Todo Trabaho ang Dalagang Ito, Kahit Inang Humihingi ng Oras ay Hindi Niya Mapagbigayan; Paano Kaya Siya Nagising sa Maling Gawain?

Todo Trabaho ang Dalagang Ito, Kahit Inang Humihingi ng Oras ay Hindi Niya Mapagbigayan; Paano Kaya Siya Nagising sa Maling Gawain?

FamilyInspiringStories

“Grace, anak, baka naman pwede kang makahabol sa pagdiriwang ng kaarawan ko mamayang gabi. Pupunta ang mga tiyahin mo kasama ang mga pinsan mo. Magluluto kami ng mga paborito mong pagkain. Pansit, lumpia, pritong manok at marami pang iba. Humabol ka, ha? Pagtitirhan kita lahat ng putahe!” magiliw na sambit ni Aling Quin sa kaniyang anak, isang umaga habang kumakain ito ng almusal.

“May meeting pa ako mamaya, mama, pagtapos ng trabaho ko,” sagot ni Grace nang hindi tumitingin sa ina. Bukod sa pagkain, abala rin siya sa pagpipindot sa kaniyang laptop. 

“Hindi mo ba ako pagbibigyan? Kaarawan ko naman, eh. Isang beses lang ito sa isang buong taon. Matanda na rin ako baka ito na ang huling kaarawan ko,” biro ng kaniyang ina saka ito tumawa dahilan upang bahagya siyang mainis. 

“Mama, hindi mo ba maintindihan na may importante akong meeting?” pambabara niya rito dahilan upang paliwanagan siya nito. 

“Naiintindihan ko naman, kaso kasi, ilang pagdiriwang na ang nagaganap dito sa atin, lagi kang wala. Nami-miss ka na namin,” paliwanag ito saka bahagyang hinimas-himas ang kaniyang ulo. 

“Marami pa pong pagdiriwang na darating, sa ngayon, hayaan niyo akong magtrabaho para ito sa kinabukasan ko,” masungit niyang sagot, nagmadali na siyang ayusin ang kaniyang mga gamit. 

“Sige, anak, naiintindihan kita, ingat ka, ha?” nakangiti pa ring tugon ng kaniyang ina saka na siya mabilis na lumabas ng kanilang bahay. 

Kung may taong tamad na tamad kumilos para sa kinabukasan, may tao ring sobra sobra ang pagkahayok sa tagumpay at ito’y ang dalagang si Grace na wala nang inatupag kung hindi ang kaniyang trabaho. 

Papasok siya ng maaga, uuwi ng madaling araw. Walang oras sa kanilang bahay na hindi niya kaharap ang kaniyang laptop dahilan upang mangulila sa kaniya ang buo niyang pamilya. 

Ngunit kahit ano pang sabihin ng kaniyang mga magulang, todo trabaho pa rin siya. Madalas pa nga siyang nagagalit sa tuwing kinukulit siya ng mga ito. 

Ang pagpupursigi niyang ito sa trabaho ay dahilan ng kagustuhan niyang masungkit ang pinakamataas na posisyong para sa isang empleyadong tulad niya sa kumpanyang kaniyang pinagtatrababuhan. Kailangan niyang masungkit iyon upang maabot ang pangarap niya para sa kaniyang buong pamilya. 

Ngunit kahit na ganoon ang dahilan niya, para sa kaniyang mga magulang, ito’y hindi pa rin tama dahil bukod sa naaabuso niya ang sariling utak at lakas, kahit ilang minuto’y hindi niya mabigyan ang mga magulang niyang matatanda na. 

Noong araw na ‘yon, hindi nga siya nakadalo sa pagdiriwang ng kaarawan ng kaniyang ina. Mag-aalas tres na ng madaling araw nang siya’y makauwi at bumungad sa kaniya ang mga pagkaing itinabi ng kaniyang ina para sa kaniya. Ngunit dahil nga siya’y pagod na, hindi na niya ito nakain at natulog na lang.

Ngunit ilang minuto pa lang simula noong siya’y makatulog, bigla na lang siyang nagising sa hagulgol ng kaniyang bunsong kapatid dahilan upang puntahan niya ito.

Nadatnan niya itong nakaupo sa kanilang sala, yakap-yakap ang litrato ng kanilang ina. Bigla siya nitong niyakap nang siya’y makita.

“Ate, si mama, malala ang lagay. Sinugod siya sa ospital ni papa ngayon ngayon lang dahil bigla na lang siya sumuka ng dugo,” hikbi nito na labis niyang ikinagulat. 

Agad siyang nagbihis at nagpunta sa ospital kasama ang kaniyang bunsong kapatid. Doon niya nalamang may kans*r na sa sikmura ang kaniyang ina na labis niyang ikinapanlumo. 

Mayamaya pa, muli nang nagkamalay ang kaniyang ina at ganoon na lang ang ngiti nito nang makita siya. 

“Grace, sa-salamat at nabigyan mo ako ng oras ngayon. Sobrang saya ko,” uutal-utal nitong sambit dahilan upang agad niya itong yakapin. 

“Patawarin mo ako, mama, pangako, simula ngayon, hindi mo kailangang magmakaawa para makasama ako. Kaya, magpalakas ka, ha? Sasamahan kita sa laban mo,” mangiyakngiyak niyang sambit dahilan upang lalong mapangiti ang kaniyang ina. 

Doon niya labis na napagtantong naaabot man niya unti-unti ang kaniyang pangarap, nasasayang naman niya ang gintong oras ng kaniyang ina. 

Simula noon, katulad ng ipinangako sa ina, hindi nga siya umalis sa tabi nito. Unti-unti mang bumabagsak ang ambag niya sa kaniyang trabaho, labis naman niyang napapasaya ang mga tunay niyang kayamanan, ang buo niyang pamilya. Araw-araw na siyang sumasabay sa hapag-kainan na kung dati’y palaging bakante ang upuan niya.

Nawa’y huwag na nating hintayin na magkasakit pa ang ating mga magulang para lang pansinin natin sila. Tandaan, kaunti na lang ang oras nila rito sa mundong ibabaw. Ang trabaho’t tagumpay ay makakapaghintay, sila’y malapit nang lumisan. 

More Stories