Suki na ng Beauty Pageant ang Dalagang Ito, Subalit Higit Pa Pala sa Korona at Tropeyo ang Premyo na Kanyang Matatanggap; Ano Kaya Ito?
Mula pagkabata ay hilig na ni Nadia ang lumakad, kumendeng at rumampa na parang isang beauty queen. Ang kalsada o kahit anumang maluwag na daan ay tila ba nagiging isang malaking entablado sa tuwing siya ay maglalakad na.
“Maganda ka anak, maganda ang iyong kutis at saktong-sakto ang iyong tangkad para maging isang beauty queen. Manang-mana ka talaga sa akin,” nakangiting sabi ng ina ni Nadia.
“Totoo po, mama? Balang araw magiging isang beauty queen din po ako,” masayang tugon naman ni Nadia.
“Oo naman. Parang pinagbiyak na bunga tayo. Sa’kin mo kaya namana iyang kagandahan mo. Alam mo anak? Naniniwala ako na malayo ang mararating mo balang araw. Basta pagbutihin mo lamang ang iyong pag-aaral,” malumanay na sabi ng ginang habang inaayos ang buhok ng kanyang anak.
Isinapuso naman ni Nadia ang lahat ng paalala ng kanyang ina. Kahit na may kalayuan ang paaralan ay buong tiyaga pa rin niya itong nilalakad upang matuto lamang. Para sa kanya kasi, hindi sapat ang puro ganda lang, kailangan ay may utak din.
Maayos na sana at masaya ang kanyang kabataan subalit nakaranas siya ng matinding pang-aapi at panlalait mula sa kanyang mga kamag-anak. Suki siya ng panunukso dahil sa lahat ng magkakapatid ay tanging siya lamang ang naiiba ang mukha.
“Mama, ampon niyo po ba talaga ako? Bakit iba po ang mukha ko kaysa sa mga kapatid ko?” naguguluhang tanong ni Nadia.
Kahit ilang beses niya itong itanong sa kanyang ina ay tila ba bingi ito na walang naririnig. Isang dahilan upang pagdudahan ni Nadia ang kanyang buong pagkatao.
Isang bagay pa na kanyang pinagdududahan ay ang naiibang pagtrato sa kanya ng kanyang ama. Napakalambing naman nito sa iba niyang kapatid subalit pagdating sa kanya ay tila ba yelo na napakalamig ang pakikitungo sa kanya.
Nung una’y sinubukan niyang balewalain ang lahat ng iyon, subalit sa kanyang paglaki ay nagsimula nang mabuo sa kanyang isipan ang napakaraming mga tanong.
Nang nasa wastong edad na ay doon lamang niya nalaman ang nagtatagong lihim ng kanyang tunay na pagkatao. Sinagot na ng kanyang ina ang mga tanong na bumabagabag sa kanya mula pagkabata.
“Anu po ba ang totoo, mama? Kasi gulong-gulo na po ako. Bakit naiiba po ako sa mga kapatid ko? Ampon niyo po ba ako?” naluluhang tanong ng dalaga.
“Hindi ka ampon, anak ko. Ang dugo at laman mo ay sa akin nanggaling. Dinala kita ng siyam na buwan sa aking sinapupunan at ako mismo ang nagluwal sa’yo.
“Kaya hindi ka kamukha ng iyong mga kapatid ay dahil iba ang iyong ama. Tulad mo, ganyan na ganyan ang aking kutis, ganda at pangangatawan noon, pero isang gabi habang naglalakad ako pauwi galing eskwela ay napagsamantalahan ako.
Ikaw ang naging bunga nun, anak. Pero kahit na nabuo ka sa isang kasalanan, para sa akin, ikaw ay napakagandang regalo mula sa Diyos. Nagpapasalamat ako ng lumaki ka ng mabait at maayos anak,” paliwanag naman ng ina ng dalaga.
Magkayunman, hindi naman nagbago ang pagtingin ni Nadia sa kanyang mga magulang, lalong-lalo na sa kanyang ama. Para sa kanya kasi, isang pamilya pa rin sila at ang kanilang pamilya ay siya naman niyang inspirasyon sa pagtupad ng kanyang mga pangarap.
