“Babe, kailangan ko ang pera pang-tuition ko sa lunes. Pahingi ako, ha?” Lambing ni James sa kasintahang si Charice. Magiliw namang tumango si Charice habang may lamang pagkain ang bibig.
“Kailan mo ba kailangan?” Panay ang subo nito ng pagkain.
“Bukas, babe.” Pumasok ng kwarto ang dalaga at kinuha ang itinabing pera sa kaniyang damitan. Halagang dalawampung libo iyon na tinipid niya sa ibinibigay ng kaniyang mga magulang.
“Ito, oh! Mag-aral kang mabuti.” Hinalikan ni James sa labi ang kasintahan at tuwang-tuwa na mayroon na naman siyang nahingi rito.
—
“Uto-uto talaga ‘yang kasintahan mong hilaw, ano? Akala niya siguro mahal mo talaga siya.” Ngisi lamang ang itinugon ni James kay Sidney na siyang tunay niyang nobya.
Matabang babae si Charice na nakilala ni James matapos makitang pinagkakatuwaan ito ng mga kalalakihan. Ipinagtanggol niya ito at hindi naglaon ay nahulog sa kaniya ang dalaga. Lahat ay plano ni Sidney na matagal nang inggit kay Charice kaya naman ginamit niya si James para perahan ito.
“Sa tingin niya magkakagusto ka sa kaniya? Sa akin ka lang at hindi magiging kaniya.” Naglapat ang kanilang mga labi at matagal bago naghiwalay.
“May pera na naman tayo,” saad ni Sidney at muling binilang ang nakuha ni James kay Charice.
Nagpunta si Charice sa isang kilalang pamilihan ng mga magagandang damit. Balak niyang sumali sa isang beauty pageant dahil na rin sa udyok ng ilan sa kaniyang mga pinsan. Fiesta na kasi sa kanilang lugar at may pa-contest sa bayan. Gamit ang lakas ng loob ay pumunta siya sa mga hurado upang ipakita ang talento sa pagrampa at pagkanta.
Hindi niya inaakalang naroon si Sidney⏤ang kaniyang kababata na napag-alaman niyang isa pala sa mga hurado. Dati niya itong kaibigan ngunit nang magsimulang magbago ang kaniyang timbang at nang maging mataba siya ay tila lumabas na ang tunay nakulay nito. Napag-alaman niyang noon pa man pala ay malaki na ang inggit nito sa kaniya dahil sa katotohanang mas matalino siya kaysa rito.
Ngunit ang ipinagtaka ni Charice ay kung bakit kasama ni Sidney ang kasintahan niyang si James…
“Babe, anong ginagawa mo rito?” Ngunit tila hindi siya kilala ng kasintahan.
“A-anong babe? Sino ka? Nagpapatawa ka ba? Sa taba mong iyan may kasintahan ka?” Nang-uuyam ang tawang sabi nito na hinigpitan pa ang hapit ng kamay sa baywang ni Sidney.
“Saka ano’ng ginagawa mo rito? Sasali ka? Sigurado ka? Hindi ka papasok, huwag mo nang subukan!” dagdag na pang-iinsulto pa nito sa kaniya.
Tumindi ang galit ni Sidney para sa dating kaibigan at ngayon ay pati na rin sa kaniyang kasintahan. Hindi siya nagpakita ng kahinaan, ngunit ang puso niya ay tila piniraso sa panloloko ng nobyo.
“Bakit hindi natin siya subukan?” Isang huradong lalaki ang tumayo. “Gusto kong makita kung paano ka rumampa.” Nginitian siya ng makisig na binata.
Ganoon nga ang ginawa ni Charice. Rumampa siya nang taas-noo ngunit pinagtawanan lamang siya ni Sidney. Kumuha ito ng basong may tubig at pumunta sa kinatatayuan niya.
“Ilusyunada kang babae.” Tinapunan ni Sidney ng tubig si Charice at muling tumawa.
“Tama na ‘yan!” sigaw ng lalaking hurado.
Tumakbo palabas si Charice sa sobrang sakit at kahihiyang nararamdaman. Iyak nang iyak si Charice at isinandal ang ulo sa pader habang ang dalawang kamay ay nakatabon sa mukha.
“Iiyak ka na lamang ba diyan?” Napatunghay si Charice at pinunasan ang luhang kayat.
Nakilala ni Charice ang lalaki na siyang isa sa mga hurado.
“P-Pasensiya na po,” hindi maunawaan ni Charice ngunit iyon ang lumabas sa bibig ni Charice.
“Sumunod ka sa akin,” sabi sa kaniya ng lalaki at sumunod nga si Charice.
Dinala siya ng lalaking nagpakilalang Joseff na isa palang fitness instructor. May-ari ng gym at doon ay libre siyang ipinasok. Mismong ito ang tumulong sa kaniya sa mga ehersisyo na kailangan niya.
Nakakapagod. Masakit sa katawan. Nakakagutom. Ilan lamang ang mga iyon sa naranasan niyang hirap lalo na’t istrikto si Joseff.
Isang taon siyang hindi nagparamdam kahit kanino. Pinahiram siya ng kwarto sa loob mismo ng gym ni Joseff at doon siya nanatili. Malaki ang ipinayat ni Charice. Kitang-kita ang hubog ng katawan at hindi mababakas na dati siyang mataba.
Maraming namangha sa alindog na taglay na ni Charice. Halos ang mga nakakakita sa kaniya ay napapalingon at pinag-uusapan siya nang todo.
Hindi naman inakala ni Sidney at James na mangyayari ang ganoon. Nagkakandarapa si James na balikan siya ni Charice ngunit umiling lang ito.
“Hindi ko kayang tumanggap ng taong isinuka ako na,” saad ni Charice. “Ibinigay ko sa ‘yo ang lahat. Pinag-aral kita, minahal nang sobra pero niloko mo ako.” Matamang tiningnan ni Charice ang dating kasintahan.
“Let’s go, Charice.” Kumapit ang dalaga sa braso ni Joseff. Nginitian ang binata at sa simpleng tingin na ‘yon ay alam nitong lubos ang pasasalamat niya rito.
Hindi naglaon ay nagkaibigan sina Joseff at Charity. Masaya silang bumuo ng pamilya, malayo sa mga taong mapanghusga katulad ng dating kasintahan at kaibigan.