
Pinapalabas ng Binatang Ito na Inaalagaan Niya Maigi ang Ama, Kabaligtaran Pala ang Ginagawa Niya Rito
“Marami talagang salamat sa pag-aalaga kay tatay, bunso, ha? Pasensiya ka na at hindi ako makatulong sa pag-aalaga sa kaniya,” sambit ni Gigi sa kapatid, isang araw habang nag-aayos siya ng sarili sa harap ng salamin.
“Ayos lang ‘yon, ate, ikaw naman ang nagsusustento sa amin, eh, binibigyan mo pa ako ng pera pang gastos ko sa sarili ko,” nakangiting tugon ni Jojo dahilan upang mapangiti rin ang kaniyang kapatid.
“Aba, dapat lang ‘yon. Halos hindi ka na makalabas ng bahay dahil sa pag-aalaga kay tatay, eh, dapat lang kita bigyan ng regalo,” tugon nito saka siya kinindatan.
“Maraming salamat, ate, pangako, hindi ko papabayaan ang tatay,” sagot niya saka bahagyang hinimas-himas ang ulo ng amang tahimik lang na nakahiga.
“Salamat din sa’yo,” wika nito habang siya’y bahagyang niyakap, “Tatay, alis po muna ako, ha? Huwag ka nang masyadong malikot para hindi ka nagkakapasa kung saan-saan, ha?” bilin nito sa kanilang ama, umungol lang ito na para bang natatakot, “Si Jojo na ang bahala sa inyo, tatay, wala po kayong dapat ikapag-alala” sambit pa nito saka tuluyan nang nagpaalam sa kanila.
“Ingat, ate!” paalam niya sa kapatid saka muli nang ikinandado ang kanilang bahay.
Nang makapagtapos ng pag-aaral, imbis na agad na makapagtrabaho, sa bahay nanatili ang binatang si Jojo upang alagaan ang kanilang ama. Dalawa lang kasi silang magkapatid, ang nakatatanda niyang kapatid ay may sariling negosyo sa Maynila habang ang kanilang ina’y matagal nang pumanaw dahilan upang kahit ito’y lingid sa kaniyang kagustuhan, wala siyang ibang magawa kung hindi ang alagaan ito.
‘Ika niya nga sa ama habang pinapakain ito, “Kung ako lang ang masusunod, hahayaan na kitang mahirapan. Hindi mo naman kami inalagaan noong mga bata pa kami, eh. Puro sugal, babae at bisyo ang alam mong gawin. At kapag wala ka nang pera, bubugbugin mo na kami nila nanay. Nakakainis, bakit ba kasi hindi ka pa malagutan ng hininga? Hanggang kailan mo ako papagurin sa walang kwenta mong buhay?” saka niya isusungalngal ang kutsara sa bibig ng amang wala na sa tamang pag-iisip.
Ganito madalas ang ginagawa niya sa matanda, may pagkakataon pa ngang binubugbog niya ito kapag ayaw kumain dahilan upang ito’y magkapasa-pasa na akala ng kaniyang kapatid ay normal lang dahil sa wala na itong kontrol sa paglalakad. Pinapaniwala niya ang kaniyang kapatid na inaalagaan niyang mabuti ang kanilang ama upang bigyan siya ng pera.
Noong araw na ‘yon, nang makaalis na ang kaniyang kapatid, agad niyang binuksan ang kaniyang kompyuter at naglaro. Hindi niya iniintindi ang amang kanina pa umuungol at nang marindi na siya, nilapitan niya ito’t hinataw ng walis tambo dahil dumumi na ito sa higaan.
“Napakababoy mong matanda ka!” bulyaw niya saka marahas na pinunasan ang ama gamit ang mainit na tubig dahilan upang ngumalmal ito maigi.
“Iiyak ka pa?” panakot niya sa matanda saka iniamba ang walis na nasa tabi niya dahilan upang magpigil ng iyak ang kawawang matanda.
Habang nililinis niya ang ama, bigla na lang may kumatok sa kanilang pinto dahilan upang agad niya bihisan at pahigain sa higaan.
Pagkabukas niya ng pinto, isang malakas na sampal ang sumalubong sa kaniya.
“Wala kang karapatang saktan ang tatay! Naiintindihan kitang masama ang loob mo sa kaniya pero hindi ka ba naaawa? Hindi na makalaban sa’yo ‘yan! Ang ungol niya pala’y tanda ng pagkatakot niya sa’yo! Wala kang puso!” mangiyakngiyak na sigaw ng kaniyang kapatid saka nito nilapitan ang humagulgol nilang ama.
Doon niya nalamang may mga inilagay na camera pala ito sa kanilang buong bahay upang mabantayan din ang kanilang ama. Labis siyang nanlumo nang malaman ito, sinubukan niya mang humingi ng tawad sa kapatid, wala na itong tiwala sa kaniya.
“Sana pala sa iba ko na lang pinaalaga si tatay! Lumayas ka na sa pamamahay ko! Hindi ka namin kailangan! Pasalamat ka at hindi ko kayang ipakulong ka!” hikbi nito dahilan upang tuluyang gumuho ang mundo niya.
Wala siyang nagawa kung hindi ang lumayas doon. Napagtanto niyang halos wala na siyang pinagkaiba sa kaniyang ama noong sinasaktan niya ito na labis niyang pinagsisihan.
Hindi man niya alam kung saan siya dadalhin ng tadhana, ‘ika niya, “Dapat lang sa akin ‘to dahil sariling tatay ko, sinasaktan ko.”
Hindi rason ang mapait na nakaraan upang saktan ang ating mga magulang. Kahit pagbalik-baliktarin man natin ang mundo, sila pa rin ang rason kung bakit tayo nabuhay.