Inday TrendingInday Trending
Malinaw ang Senyales na May Babae ang Mister ng Misis na Ito, Isang Apron Lang Pala ang Magbibigay sa Kaniya ng Sagot

Malinaw ang Senyales na May Babae ang Mister ng Misis na Ito, Isang Apron Lang Pala ang Magbibigay sa Kaniya ng Sagot

“Malinaw na malinaw sa tenga ko ‘yung narinig ko, Jess, sa tingin ko talaga may babae na ang asawa ko,” malungkot na wika ni Alma sa kaniyang kaibigan.

“Tingnan mo ‘to, ako itong iniwan ng asawa pero ikaw itong dumating dito na problemado! Ganiyan talaga ang mga lalaki, maghahanap at maghahanap ‘yan ng iba. Titikim sila nang titikim!” sagot ni Jess, matalik na kaibigan ng babae.

“Sabi niya pa sa telepono na may isang linggo raw sila para gawin ang plano nila. Para bang naging daan pa pala ang pag-alis ko ngayon para makapaglampungan sila ng malanding ‘yun!” inis na sabi ni Alma sabay sindi sa sigarilyo nito.

“Pero hindi mo man lang ba nahalata na may ibang babae si Joseph?” tanong ng babae sa kaibigan.

“Nahalata, halos lahat ng senyales nasa pagmumukha ko na pero nagbulag-bulagan lang ako. Sabi ko nun sa sarili ko na ako ang asawa, edukada akong tao kaya hindi ako magkukumahog para sa mga babae niya. Kaso, masakit pala kapag hindi ikaw ang pinili,” dagdag pa ni Jess sa kaniya.

“Kaya kung ako sa’yo kung nakikita mo na ang mga senyales, hala sugod na! Kung ayaw mong magaya sa akin,” muli pa nitong sabi saka hithit din ng sigarilyo.

Halos dalawampung taon na ring kasal sina Alma at ang mister nitong si Dennis. Alam niyang hindi madali ang tumagal sa pagiging mag-asawa ngunit ngayon pa ba maghahanap ng iba ang asawa niya na matanda na sila. Isang propesor sa kolehiyo ang babae at denstista naman ang mister niya. Bukod sa iniingatan niyang pangalan ay pinoprotektahan din niya ang anak niyang dalaga.

“Tingnan mo ‘to, pumunta ka ba talaga rito para damayan ako o isipin ‘yang asawa mo?” banat mulo ni Jess kay Alma.

“Ganito na lang, dito ka muna ng isang araw tapos umuwi ka bukas para mahuli mo sa akto kung may babae man nga si Dennis,” kumbinsi muli nito saka binigyan ng isang basong alak si Alma. Ngumiti naman kaagad ang babae at inihilig ang ulo niya sa balikat ng kaibigan na alam niyang kailangan siya ngayon. Sinunod niya ang suhestiyon ni Jess at nanatili muna ng isang araw sa piling ng matalik na kaibigan upang kahit papano ay mapawi rin ang lungkot nito.

Makalipas ang isang araw ay bumalik na si Alma sa kanilang bahay.

“Bakit nandito pa ang sasakyan ni Dennis, dapat ganitong oras ay nasa clinic ‘yun,” wika ni Alma sa sarili nang maabutan ang sasakyan ng kaniyang mister sa garahe. Doon pa lang ay kumabog na ang puso ng babae at dahan-dahan na pumasok sa kanilang bahay.

Nakita niyang makalat kaagad sa kusina at narinig niya ang boses ng isang babae. Saglit siyang sumandal sa pader at hinawakan ang kaniyang dibdib. Dahan-dahan siyang sumilip at nakitang nakangiti ang kaniyang asawa, napakasaya nito at nakasuot pa ng apron ang lalaki.

“Dennis, sino ang kausap mo?” mahina niyang sabi.

“Alma, bakit ka nandito?” gulat na tanong ng asawa.

Nakita naman kaagad ni Alma na walang kasama ang asawa dahil sa telepono lang pala ang kausap niya. Kaya kaagad siyang lumapit upang tingnan ang telepono ng lalaki.

“Sino ang kausap mo?” ulit na tanong ni Alma at sa mas matigas nitong boses.

Hindi naman na gumalaw pa ang lalaki upang pagtakpan ang babaeng kausap niya.

“Anne?!” bulalas ni Alma sa kausap ni Dennis.

“Bakit kayo magka-video call ni Dennis?” dagdag na tanong ng babae.

“Hay naku, ate, si kuya na ang bahalang magsabi sa’yo ng lahat,” natatawang sabi ni Anne, kapatid ng babae na nasa ibang bansa.

“Nagpapaturo ako kay Anne nung paborito mong ulam, gusto sana kitang surpresahin sa darating natin na anibersaryo,” nahihiyang siwalat ng lalaki.

Magsasalita na sana si Alma nang biglang dumating ang anak nilang si Ilonah.

“Pa, nabili ko na rin lahat ng kailangan sa gagawin mong cake. Sigurado ka bang magbi-bake ka talaga?” sigaw ng dalaga.

“Ma! Bakit ka nandito!” gulat na bulalas nito nang makita siya.

Hindi na nakapagsalita pa si Alma at napaiyak na lang ito. Saka niya sinabi ang totoong dahilan kung bakit siya biglang umuwi.

“Alam mo, Alma, hindi lahat ng lalaki katulad ni Joseph at hindi lahat nang nangyayari kay Juan ay pwedeng mangyari kay Pedro. Ibig sabihin lang nun, hindi dahil uso ang mga nambababae ngayon ay ganun na rin ang gagawin ko. Hindi tayo ganun at hindi magiging kailanman,” wika ni Dennis saka niya hinalikan ang misis sa noo.

“Grabe! Sa harap ko pa talaga kayo ganiyan! Ma, sa tingin mo ba papalitan ka pa ni papa? E jackpot na kaya siya sa atin!” sigaw naman ng anak niya saka nila niyakap ang ale.

Umiiyak at tumatawa na lamang si Alma dahil sa nangyari. Ngayon, mas lalong tumibay ang tiwala ng babae sa Panginoon dahil hindi Niya pinahihintulutan na masira ang pamilya nila.

Advertisement