Halos Hingin na ng Babae ang mga Paninda ng Matanda; Isang Leksyon ang Iiwan ng Kaniyang Kaibigan
“Amy, may bonus ka na rin ba?” Masiglang tanong ni Emily sa kaibigan.
“Oo. Binigyan kami ni Ma’am Wynett kahapon, sobrang advance nga e,” nakangiting sagot ni Amy.
“Sinadya nila iyon para makapamili na tayo sa Divisoria hangga’t hindi pa gaanong siksikan ang daaan. Alam mo naman na mahirap na ngayon. Baka magkahawa-hawaan pa.”
“Sa bagay nga ‘no. Oh! Anong balak mo d’yan sa bonus mo?” Tanong ni Amy.
“Ano pa ba! E ‘di gaya ng dati. Mamimili ako sa Divisoria ng bagong damit at kung ano-ano pang gamit. Saka bibilhan ko na rin ng maagang pamasko ang mga pamangkin ko. Ano arat na?” Nasasabik na wika ni Emily.
“Arat na!” Sang-ayon naman ni Amy.
Nauna silang mag-ikot sa mall kasi may dapat daw munang bilhin si Amy doon.
“Ang mahal naman nito,” reklamo ni Emily.
Nakakalula ang presyo ng biniling pantalon ni Amy. Palibhasa kasi’y branded, pangalan pa lang ay mahal na.
“Maganda naman kasi ang quality nito Emily,” ani Amy.
“Pangalan lang niyan ang binayaran mo.” Ismid ni Emily. “Doon sa binibilhan natin matitibay rin ang pantalon, pero hindi ganiyan kamahal kaya doon na lang ako bibili,” patuloy niya sa pagreklamo.
Nakalabas na sila ni Amy sa Mall at ngayon nga ay nag-iikot-ikot na sila sa buong tiangge. Marami na ring nabili si Emily na kaniyang kailangan, ngunit hindi pa rin makahanap ng gusto niyang bilhin si Amy.
“Emily, dito muna tayo. Parang gusto kong tingnan ang binebentang step-in ni tatay,” ani Amy sabay hila sa braso niya.
“Pili na kayo, ineng. Matibay iyang mga step-in na gawa ko,” namamaos na wika ng matandang lalaki. Tanda ng katandaan ang boses nito.
“K-kayo lang po ang gumawa niya’n tatay?” Hindi makapaniwalang sambit ni Emily.
Tila gusto nga rin niyang bumili dahil totoong magaganda naman ang design ng mga sandalyas nito. Matamang namimili si Emily nang magsalita ni Amy.
“Magkano po ba ito tatay?” Tanong ni Amy.
“One hundred fifty pesos, ineng, kahit 140 na lang,” nakangiting wika ng tindero.
“Hindi ba pwedeng isang daan na lang? Dalawa naman kaming bibili ng kaibigan ko,” hirit ni Amy, agad namang siniko ni Emily ang kaibigan.
“Hindi kaya ineng e. Maganda kasi iyang mga gawa ko at siguradong matibay. Hanggang one hundred fourty lang ang kaya kong ibigay na presyo,” malungkot na sambit ni tatay.
“Gano’n po ba? Sige tatay dito na lang po muna kami,” akmang hihilain nito ng pinigilan niya.
“Wait lang. Bibili pa nga ako e,” angal ni Emily.
“Huwag na! Hindi nga tayo pinatawad niyan e!” Inis na bulong ni Amy.
Ngunit hindi nagpatinag si Emily at binili pa rin niya ang dalawang pirasong sandalyas na kaniyang nagustuhan.
“Salamat sa discount, tatay,” nagpapasalamat na wika ni Emily. Hindi naman maipinta sa inis ang mukha ni Amy, dahil sa ginawa ng kaibigan.
Nang makalayo-layo sila sa kinaroroonan ng matandang nagtitinda ng step-in ay saka kinausap ni Emily ang kaibigan.
“Ano bang problema, Amy?”
“Sabi ko naman sa’yo na huwag nang bilhin ang paninda ng matandang iyon e, hindi nga tayo nakatawad sa kaniya nang malaki! Marami ka pa kasing mahahanap na gano’n dito.” Maktol ng kaibigan.
“Nakatawad naman ako ng bente pesos ah.”
“Iyon lang! Jusko!”
“Amy, no’ng binili mo ba ang pantalon mong nagkakahalaga ng tatlong libo mahigit nakahingi ka ba ng discount? Hindi rin naman ‘di ba? Kahit sentimo na nga lang ay sinisingil pa nila,” wika ni Emily.
“Emily, huwag mong ikumpara ang kalidad ng pantalon ko at ng sandalyas na iyan. Siyempre de kalidad ang binili ko kaya mahal e iyang sandalyas na ‘yan ilang suot lang warak agad.” Ismid ni Amy.
“Alam mo wala naman iyon sa kalidad e. Minsan kapag alam nating mas mababa sa’tin ang isang tao ay gano’n na lang din kataas ang tingin natin sa’ting sarili. Na tila ba ayaw nating magpalamang, dahil ‘ika nga’y tayo ang customer at kailangan nila ang perang ibabayad natin.
Ang lakas nating tumawad sa mga taong walang kakayahan, at mas galante naman sa mga taong matataas sa’tin. Bakit kaya, Amy? Napapansin ko iyan sa’yo,” prangka at deretsong wika ni Emily.
Hindi malaman ni Amy kung ano ang dapat sabihin. Nanatili na lamang itong walang imik.
“Okay lang namang tumawad ng kaunti. Pero huwag naman nating gawin na parang nais na lamang nating hingin ang paninda nila. Siyempre naghahanap buhay din ‘yang mga ‘yan. Sana maunawaan mo naman, Amy,” ani Emily, saka hinawakan sa braso ang kaibigan at ngumiti. “Huwag mo nang uulitin iyong ganiyan ka kaburaot ah.”
Isang tango ang sinagot ni Amy saka ngumiti. “Sorry friend ah. Nasanay lang ako na gano’n ang ginagawa.”
“Hayaan mo na. Ano arat na ulit?” Nakatawang wika ni Emily.
“Arat na!”
At muling umikot ang magkaibigan upang magpatuloy sa pamimili ng mga kailangan nila.
Madalas kapag sa mga tiangge tayo namimili, halos hingin na lang natin ang paninda nila at pakiramdam natin ay luging-lugi tayo kapag kaunti lang ang tinawad. Pero kapag sa mga mall, wala tayong reklamo kahit gaano ka-mahal ang presyo.
Ngunit kung iisipin, mas masarap tumangkilik ng mga produkto ng mga taong alam mong dugo’t pawis nila ang puhunan upang gawin at ilako ang kanilang mga paninda. Simula noon ay hindi na namburaot pa si Amy sa mga tindero sa bangketa.