Kasama ang Anak at Alagang mga Aso ay sa Padyak na Silang Lahat Nanirahan; May Mabuting Loob Kayang Mahahabag
Habang nag-aabang ng sasakyan si Nelson pauwi ay nakuha ng kaniyang atensyon ang lumang padyak na punong-puno ng kagamitang pangkalakal, may mga asong nakatali at sa loob ay nakaupo ang batang tila may hinihintay.
Hindi napigilan ni Nelson na lapitan ang naturang padyak at kausapin sana ang batang nakaupo kasama ang mga nakataling aso.
“Boy, mga alaga niyo?” Tanong ni Nelson ang tinutukoy ay ang mga asong nakatali.
Isang tango ang sinagot ng batang lalaki. Muling tiningnan ni Nelson ang padyak saka binilang ang mga nakataling aso. Sa bilang niya’y nasa limang aso ang nakatali sa naturang padyak. Na kung kaniyang iisipin ay hindi niya lubos akalaing magkakasya kasama pa ang mga kalakal.
“Pangangalakal ba ang hanapbuhay niyo boy?” Muli ay tango lamang ang isinagot ng bata. “Bakit hindi niyo iniiwan ang mga alaga niyong aso sa bahay?”
Umiling ang bata saka tumingin kay Nelson. “W-wala naman po kasi kaming bahay kung ‘di itong padyak lang.”
Hindi malaman ni Nelson kung ano ang mararamdaman sa sinabing iyon ng bata. Kaya pala pilit pinagkakasya ang lahat dito sa maliit na padyak dahil wala naman palang mauuwiang bahay ang mga ito.
“Sino ang kasama mo?” Muli’y tanong ni Nelson.
“Si papa po. Bumili lang siya ng pagkain namin kaya sinabi niyang maghintay kami rito,” sagot naman nito.
“Nasaan na ang mama mo?”
“Ang sabi ni papa ay nam*atay raw si mama no’ng ipinanganak ako. Simula noon ay hindi na muling nakapagtrabaho si papa kasi wala naman daw siyang mapag-iiwanan sa’kin. Kaya ang ginawa niya’y nangangalakal siya gamit ang padyak na ito, kasama ako.
Hanggang sa palayasin siya ng kaniyang landlady dahil wala nang maipambayad sa bahay kasi kulang pa raw sa gatas ko at sa pagkain niya ang kaniyang kinikita. Kaya ang nangyari po ay ito na rin ang ginawa naming bahay ni papa,” mahabang paliwanag ng bata.
“Paano naman kayo nagkaroon ng mga aso?”
“Napulot lang po namin ni papa ang mga iyan sa lansangan. Nakakaawa po kasi walang magpapakain kaya ang ginawa ni papa, isinama na lang din niya ang mga iyan, kaysa mam*tay sa gutom, nakakaawa naman po,” wika ng bata.
Nakakaawa na nga ang sitwasyon ng mag-ama dahil sa maliit at medyo lumang padyak na sila nakatira’y may panahon pa rin silang maaawa sa mga asong pinabayaan na ng iba.
“Anong pangalan mo at ng papa mo? Matagal pa ba siyang babalik?”
“Ako po si Jubert, si papa ko naman ay si Albert. Hindi ko po kasi alam kung saan bumili si papa ng pagkain. Hindi ko naman pwedeng iwan ang padyak, kasi baka manakaw ang mga kinalakal namin.”
“Lagi ba kayong tumatambay rito, Jubert?”
“Opo. Tuwing gabi nandito po kami para kumain at magpahinga,” nakangiting sagot ng bata.
Makalipas ang dalawang linggo ay bumalik si Nelson sa lugar kung saan niya nakita ang padyak na punong-puno ng kalakal at mga aso. Katulong ang Barangay Officials ng naturang lugar ay nahagilap niya ang mag-amang Albert at Jubert. Bitbit ang sorpresang nais ibigay sa mag-ama.
“Albert, sa tulong ni Sir Nelson ay may bago na kayong padyak na gagamitin ng anak mo. Mas malaki ang padyak na ito at hindi na gaya ng dati mong padyak na maliit at medyo masikip,” wika ni Kapitan Bebot sa mangiyak-ngiyak na si Albert.
“Sir, hindi ko po talaga alam kung paano kayo pasasalamatan,” ani Albert.
“Ang totoo Mang Albert ay hindi ko po talaga alam kung paano kayo tutulungan. Labis ang paghangang naramdaman ko sa inyo hindi ko pa man kayo nakikita.
Kasi kahit hirap na kayo sa buhay ay nagagawa niyo pa ring mag-alaga ng mga asong kalyeng pinabayaan ng iba. Kahit siksikan basta nagkakasya ay ayos lang,” humahangang wika ni Nelson.
“Alam ko po kasi ang pakiramdam ng naninirahan sa lansangan sir kaya naaawa ako sa mga asong iyan. Kaya imbes na pabayaan sila sa lansangan at baka mapahamak pa’y nagdesisyon na lang akong isama sa’min ng anak ko, para may magpakain sa kanila,” paliwanag naman ni Albert. “Hindi ko po lubos akalain na may tutulong pa sa’min,” mangiyak-ngiyak niyang dugtong.
“Mang Albert, deserve na deserve po kayong tulungan dahil isa po kayong mabuting ama na kahit nahihirapan na’y hindi magawang iwanan ang anak at may mabuti rin kayong puso para sa tao man o sa mga hayop. Isipin niyo po na isa akong sugo ng Diyos, upang tulungan ka,” masayang wika ni Nelson.
Masaya na si Nelson na makitang masaya ang mag-ama. Nais man niyang bigyan ng pera si Mang Albert upang makapag-renta ito ng bahay, naisip naman niya kung paano kapag wala nang perang pang-renta. Balik muli sa lansangan.
Kaya kaysa pera ay nakapagdesisyon siyang padyak na lang at mga groceries ang ibigay niya sa mag-ama. Mas magagamit pa ng mga ito iyon.