Lumaking Walang Kumpiyansa sa Sarili ang Dalaga; Pagsusulat Pala ang Magiging Sandigan Niya

Ang bawat babae kadalasan ay hinihiling na maging maganda kaya iba’t ibang produkto ang sinusubukan. Mayroon din na nagpaparetoke ng mukha dahil pangit ang tingin nila sa sarili. Isa na rito si Faith Locsin na lahat halos ng pampaganda at sinubukan at binili na.

Puro taghiyawat kasi ang kaniyang mukha at hindi rin siya kaputian. Madalas ay chaka o kaya ay alien ang bansag sa kaniya kaya naman naghanap siya ng kung ano-anong sale sa internet na pampaganda at pantanggal ng pimples. Ngunit sa dinami-dami na ng nagamit ni Faith ay walang umipekto ni isa man sa mga iyon.

Tampulan na siya ng tukso sa kanilang barangay, school o sa kahit saang lugar siya magpunta. Minsan ay nahihiya na siyang lumabas dahil paniguradong masasaktan lang siya sa maririnig. Ngunit madalas ay kinakaya na lamang niya o di kayaʼy sinasakyan ang masasakit nilang mga biro upang kahit papaano ay mabawasan ang kahihiyang nararamdaman niya, dahil hindi naman siya maaaring tumunganga na lamang sa loob ng bahay habang-buhay.

Dugyot, nakakadiri, pangit.

Simula pagkabata ay nakatatak na sa isipan ni Faith ang ganoong mga kataga. Hindi na rin naubos ang mga mapangutyang tao at mukhang nasanay na ang kaniyang tainga sa mga masasamang tabas ng kanilang mga dila.

“Mama, pahinging pera? Bibili ako nito, oh.” Halos maidukdok ni Faith sa ina ang naka-sale na produktong pampakinis mula sa kilalang online store.

Napailing ang kaniyang ina pero binigyan niya pa rin siya nito. Tuwang tuwa si Faith dahil sa suportado siya ng ina sa layaw niya.

“Thank you, mama!” Niyakap niya ito sa sobrang saya.

Advertisement

Lumipas ang araw at linggo pero wala na namang epekto ang biniling produkto ni Faith hanggang sa isang araw, sa kaka-scroll niya sa internet upang maghanap pa ng mga produktong pampakinis ay may nabasa siyang isang akda. Tungkol iyon sa pagtanggap sa sarili at sa pagmamahal sa kung ano ang mayroon ka.

Tila nakaramdam ng iba sa kaniyang kaibuturan si Faith. Bigla niyang naalala ang pagiging desperado niyang baguhin ang kaniyang hitsura dahil mas pinahagalagahan niya ang sinasabi ng mga tapng hindi naman siya kilala, kaysa sa nararamdaman at tingin sa kaniya ng mga taong nasa paligid niya.

Nagbasa pa si Faith ng iba pang mga akda. Tula, maiiksing kuwentong puno ng leksyon sa buhay at kung anu-ano pa. Bigla na lamang doon natuon ang atensyon ni Faith.

Ilang araw pa ang lumipas at sinubukan niya ring magsulat. Gumawa siya ng isang website kung saan maaari niyang i-share ang kaniyang mga nararamdaman, ang kaniyang mga iniisip at ang mismong kuwento ng buhay niya noong hindi niya pa nadidiskubre ang mundo ng literatura.

Agad siyang nakahakot ng mga mambabasang nakare-relate din sa kaniyang mga kuwento. Mga taong katulad niyang walang tiwala sa sarili noon, na ngayon ay nagkakaroon na ng kumpiyansa dahil natututunan na nilang tanggapin at mahalin ang kanilang mga sarili.

Sa huli ay mas pinili ni Faith ang mahalin muna ang kaniyang sarili bago niya iyon hanapin sa iba. Hindi na niya hiniling na maging maganda ang panlabas na anyo niya, bagkus ay mas pinagyaman ang talentong ibinigay sa kaniya ng Diyos, na nang dahil sa kaniyang obsesyon sa pagpapaganda ay ngayon lamang niya natuklasan. Sa halip ay naging kaisa siya ng sinalihang grupo na naglalayong magtiwala at mahalin ang sarili sa kung ano ang pinagkaloob sa kanila ng Panginoon.

Naging positibo si Faith sa buhay at nagkaroon ng mga totoong kaibigan. Marami ang humanga sa kaniya at naging speaker din sa iba’t ibang mga programa upang magbigay inspirasyon din sa iba. Naging masaya siya sa kung ano ang mayroon sa kaniya at hindi na naghangad ng iba pa.

“Lagi po nating tatandaan na ang sarili natin ang unang-una nating aasahan. Sarili natin ang ating unang kakampi. Sarili natin ang unang kailangan natin kung gusto talaga nating makabangon sa kinasasadlakan natin. Kaya naman, bago natin hilingin sa ibang tao na mahalin at tanggapin nila tayo, dapat, magsimula iyon sa mga sarili natin… magsimula ka sa sarili mo,” iyon ang mga katagang binitawan ni Faith bago bumaba sa entabladong iyon kung saan siya naimbitahang magbigay ng inspirational speech.

Advertisement

Dumagundong ang palakpakan ng maraming audience sa auditorium na iyon kasabay ng paglabas ng kaniyang kauna-unahang libro sa malaking screen sa gitna ng stage.