May Kaibigang Duende Raw ang Anak Nila, Sa Huli’y Matutuklasan Nila ang Hinihiling ng Bata
“Nay, wala ka bang napapansing kakaiba kay Kyrie?” tanong ni Leonor sa kaniyang ina na bumisita ngayon sa kaniya.
“Wala naman, bakit mo natanong?” sagot naman ni Aling Lucia sa kaniya.
“Palagi niya kasing nababanggit sa akin na may kaibigan daw siyang duende. Minsan kasi natatakot na ako na baka totoo,” mahinang wika ni Leonor dito.
“Baka naman mga gawa-gawang kwento lang ni Kyrie, alam mo naman sa ganiyang edad ay masyadong lumalawak ang imahinasyon lalo na sa mga napapanuod. Isa pa, saan naman magkakaroon ng duende rito e nasa condo tayo,” sagot ng kaniyang ina habang nanunuod sila ng telebisyon sa salas.
Hindi naman na sumagot pang muli si Leonor at napatitig na lamang sa kaniyang anak na abala sa paglalaro nito.
“Jervy, mamaya bago ka matulog ay kausapin mo ‘yung anak mo tungkol sa mga duende na sinasabi niya,” wika ng babae nang makauwi ang kaniyang asawa.
“Naku, gawa-gawa lang ‘yun ng anak mo. Masyado na kasing nabo-bored ‘yan dito sa condo. Umuwi muna kayo sa probinsya sa darating na bakasyon para naman makapaglaro ‘yan kasama ng mga pinsan niya,” sagot ng lalaki sa kaniya.
“Ako na ang bahala roon, basta kausapin mo lang ‘yung bata na sabihin mong hindi mabuti ‘yung gumagawa ng kwento,” balik ng babae at saka niya itinuloy ang pagbabasa ng libro.
“Hanggang kailan ba tayo magiging ganito?” nairitang sambit ng lalaki saka siya hinarap.
“Ikaw, pwede ka naman umalis basta ikaw ang magpaliwanag sa anak mo,” irap na sagot ni Leonor kay Jervy.
“Tumayo ka riyan at samahan mo akong kausapin ‘yung anak mo,” utos ng Jervy rito at kahit na naiinis ay tumayo ang babae saka sabay nilang pinuntahan ang kanilang anak.
Dahan-dahan nilang binuksan ang pinto, ngunit nang kakatok pa lang sana ang babae ay narinig niyang nagsasalitang mag-isa ang anak nila at pinigilan si Leonor sa pagpasok dito.
“Saglit lang, pakinggan natin,” bulong ni Jervy dito.
“Alam mo, isa lang naman ang hiling ko ngayong darating na birthday ko at ‘yun ay ang magkaayos na sana sina mama at papa. Alam ko naman na hindi sila bati at nagkukunwari lang sila kapag nakikipag-usap sa akin,” iyak ni Kyrie na pitong taong gulang na.
Biglang napatingin si Jervy sa kaniyang asawa.
“Natatakot ako na baka biglang sabihin sa akin ni papa na aalis na siya rito sa bahay kasi palagi siyang pinapaalis ni mama pero nalulungkot naman ako kapag magkasama sila kasi hindi kami masaya. Palaging nakasimangot si papa, habang si mama naman ay palaging nagdadagbog. Pakiramdam ko nga ako ang problema nila,” dagdag pa ng bata.
Doon na napayuko si Jervy at napahawak sa kaniyang ulo habang si Leonor naman ay napahawak sa kaniyang bibig.
“Kaya sana, sa birthday ko, mag-magic ka! Sana makalimutan na nila papa at mama ang away nila para love na ulit nila ang isa’t isa,” wika pang muli ni Kyrie at saka ito naglarong muli. Hindi na tuluyang pumasok ang mag-asawa sa kwarto ng kanilang anak at naupo na lamang sa kusina. Tahimik ang dalawa habang nakatulala.
Halos mag aanim na buwan na ring walang humpay ang pagtatalo nila Jervy at Leonor tungkol sa kanilang pagsasama hanggang sa napagpasyahan na lang nilang magsama na lang para sa bata ngunit hindi na bilang mag-asawa pa.
“Bakit ba kasi tayo maghihiwalay?” unang nagsalita si Jervy sabay patak ng kaniyang luha.
“Ayaw mo kasing bitiwan ang bisyo mo, ang barkada mo, kaya sa kanila ka na lang sumama. Huwag sa amin ng anak mo,” matigas na sagot ng babae.
“Para ‘yun lang mawawalan ng buong pamilya si Kyrie. Kapag iniisip ko ‘yung ilang buwan na hindi natin pag-uusap ng maayos, hindi ako makapaniwala na nauwi tayo sa ganito. ‘Yung ibang mag-asawa ang lalaki ng problema pero tayo, hindi ko alam. Kung ayaw mo pa rin talagang makipag-ayos sa akin, ikaw na siguro ang bahalang makipag-usap sa anak natin. Tandaan mo, Leonor, may bisyo na ako bago pa man kita naging asawa at tao ako, hindi ako tupa na papasunurin mo sa lahat ng gusto mo. Sana lumambot ka kahit man lang sa mga narinig natin kanina,” pahayag muli ni Jervy saka ito tumayo at lumabas para magpahangin.
Naiwang umiiyak si Leonor at ngayon niya napagtanto na tama ang lalaki. Masyado niyang pinalaki ang away nilang mag-asawa at hindi napansing nakaapekto na ito sa kanilang anak. Kaya naman simula noon ay natutunan niyang makipagkasundo sa mister at sa mga bagay na hindi nila pinagkakaintindihan. Ganun naman yata talaga ang pagsasama ng mag-asawa, hindi lahat ng bagay ay iisa ang inyong intensyon at kagustuhan kaya kailangan magparaya at palaging hahabaan ang pasensiya.
Sa kabilang banda naman ay nawala na rin ang kwento ng anak niyang si Kyrie tungkol sa kaibigan nitong duende simula nung makita ng bata na nagkakaayos na ang kaniyang mga magulang. Napakalaki talagang bagay na magmula sa ating mga tahanan ang respeto at pagmamahalan.