Upang Makapag-online Class ay Nagtitinda ang Bata; Pag-asa ang Handog ng Galante Nilang Customer
Hapon na naman at oras na upang magtinda ng gulay si Jacob. Siyam na taong gulang na batang lalaki na ngayon ay nasa ikaapat na baitang na sa elementarya.
Kinakailangang magtinda ni Jacob ng gulay na itinatanim ng kaniyang ama sa kanilang bakuran upang matustusan niya ang kaniyang pag-aaral lalo pa at kinakailangan pa niyang magrenta sa computer shop upang siya ay makapag-online class.
“Gulay! Gulay po kayo riyan!” ang hiyaw ng bata habang binabagtas ang kahabaang iyon ng kalsada.
Bawat madaanan niyang tao ay kaniyang inaalok upang bumili sa kaniya ng paninda niyang sariwang gulay. Ganoon pa man ay tila hindi sapat ang ginagawang iyon ni Jacob upang maubos ang kanilang paninda. Doon ay naisip niyang simulang alukin ang driver ng mga sasakyang naipit na ngayon sa kahabaan ng trapiko. Alam ni Jacob na delikado ang kaniyang ginagawa ngunit wala na siyang ibang pagpipilian.
“Manong, gulay po. Bili na po kayo sa akin, sariwa po ito,” alok ng bata sa driver ng jeep na kaniyang natiyempuhang nakahinto dahil sa trapiko.
“Ayoko, ayoko! Umalis ka nga r’yan! Bawal ’yang ginagawa mo, alis! Istorbo!” ngunit bulyaw lamang naman nito sa kaniya. Mukhang mainit ang ulo ng mamang ito dahil na rin sa napakabagal na daloy ng mga sasakyan.
Napasimangot si Jacob sa naging asal ng lalaki sa kaniya. Sa isip-isip niya ay puwede naman siya nitong kausapin nang maayos kung ayaw nitong bumili. Bakit kaya kailangan pa siyang bulyawan?
Samantala, nakaramdam naman ng awa ang noon ay nagmamaneho ring si Mikael na katulad ng maraming drayber ay naipit din sa trapiko.
Tila naantig ang kaniyang puso sa kasipagang ipinapakita ng batang tindero ng gulay ngunit nagawa pa itong bulyawan ng unang drayber na inalok nito ng paninda.
“Bata, bata, halika rito!” tawag ni Mikael sa batang si Jacob na agad naman siyang nilingon.
“Bibili po kayo, ser?” nakangiting tanong pa nito nang magiliw itong lumapit sa kaniya.
“Oo, pero p’wede bang hintayin mo ako roon sa may parking lot? Delikado rito sa daan, ’toy, e,” pakiusap naman ni Mikael at agad namang tumalima si Jacob.
“Ano’ng pangalan mo, ’toy?” tanong ni Mikael sa bata nang sa wakas ay marating niya ang parking lot na pinag-usapan nilang pagkitaan nito.
“Jacob ho, ser,” sagot naman nito bago inisa-isang sabihin sa kaniya ang presyo ng mga paninda nito. Doon pa lang ay halata na kaagad ni Mikael na ang kaniyang kaharap ay isang matalinong bata.
“Bakit ka natitinda sa kalsada, Jacob? Saka, wala ka bang mga magulang? Bakit ikaw ang nagtatrabaho?” takang naitanong ni Mikael nang mga sandaling iyon kay Jacob.
“Kailangan ko po kasi para sa online class, ser. Mahirap lang po kasi kami kaya tinutulungan ko sina inay at itay para hindi na po nila problemahin ang pangrenta ko ng computer,” ang dertso at magalang namang sagot ni Jacob sa kausap.
Tumango-tango ang noon ay bumibilib nang si Mikael sa isinagot ng bata. Napangiti siya sa likod ng kaniyang isipan. Pakiramdam niya kasi ay bumalik siya sa kaniyang nakaraan at ngayon ay kaharap niya ang kaniyang dating sarili, bago pa man siya pamanahan ng kaniyang mayamang lolo.
Dahil doon ay nagpasiya si Mikael na tuluungan sa pag-aaral nito si Jacob. Nang araw ding iyon ay pinakyaw niya ang mga paninda ng bata. Pagkatapos niyon ay ihiningi niya ito ng permiso sa mga magulang nito upang maisama niya ito sa mall… balak niya kasing bilhan si Jacob ng brand new laptop na maaari nitong gamitin para sa online class nito. Bukod doon ay sasagutin na rin niya ang isang taong wifi connection nito upang hindi na nito kailanganin pang magrenta sa computer shop at magtinda ng gulay sa kalsada.
Isang sari-sari store naman na may maliit na karinderya ang handog ng galanteng kostumer ni Jacob na si Mikael sa mga magulang ng bata upang kahit papaano ay magkaroon sila nang mas stable na pagkakakitaan para matustusan nila ang pangangailangan ng nag-iisa nilang anak.
Masayang-masaya ang musmos sa naging handog sa kaniya ng kaniyang galanteng kostumer. Ipinangako noon ni Jacob sa sarili na sa kaniyang paglaki ay magiging kasing buti siya ng kaniyang Kuya Mikael.
Pagdating ng panahon ay maibabalik niya rin sa iba ang kabutihang minsan ay ipinamalas sa kaniya ng ibang tao. Tumatak na iyon sa isip at puso ng bata at kailan man ay hindi na iyon mabubura pa sa kaniyang mga alaala.