Sardinas ang Naging Pantawid Gutom ng Pamilyang Ito; Ito rin ang Mag-aahon sa Kanila sa Kahirapan
Pinunasan ni Mang Pido ang pawis na naglalandas sa kaniyang noo, habang binabagtas niya ang kahabaan ng kalsada, pauwi sa kanilang bahay. Wala kasi siyang pamasahe nang araw na iyon dahil tanging bente pesos na lamang ang natitira sa kaniyang bulsa. Balak niyang ibili na lamang iyon ng sardinas upang may maiulam sila mamaya ng kaniyang mag-iina dahil hindi siya pinayagang muling bumale kanina ng kaniyang amo sa pinagtatrabahuhang hardware.
Nagtatrabaho siya bilang kargador doon ng mga bakal, semento, kahoy at kung anu-ano pa. Maliit lamang ang kita ngunit mas maigi na iyon kaysa naman manatili lamang siya sa bahay at tumunganga hanggang sa may maiuwing pera at pagkain ang kaniyang asawang naglalabandera naman.
Pagod na pagod siya at pakiramdam niya ay babagsak na siya sa gutom nang araw na iyon. Uhaw na uhaw na rin siya. Ganoon paman ay minabuti niyang lakasan ang loob at ipagpatuloy ang pagbagtas ng kalsada upang siya ay makauwi agad.
Dumaan na rin si Mang Pido sa isang tindahan upang bumili ng sardinas na kanilang uulamin mamaya. Ang hiling niya lang ay sana, may maabutan pa siyang bigas mamaya sa kanilang bahay. Kundi ay mapipilitan siyang mangutang na naman ng monay na tinapay at doon ay ipalaman na lamang ang sardinas upang maitawid nila ang gutom ngayong gabi.
“Ate, pabili nga ho ng sardinas, iyong hindi ho maanghang,” ani Mang Pido sa tindera.
“Sardinas na naman? Aba’y hindi kaya mapurga na kayong mag-anak sa sardinas, Mang Pido? Araw-araw na lang ay iyan ang iniuulam ninyo, ah,” biro naman nito kay Mang Pido na noon ay malungkot lamang na ngumiti.
“Wala, eh. Sa hirap ng buhay, ito lang sa ngayon ang kaya kong bilhin. Dapat pa nga akong magpasalamat dahil kahit papaano’y may pangsardinas pa ako,” malungkot namang sagot niya ngunit hindi naman nawawalan ng pag-asa.
“Ay kung ganoon ho’y paagtiisan n’yo muna. Pasasaan ba at dadapuan din kayo ng suwerte lalo’t ganiyang napakasipag n’yo hong padre de pamilya.” Ngumiti ang tindera bago iniabot kay Mang Pido ang sardinas.
“Salamat naman kung ganoon,” balik na ngiti naman ni Mang Pido sa tindera.
Maya-maya pa ay nakarating na siya sa kanilang bahay. Halos mabasa na ng pawis ang kaniyang damit dahil sa paglalakad nang pagkahaba-haba. Hapong-hapo rin si Mang Pido. Halos mas pagod pa siya sa ginawang paglalakad kaysa sa maghapong pagtatrabaho sa hardware.
Eksaktong nakauwi na rin ang kaniyang asawang si Nora mula sa paglalabada at may dala itong isang kilong bigas. Nginitian siya nito ng may simpatiya nang makitang mukhang pagod na pagod siya.
Inasikaso siya ng asawa bago ito nagluto. Samantalang ang anak naman niyang bunso ay iniabot sa kaniya ang mainit na kapeng ni hindi man lang nila malagyan ng asukal dahil ubos na ang nasa lalagyan. Gayon din ang dyaryong ginagawang libangan ni Mang Pido sa tuwing siya ay uuwi dahil wala naman silang telebisyon o radyo.
Agad na napukaw ng isang patalastas ang atensyon ni Mang Pido. Tungkol kasi iyon sa sardinas na kanilang ulam ngayon. Ayon sa naturang patalastas ay mayroon daw handog na papremyo para sa darating na pasko ang kompanyang iyon ng sardinas. Bastaʼt buksan lang daw ang delata at makakita roon ng isang sulat na nagsasabing ikaw ay isang “WINNER” ay magkakamit ka ng isang milyong piso!
Nasa ganoong posisyon si Mang Pido nang bigla siyang kapitan ng kaniyang asawa.
“Mahal, tingnan mo itong delata natin, may nakasulat. Basahin mo ngaʼt hindi ko gaanong makita,” anang asawa ni Mang Pido at agad namang tumalima ang lalaki.
Laking gulat na lamang niya nang makita ang salitang sinasabi rin sa diyaryong kaniyang binabasa! Isang milyong piso ang napanalunan ng kanilang pamilya!
Nagsimulang magbago ang buhay nina Mang Pido matapos ang pangyayaring iyon. Inilaan niya sa tama ang kaniyang napanalunang pera. Isa paʼy hindi niya kinalimutan ang tinderang nagdilang anghel sa kaniya at binahagian ito ng suwerte.
Tila isang himala ang nangyari sa buhay nina Mang Pido at ng kaniyang pamilya. Hindi nila akalaing ang sardinas palang matagal din nilang naging panawid gutom ang siyang sasagip din sa kanila sa kahirapan.
Bukod doon ay ang kasipagan at pananatiling buo ng kanilang masayang pamilya sa kabila ng kahirapan ang naging dahilan upang sila ay suwertehin sa buhay at hindi na muling maghirap pa.