
Sa Kagustuhang Maging Isa sa Sosyal na mga Kaeskuwela ay Muntik nang Mapahamak ang Dalaga; May Patunguhan Kaya ang Inggit Niya
Anak mahirap si Ella Marie. Magsasaka ang kaniyang ina at ama na siyang ikinabubuhay ng kanilang pamilya. Dalawa silang magkapatid, si kuya Ellan ang nakakatanda at siya ang sumunod.
Kuntento na sa buhay si Ella ngunit habang lumalaki ay kinakain siya ng inggit. May kaya o kaya mayaman ang mga kaklase niya. Nahihiya rin siya dahil palaging libre ang kinakain niya at mga kailangan sa school.
“Labas tayo this weekend,” anyaya ni Lyjane kay Ella.
“Pero hindi ba dapat ay mag-aral tayo? May quiz tayo sa lunes.” Naglulumikot ang kaniyang mga mata sa tatlong kaibigan. Natatakot din kasi siyang hindi payagan ng mga magulang.
“Hindi ‘yan. Dating gawi?” tanong ni Ivie na ang ibig sabihin ay pupuslit siya at hihintayin ng tatlo sa kalsada mismo.
Napapalibutan ng palayan ang kanilang bahay at ilang hakbang din ang kinakailangan bago marating ang labasan.
“Game!” pagsang-ayon na rin ni Ella kahit ang totoo ay napipilitan lamang siya. Hindi naman talaga niya gawain ang mga ganito. Iyon nga lang ay kailangan niyang makipagsabayan sa mga kaibigan upang manatiling “in” siya sa mga ito.
Kinagabihan ay hinintay na ni Ella na makatulog ang kapatid at mga magulang niya. Gamit ang regalong smart phone galing kay Ivie ay nag-text siya rito.
“Palabas na ako.” Text niya sa kaibigan niya bago dahan-dahang lumabas ng pinto. Maagang natulog ang kaniyang pamilya dahil maaga ang trabaho ng mga ito sa bukid.
Pagdating ni Ella sa labasan ay naroon na ang mga kaibigan at magiliw na kumaway sa kaniya. Gamit ang kotse ni Lyjane ay sumakay siya hanggang nakarating sila sa isang club. Maingay ang paligid, maraming nagsasayawan na lasing, may naghahalikan, umiinom at kung ano-ano pa.
Hindi na ito bago sa dalaga. Ilang beses na rin niyang naranasan ang ganoong mga tagpo. Naroon na naman ang lalaking malagkit ang tingin sa kaniya ngunit hindi niya iyon pinansin. Hindi rin siya uminom kahit pinipilit siya ng mga kaibigan.
Gusto niyang maranasan kung paano maging sosyal kaya ilang beses siyang nakiusap na mapabilang sa grupo nila Ivie, Lyjane at Cherry.
Nakita niya ang mga ito. Bawat isa ay may katabing lalaki at walang kahihiyan na nakikipaghalikan. Para sa mga ito, wala lang iyon. Isang mamahaling wine ang iniabot sa kaniya ng isang lalaki pero tinanggihan niya.
“Bigyan mo siya ng gusto niya,” saad ng lalaking katabi.
“Juice na lang po.” Maya-maya ay inabot ng bartender ang ini-order na juice.
Hindi pa sila nagtatagal ay may raid na nangyari sa lugar. Lahat ay pinadapa, marami ang menor de edad na kasama. Parang binuhusan ng malamig na tubig si Ella dahil sa hindi inaasahang pangyayari.
Napaluha siya sa isipin na magiging problema pa siya ng kaniyang ina at ama dahil lang sa inggit sa pagiging marangya ng kaniyang mga kaibigan.
Kinaumagahan, sumugod ang kaniyang ina sa presinto. Alalang-alala ito kaya lalong napaluha si Ella dahil sa iresponsableng ginawa niya.
“Anak, anong nangyari? Nasaktan ka?” nag-aalalang tanong nito. Suot pa ang marungis na damit dahil galing pa ito sa bukid.
Nagpiyansa sila upang makalabas siya ng kulungan. Hiyang-hiya siya sa kaniyang magulang at sa kuya niyang nagpapakahirap para mapagtapos siya ng pag-aaral.
“Mama, papa, kuya, patawad po.” Nakatungong paumanhin nito.
“Alam kong mahirap lang tayo pero kung magsusumikap ka ay maaabot mo lahat ng pangarap mo. Mag-aral kang mabuti, Ella. Iyon ang kayamanang hindi kukupas at mawawala hanggang paglaki mo.” Niyakap ni Ella ang kaniyang ina dahil sa tinuran nito. Talagang tumagos sa puso niya ang mga kataga nito.
Niyakap din siya ng kaniyang ama at kuya.
“Pangako po mag-aaral po akong mabuti at magtatapos para magkaroon na tayo ng pera at hindi na kailangan pang magsaka,” saad ni Ella.
“Marangal na trabaho ang pagsasaka, anak.” Nahihiya namang napatungo si Ella.
Hindi niya lubos maisip kung gaano katindi ang pagmamahal ng isang magulang sa kaniyang anak. Sa kabila ng kaniyang nagawa ay tinanggap siya ng mga ito ng walang masasakit na salitang narinig.
“Mahal na mahal ko po kayo,” madamdaming saad ni Ella.
“Mahal ka rin namin, anak.” Niyakap siyang muli ng mga ito at hindi niya naiwasang maluha kung gaano siya ka-swerte sa mga ito.
Hindi man sila pinalad sa dami ng salapi ay pinalad naman sila ng kabutihang loob at buong pusong pagmamahal sa isa’t isa.