Walang Ibang Pinangarap ang Binata Kundi ang Makaahon sa Hirap; Ngunit sa Mabuting Paraan Lamang

Sa lahat ng mga empleyado sa kompanyang iyon ng isang food company ay wala na yatang tatalo pa sa pagiging ambisyoso ng isang Andrew Ferdinand.

Kilala siya bilang ang may pinakamatayog at mataas na pangarap sa kanilang lahat, dahil sa kagustuhan niyang magkaroon ng sariling kompanyang katulad ng kanilang pinagtatrabahuhan.

Madalas ay pinagtatawanan lamang siya ng mga kasamahan, dahil imposible naman talagang makamit niya pa ang minimithi. Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral at higit sa lahat, wala siyang perang pang-umpisa kahit ng maliit lang na negosyo.

“A, basta! Kahit ano pa ang sabihin nʼyo, hindi magbabago ang pangarap ko. Libre lang namang mangarap, bakit ba titipirin ko pa ang sarili ko?” katuwiran niya nang simulan siyang tawanan na naman ng mga ka-shift niya sa trabaho habang nagbubuhat sila ng ng mga stocks sa warehouse.

“Oo na, oo na! Ang taas mo nang mangarap. Ingat ka lang, Andrew, kasi masakit din ang bagsak niyan kapag nabigo ka,” tatawa-tawang sagot naman ng isa. Inismiran lamang ito ni Andrew at nagsimula nang magtrabahong muli.

Breaktime nang araw na iyon nang bigla siyang lapitan ng isa sa kaniyang mga katrabaho. Si Wilson.

Nagulat siya. Hindi naman kasi ito palakaibigan at madalas lamang na tahimik. Isa pa, mukha kasing nakakatakot ang hitsura nito dahil bukod sa malaki ang panganatawan nito ay balbas sarado pa! Para itong goon kung ibabase sa pelikula.

“Andrew, narinig ko ang usapan nʼyo kanina, ah?” may pagkaaroganteng sabi nito sa kaniya. “Gusto mo raw magkaroon ng ganitong klaseng kumpanya?”

Advertisement

Sa isip-isip ni Andrew ay mukhang dadagdag pa ito sa mga mambubuska sa kaniya. Gusto na sana niyang umiwas kung hindi lang siya natatakot na baka ma-offend niya ito at banatan siya kapag uwian na.

“A, oo. Nakakatawa ba? Wala, e. Pangarap ko na talaga ʼyon,” sabi pa ni Andrew na inunahan na ito sa sasabihin.

“Hindi naman imposible iyon, e!”

Nagulat siya sa isinagot ni Wilson.

“Ha?” Napamaang pa si Andrew.

“Seryoso. Hindi naman talaga imposibleng makamit mo ang pangarap mong ʼyon, pare. Lalo na, kung sasama ka sa amin ng mga tropa ko,” sabi pa nito sa kaniya.

“Ha? Saan? Baka networking ʼyan, ha? Naku, ayoko,” agad naman siyang inunahan ni Andrew. Napalamas naman si Wilson sa sariling mukha.

“Hindi ʼto networking! May plano kami.” Itinuro nito ang mga katropa na nasa gilid ng kanilang canteen. Katulad nito ay mga mukha rin silang goons sa pelikula.

Advertisement

“Ano naman ʼyon?” tanong ni Andrew. Nagsimula na rin siyang ma-curious sa sinasabi nito.

“Balak naming magtakas ng mga produkto sa isang linggo. Marami kasing ibabagsak na stocks dito sa warehouse kaya uunahan natin ang inventory,” panimula ni Wilson. “Ang totoo ay kailangan pa namin ng isang tao para magsilbing lookout namin sa gagawin namin. Big time ʼto, game ka ba?” nanlilisik ang mga matang tanong nito sa kaniya.

“Sige, game!” mabilis na sagot ni Andrew. Itinago niya ang tunay na nararamdaman. Natatakot siya sa nalamang binabalak ng mga kasamahan.

Kahit naman ambisyoso si Andrew, kailan man ay hindi niya naisipang gumawa ng masama para lang matupad niya ang mga pangarap niya. Mas maigi nang manatili na lamang iyong pangarap kung sa masama lang din niya kukunin ang pagsisimula ng tagumpay.

Nang pakawalan siya nina Wilson matapos nitong sabihin sa kaniya ang buong plano ay agad siyang dumiretso sa management upang magsumbong. Nabigla ang mga namamahala ngunit mabilis nilang inaksyonan ang pangyayari. Nang araw ng bagsakan ng stocks sa warehouse ay hinuli nila sa akto ang grupo nina Wilson habang nagnanakaw ang mga ito! Galit na galit sila kay Andrew, ngunit huli na, dahil sa rehas na ang kanilang bagsak.

Dahil sa kaniyang ipinakitang katapatan ay na-promote si Andrew. Dahil doon ay nagkaroon siya ng mas malaking kita na naging dahilan upang siya ay unti-unting makapag-ipon ng maaari niyang gawing puhunan sa negosyong matagal na niyang balak na simulan.

Matagal ang naging proseso ng pag-unlad, ngunit nang tumuntong sa edad singkuwenta si Andrew ay isa na siyang ganap na successful business man ng isang food company! Ng kaniyang saring food company na dati rati ay kaniya lamang pinapangarap!

Salat man sa edukasyon, busog naman sa pangarap at pagsusumikap si Andrew. Idagdag pa any kaniyang dedikasyon at katapatan ay naging matagumpay nga siyang abutin ang kaniyang minimithing pangarap.