Hinuli ang Lalaki sa Mismong Bahay Nila Dahil Wala Itong Suot na Facemask; Siya Pa ang May Ganang Magalit
Nagiikot ang mga tanod sa Barangay 310 upang tingnan kung sumusunod ba ang mga mamamayan sa pinapatupad na protocol sa buong syudad na laging magsuot ng face mask, proteksyon upang hindi mahawaan sa lumalaganap na virus ngayon.
“Kagawad, dapat bang hanggang sa loob ng bahay ay magsuot ng face mask?” Tanong ng isang mamayan at nakatira sa naturang lugar.
“Hindi naman. Ang ipinag-utos lang ng mga nakakataas ay ugaliing magsuot ng face mask, lalo na kapag nakikipag-usap sa ibang tao na hindi mo kasama sa bahay at lalo na kapag ikaw ay lalabas.
Kapag nasa loob ka ng sarili mong tahanan ay maaari mo namang hubarin ang iyong face mask,” maayos na paliwanag ni Kagawad Robles.
“Ahh, gano’n po ba. Salamat kagawad,” anito.
Saka muli nang nagpatuloy sa paglalakad si Kagawad Robles, upang tingnan ang iba pa. Nang may mahagip sa kaniyang paningin.
“Hoy! Ikaw,” tawag niya sa lalaking akala mo’y siga na nakatambay sa labas at walang suot na face mask. “Hindi mo pa ba alam na bawal ang lumabas kapag wala kang suot na face mask!” Galit na wika ni Kagawad Robles.
Akmang tatakbo sana ang lalaki papasok sa loob ng bahay nito ng agad na nahawakan ng mga tanod na kasama ni kagawad.
“Aba’t tatakas ka pa ah,” wika ng tanod na may hawak sa lalaki.
“Nasa tapat lang naman po ako ng bahay kagawad,” wika ng lalaki.
“Kahit na. Ano bang sinabi ng Barangay? Ugaliing magsuot ng face mask lalo na kapag nasa labas. Okay lang sana kung ikaw lang ang tao rito, e daanan ito at ang daming mga taong kaharap mo.
Kahit kailan ay wala kayong malasakit sa kapwa niyo lalo na sa sarili ninyo e. Dalhin sa Barangay iyan!” Mariin na utos ni kagawad at agad namang dinala ang lalaki sa Barangay.
Napag-alaman na hindi lamang iisa ang nahuli sa paglilibot ng mga kawani ng Barangay sa buong lugar. Marami-rami rin ang mga ito na ngayon ay tila mga kawawang tupang nakatayo sa may gilid.
“Bakit kayo narito ngayon?” Tanong ni Chairman Santiago sa mga nahuling walang suot na face mask o alin mang proteksyon sa virus.
“Pasensiya na po, kapitan. Hindi na po namin uulitin ang paglabas na walang face mask.” Halos sabay-sabay na wika ng mga ito.
Nagmamakaawang pakawalan na at totoong hindi na uulitin ang pagpapawalang bahala sa ipinatupad na protocol.
“Ako chairman, hinuli lang ako kahit wala naman akong kasalanan,” wika ng lalaking nahuli ni kagawad Robles.
“Oh? Bakit ka naman huhulihin kung wala kang ginawang masama?” Tanong ni kapitan.
“Nasa labas lang naman po ako ng bahay namin, sa mismong tapat ng bahay. Kaya hindi na ako nag-abalang mag-face mask. Pero hinuli pa rin po ako ni Kagawad Robles,” sumbobg nito.
“Ito na lang hijo, kapag nasa labas ka ba ng bahay niyo, mangingilag ba ang virus na lapitan ka? Sasabihin ba ng virus na: ah, huwag nating kapitan ang taong ito kasi nasa tapat lang naman siya ng bahay nila. Sasabihin ba iyon ng virus?” Tanong ni Chairman Santiago.
Nakayuko at tila napahiyang sumagot ang lalaki. “Hindi po chairman.”
“Eksakto! Tama ka. Hindi ka iilagan ng virus kahit nasa tapat o sa mismong labas ka pa ng bahay mo. Kaya nga pinapatupad natin ang batas na ugaliing mag-suot ng face mask kapag lalabas na tayo ng bahay natin, dahil hindi natin nakikita ang kalaban natin.
Mas okay pa ang bala makikita mo kapag papalapit na sa’yo. Malalaman mo kung kailan ka iilag, tatakbo at dadapa. Pero ito ngayon hindi natin alam kung nasaan siya. Nasa malapit lang ba o nasa mismong tapat na natin.
Kaya namin sinasabi na laging magsuot ng mask, dahil din naman iyon sa kalusugan nating lahat. Hindi lang para sa’kin, hindi para kay kagawad at sa mga tanod, kung ‘di para sa’ting lahat. Alin ba doon ang mahirap intindihin?” Seryoso at mahabang wika ni Chairman Santiago.
“Pasensiya na po. Hindi na po namin uulitin,” mahinang wika ng lalaking kanina ay matapang na magreklamo.
“Dapat lang. Magtulungan tayo. Hindi lang ito laban ng isa, laban nating lahat ito. Kung sasabihin ninyong napu-purwesyo na kayo sa pandemyang ito. Isipin ninyong hindi lang kayo ang napurwesyo, halos lahat ng tao,” wika ni Kapitan Santiago, saka tuluyang nagpaalam sa mga nahuling violators.
Nakaka-purwesyo man ang panahong ito. Dapat pa rin tayong magpasalamat dahil hanggang ngayon ay buhay tayo at patuloy na lumalaban sa hirap ng buhay.