
Maluwag na Tinanggap ng Babae ang Karmang Dumating sa Kaniya; Ngunit Ayaw Nitong Madamay ang Anak
Masayang namumuhay ang pamilya ni Bobby, kasama ang kaniyang asawang si Vien at ang dalawang anak na si Nathan at Kristine. Nang biglang dumating si Girly, ang dating kasintahan ni Bobby, kasama ang anak nito.
“Naparito ako kasama ang anak natin upang humingi ng tulong sa’yo, Bobby,” matigas na wika ni Girly.
Tahimik lamang na nakaupo ang batang si Bryan sa tabi ng ina. Hindi maitatangging anak nga ni Bobby ang bata, dahil kamukhang-kamukha niya ito. Ngunit mayroong problema na matagal na niyang kinu-kwestyon noon pa man kay Girly.
“Makalipas ang walong taon, Girly. Bakit ngayon mo lang naisipang magpakita sa’kin?” Tanong ni Bobby sa dating nobya.
“Dahil hindi ko na kayang tustusan pa ang pangangailangan ng anak natin,” prangkang pag-amin nito. “Naghiwalay na kami ni Henry, limang buwan na ang nakakalipas. Mula noon ay nagpalaboy-laboy na kaming mag-ina. Pinipigilan ang sariling huwag lumapit ulit sa’yo at manghingi ng tulong. Dahil alam kong itatanggi mo na naman si Bryan.
Alam kong kikwestyunin mo ulit sa’kin ang legal na paraan Bobby, pero wala na akong magagawa roon. Nangyari na at tapos na. Nakapangalan na kay Henry ang bata.
Kung gusto mo magpa-DNA test kayong dalawa upang patunayan na ikaw ang ama ni Bryan at hindi si Henry. Nagawa ko lang namang ipangalan noon si Bryan, kay Henry dahil alam kong wala kaming kinabukasan sa’yo.
Mahirap ka lang at walang kakayahang bumuo ng maayos na pamilya. Mahal kita, pero ayokong magpaka-marytr. Hindi ako sanay sa hirap. Kaya kay Henry ko ipinangalan ang bata. Hindi ko naisip na pwedeng dumating ang araw na ito.
Ang araw na lalapit ako sa’yo upang humingi ng tulong. Alam mo na anak mo si Bryan, Bobby. Hindi ko kailanman inilihim sa’yo ang bagay na iyon,” mahabang wika ni Girly, wala man lang sa tono nito ang pagpapakumbaba.
Gaya pa rin ng dating Girly na nakilala niya, mataas pa rin itong magsalita at tila hindi yumuyuko nino man.
“Sa puso ko Girly, alam kong anak ko si Bryan. Ngunit nagalit ako sa ginawa mo noon. Ako ang ama ngunit sa ibang lalaki mo ipinangalan ang bata. Iyon ang naging dahilan kaya hindi ko kinilala si Bryan.
Paano ko sasabihin na anak ko si Bryan, kung ibang lalaki naman ang isinulat mo sa Birth Certificate niya. Tama ka, wala akong kwenta noon. Pero no’ng nalaman kong nabuntis kita, bigla parang gusto kong maging mabuting tao, maging mabuting ama.
Kaso tinanggal mo ‘yon sa pamamagitan ng pag-alis sa’kin ng karapatan. Masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo at sobrang tayog ng pangarap mo. Mapangmata ka ng kapwa. Ayoko mang sabihin ito Girly, pero naisip kong ito na ang karma sa’yo.” Prangka niyang sambit.
“Alam ko,” walang gatol nitong sang-ayon. “Tanggap ko ang karmang tumama sa’kin, Bobby.” Tumatango-tangong sambit nito saka nilingon ang anak na tahimik lamang nagmamasid sa kanilang dalawa.
“Bryan, anak. Iiwan na kita dito sa papa mo ha. Napag-usapan na natin ito ‘di ba?” Kausap niya sa sampung taong gulang niyang anak.
“Opo mama,” mangiyak-iyak na sambit ni Bryan.
“Mas okay dito. Hindi ka na masasaktan dahil papa mo naman siya. Tapos makakakain ka na ng tatlong beses isang araw, hindi gaya noon. Huwag kang mag-aalala, dadalaw-dalawin ka palagi ni mama,” anito saka marahang humagulhol.
“Opo mama.”
“Magpapakabait ka rito ah. Huwag magpapasaway,” muling bilin ni Girly sa anak saka matigas ang anyong humarap kay Bobby. “Alagaan mo si Bryan, masakit sa’kin ang iwanan siya sa’yo pero wala akong magagawa. Huwag mong hahayaan na masaktan siya. Sobra-sobrang emotional damage na ang ginawa ni Henry sa kaniya.
Tama ka, Bobby. Deserve ko ang karmang tumama sa’kin, pero hindi deserve ni Bryan ang madamay sa karma ko. Ipinagkakatiwala ko siya sa inyo ng asawa mo. Nakikiusap ako alagaan mo ang anak ko, Bobby.” Tumatangis na pakiusap ni Girly.
Tatlong buwan na mula noong huling nagkausap sina Bobby at Girly. Mula noon ay araw-araw namang dumadalaw si Girly upang kumustahin ang anak. Maliban nga lang nitong huling buwan.
Nagulantang na lang ang buong pamilya ni Bobby, nang malamang namayapa na si Girly. May malubha pala itong sakit na hindi man lang nila alam.
Iyon pala ang pinaka-unang dahilan kaya naisip nitong iwanan sa kanya ang anak nilang si Bryan. Labis naman ang habag nilang mag-asawa sa kwento ni Bryan, tungkol kay Henry.
Mula pala no’ng nagkaisip na si Bryan, ay natatandaan niya kung paano siya kastiguhin ng step father. Madalas ay para itong asong ayaw isabay sa pagkain. Kapag naman nagagalit si Henry ay pinapatulog nito sa labas ang bata.
Gaya ng ipinangako ni Bobby noon kay Girly ay minahal nila si Bryan. Tinaggap din ni Vien, ang anak na para bang tunay niya itong anak. Pinalitan na rin ni Bryan ang apelyido ni Bryan at inilagay sa kaniya.
Pakiramdam ni Bobby ay tuluyan ng nakumpleto ang buhay niya. Ngayon lang niya naisip na kulang pala siya noon at si Bryan nga ang kumumpleto sa pagkukulang na iyon.