito sabay kindat.
Agad namang humalakhak ang ale sa ginawa ni Alex. “Kita mo kapag saktong binata ka na’y marami kang malolokong babae,” anito na natatawa pa rin. “Hala sige akin na iyang tig-isang bote ng tinitinda mo.”
Kinuha agad ni Alex ang isang sabon at isang fabric conditioner. “Salamat Aleng Minda, sa uulitin,” aniya sabay paalam.
Kailangan pa niyang maglako hanggang sa maubos ang paninda niya. Meron pang natira sa bahay nila. Pero mamaya na niya iyon iisipin. Uubusin niya muna ang anim na boteng bitbit upang may maipambili silang pagkain.
Magsisimula na sana siyang maglakad nang biglang may tumawag sa kaniya.
“Boy, ano iyang nilalako mo?” Tanong ng lalaki.
“Sabon at fabric conditioner po, kuya. Bibili po ba kayo?”
“Napakabata mo pa ah. Bakit ikaw na ang pinagtitinda niyan? Nasaan ang mga magulang mo?” Seryosong wika ng lalaking hindi pamilyar kay Alex.
“Nasa bahay po ang tatay ko kasi may sakit, gano’n rin po ang nanay ko kasi inaalagaan niya ang tatay ko, kuya. Bakit po?” Inosenteng tanong ni Alex.
Bigla namang nakaramdam ng habag ang lalaki para sa bata. “Alam mo ba na bawal paghanap-buhayin ang mga batang katulad mo?”
“Alam ko po,” walang gatol na sagot ni Alex. “Kaso kung hindi ko po gagawin ito wala po kaming makakain ngayong araw na ito. Hindi naman po ako pinuwersa ni mama na ilako ang mga ito kuya, nagkusang loob po ako.
Kapag siya pa kasi ang gagawa nito, sino ang mag-aalaga sa papa ko? Hindi ko naman alam paano siya alagaan. Mas alam ko pong magtinda at maglako kaysa mag-alaga ng may sakit.
At saka iyang bawal-bawal na iyan po para lang po ‘yan sa mga mayayaman. Pero sa mga katulad naming mahihirap na isang kahig, isang tuka. Tulungan po ang tawag rito, hindi po child ab*use,” mahabang paliwanag ni Alex at matamis na ngumiti.
“Kaysa kwestyunin niyo po ang mga magulang ko kung bakit nila ako pinagbubuhat ng mabigat at pinaglalako ng ganito. Bilhin niyo na lang kuya itong mga paninda ko, para namaan may pangkain na kami,” dugtong pa ni Alex na idinaan sa biro.
Nakangiting lumapit ang lalaki kay Alex, sabay gulo ng buhok niya. “Matalino kang bata ah,” buong paghangang sambit nito. “Sa mga sinabi mo sa’kin ay bigla akong nagduda kung sino ba sa’ting dalawa ang bata,” anito sabay tawa.
“Siyempre kuya ako. Mahirap naman kung sabihin kong ikaw e, ang tanda-tanda mo na,” biro ni Alex.
“Sige bibilhin ko ang lahat ng paninda mo,” anito sabay labas ng dalawang libo at ibinigay iyon kay Alex.
“Kuya sobrang laki naman ng binigay ninyo. Hindi niyo po ba alam na dalawang libo ang ibinigay mo sa’kin? Dalawang daan lang po itong lahat.”
Gumuhit sa labi ng lalaki ang matamis na ngiti saka muling nagsalita. “Binibigay ko na iyan lahat sa’yo. Bilhin mo ang pagkaing magpapabusog sa pamilya mo at bumili ka na rin ng gamot para sa may sakit mong papa. Umuwi ka na ngayong araw na ito at magpahinga.”
Mangiyakngiyak na niyakap ng batang si Alex ang binatang tila anghel na bumaba sa kalangitan upang bigyan siya ng tulong. “Maraming-maraming salamat po kuya.”
“Anong pangalan mo bata?”
“Alex po.”
“Ako naman si Kuya Billy, magpakabait ka at huwag magsawang tulungan ang pamilya mo ah. Huwag kang magbabago. Naiintindihan mo ba ako?”
“Opo kuya maraming salamat ulit,” wika ni Alex sabay yakap sa binata.
Maraming bata ang kagaya ni Alex, na kahit bata pa ay nais nang tumulong sa mga magulang. Kung tutuusin ay wala sa edad ang pagnanais na makatulong.