Inday TrendingInday Trending
Sugal at Bisyo ang Inuuna ng Binatang Ito Kaysa sa Sariling Pamilya, Natauhan Siya nang Walang Madatnan sa Kanilang Bahay

Sugal at Bisyo ang Inuuna ng Binatang Ito Kaysa sa Sariling Pamilya, Natauhan Siya nang Walang Madatnan sa Kanilang Bahay

“Wendell, bakit ganito lang ang sweldo mo, ha? Tatlong daan lang sa loob ng dalawang linggo mong pagtatrabaho?” pagtataka ni Agnes sa ibinigay ng pera ng asawa, isang araw nang makauwi ito galing trabaho.

“Eh, nagtaka ka pa, alam mo namang may pandemya ngayon! Malamang kaunti lang ang sahod ko!” inis na tugon ni Wendell saka padabog na itinapon sa likod ng pintuan ang hinubad na sapatos.

“Hoy, Wendell, tigil-tigilan mo ‘yang ganiyang pagrarason mo, ha? Kahit namang noong wala pang pandemya, maliit na ang binibigay mo sa akin! Saan mo dinadala? Hindi ba’t sa babae mo sa kabilang barangay?” panunumbat ng kaniyang asawa dahilan upang lalo siyang mainis.

“Hay naku, Agnes! Tinigilan ko na nga ‘yon, hindi ba dahil sa mga anak natin? Mabuti nga at may naibigay pa ako sa’yo, unang kinsenas ko pa lang na bumalik sa trabaho, nagrereklamo at magtataka ka pa!” bulyaw niya rito, nagsimula nang mag-iyakan ang dalawa nilang maliliit na anak dahil sa kanilang pagtatalo.

“Siguraduhin mo lang na wala kang ginagawang kalokohan, kung hindi, hindi na talaga ako magdadalawang-isip na ilayo sa’yo ang mga anak ko!” sagot nito saka binuhat at pinatakan ang kanilang mga anak, bumuntong hininga lang siya’t hinayaang mag-asikaso ang asawang halatang hirap na hirap na sa buhay.

Sa edad na dalawampu’t dalawa, mayroon ng dalawang anak ang buhay binatang si Wendell. Nagtatrabaho man siya, mas inuuna niya ngayon ang sariling kasiyahan kaysa sa kaniyang pamilya.

Labing walong taong gulang siya noong malaman niyang nabuntis niya ang kasintahang labing limang taon pa lang noon. Natakot man sa hirap ng buhay na kahaharapin dahil sa maagang pagpapamilya, ginawa niya ang lahat upang makalikom ng pera para sa panganganak ng kaniyang nobya.

Tumigil siya sa pag-aaral at pumasok sa kung anu-anong trabaho dahilan upang matugunan niya ang pangangailangan ng kaniyang mag-ina hanggang sa muli itong magsilang ng bata. Ngunit ang pagtitiyaga niyang ito, bigla na lang natigil nang lumaki-laki na ang sweldo niya sa trabahong napasukan niya sa Maynila.

Napasama siya sa ibang mga binata katrabaho roon na todo waldas sa pera tuwing araw ng sahod. Nagpapakasasa sila sa alak, mga babae at sugal dahilan upang halos wala na siyang maibigay sa kaniyang asawa. Matapos ang pagtatalo nilang mag-asawa, agad na siyang namahinga.

Naririnig man niyang umiiyak ang asawa, hindi niya ito kinibo at tuluyang natulog.

Pagkatapos noon, halos dalawang linggo silang hindi nagpansinan ng kaniyang asawa. Aalis at uuwi siyang tulog ito at ang mga bata. Para sa kaniya, mas ayos iyon dahil hindi na siya tatanungin pa ng asawa at mas malaya niyang nagagawa ang lahat ng gusto niya.

Hanggang sa dumating na nga ang araw ng kanilang sweldo, katulad nang nakasanayan, sumama siya sa mga katrabaho, nag-inom, nambabae’t nagsugal siya dahilan upang halos dalawang daan na lang ang perang natira sa kaniya.

Iika-ika siyang umuwi sa kanila dahil sa kalasingan. Ngunit nang makauwi na siya, bigla na lang nawala ang kaniyang pagkalasing nang madatnang wala roon ang kaniyang mag-iina. Wala ni isang gamit at tanging mga damit niya lang ang naroon.

Lalo pa siyang kinabahan nang makita ang iniwang sulat ng asawa, “Tapos na ako sa paghihirap ko sa’yo, kung hindi mo magampanan ang pagiging ama, malaya ka na, hindi ka namin kailangan,” agad niyang hinanap ang kaniyang asawa kahit dis oras na ng gabi.

Nagtanong-tanong siya sa kanilang mga kapitbahay ngunit ni isa sa mga ito, walang nakakita sa kaniyang mag-iina. Halos lumuhod na siya sa lupa sa sobrang pagsisisi sa mga ginawa.

“Diyos ko, ibalik niyo po sa akin ang pamilya ko! Parang-awa mo na, sila ang buhay ko! Pangako, magpapakatino na po ako!” iyak niya habang naglalakad pauwi sa kanilang tahimik na bahay ngayon.

Ilang araw pa ang lumipas, wala pa rin siyang balita tungkol sa kaniyang mag-iina. Ngunit imbis na panghinaan ng loob at isubsob ang sarili sa bisyo, ginawa niya ang kabaligtaran. Itinuwid niya ang baluktot na pamumuhay. Inipon niya ang bawat sweldo at hindi na muling sumama sa mga katrabaho.

Tila nagbunga naman ang kaniyang pagsisisi dahil ilang linggo pa ang lumipas, nakatanggap siya ng mensahe na may nakakita sa kaniyang mag-iina sa kabilang barangay. Hindi man tuluyang bumabalik ang mga ito sa kaniya, kampante na siyang maayos ang lagay ng kaniyang pamilya.

Patuloy siyang nagbibigay ng mga pagkain dito, kasama ang labis na pananalanging makuha niya muli ang puso ng asawang malaki ang hirap sa kaniya.

Advertisement