Dumarating pa rin ang mga pagkakataon na lumiliit ang tingin niya sa kanyang sarili dahil sa nalaman niya tungkol sa kanyang pagkatao, pero sinubukan pa rin niyang maging malakas at hindi nagpatinag sa mga masasama at masasakit na salitang ibinabato sa kanya.
Nang magkolehiyo si Nadia ay doon nabuksan ang pagkakataon na makasali siya sa mga patimpalak. Nagsimula siyang sumali sa paaralan kung saan naipanalo niya ang kanyang kauna-unahang laban. Magmula noon ay dumami na ang kanyang mga manliligaw at tagahanga.
Sinubukan niya ang kanyang suwerte sa labas ng paaralan at sumabak sa isang malaking beauty pageant sa kanilang probinsiya. Naging espesyal ang gabing iyon dahil sa ingay ng hiyaw at palakpak ng mga tao sa tuwing siya ay rarampa sa entablado. Ang mas nagpaespesyal pa sa gabing iyon ay ang pagsuporta at panonood sa kanya ng buong pamilya nila. Masuwerteng nasungkit naman ni Nadia ang korona noong gabing iyon.
Isa sa mga sumusuporta sa kanya noon ay ang kanyang gwapong manliligaw na si Joaquin. Laging nakasuporta sa kanya ang binata sa tuwing lalaban siya sa mga patimpalak. Mabait naman ang binata at responsible lalo na sa pag-aaral kaya’t binuksan naman din noon ni Nadia ang pagkakataon upang ligawan siya ng binata.
Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan si Nadia at ang kanyang kinilalang ama dahil lamang sa pagsali-sali ng dalaga sa mga patimpalak. Nawawalan na daw ito ng oras sa pamilya at baka pati ang pag-aaral ay maapektuhan.
Ang lalo pang nagpainit ng ulo ng ama-amahan ng dalaga ay noong nalaman nito na may kasintahan na ang dalaga. Ayaw nitong nakikipagrelasyon ang mga anak dahil baka daw masira lamang ang kinabukasan.
Matapos ang palitan ng mga masasakit na salita ay nag alsabalutan ang dalaga at saka lumayas sa kanilang bahay. Pansamantalang pinatuloy ni Joaquin ang kanyang nobya sa inuupahang apartment noon, subalit ng matunton sila ng ama ng dalaga ay sapilitan silang ipinakasal noon.
“Tay, wala naman pong nangyari sa amin. Hindi pa po ako handa sa buhay may asawa,” paliwanag ng dalaga.
“Nagsama kayo sa iisang bubong! Sana inisip mo yan bago ka naglayas. Kung hindi kayo magpapakasal ay mapipilitan akong idemanda ang lalaking kinakasama mo ngayon,” pagbabanta naman ng tatay ni Nadia.
Hindi pa handa si Nadia sa mga bagay na tulad ng kasal at pag-aasawa. Walang sila nagawa kundi ang sumunod sa utos ng kanyang ama. Napakarami pa sana niyang pangarap na nais marating noon, pero kahit na ganoon, sinubukan niyang maging matatag at tanggapin na lamang ang kanilang naging kapalaran.
Taong 2014 nang isilang niya ang kanilang unang anak ni Joaquin. Labis naman siyang nagpapasalamat dahil naging matino at mabuting asawa si Joaquin sa kanya. Nagsumikap ang lalaki sa pagtratrabaho upang tustusan ang kanilang mga pangangailangan.
Isang taon matapos manganak ay napagpasyahan ni Nadia na bumalik muli sa pag-aaral. Sinuportahan naman siya ng kanyang asawa. Si Joaquin din mismo ang tumulong sa kanya sa mga gastusin sa pag-aaral.
Pinagsabay niya ang pagiging ina, asawa at estudyante. Tunay nga napakahirap ng kanyang ginagawa pero naging mabuti ang Diyos sa kanilang buhay. Nagawa niyang magtapos sa kursong BS Psychology noong 2018.
Habang pinagmamasdan ang diplomang hawak ay napapangiti na lamang si Nadia habang nagbabalik-tanaw sa mga nangyari sa kanyang nakaraan. Bukod sa mapagmahal na asawa, mabait na anak, ang pagkakataong makamtan ang pangarap ang pinakamagandang titulo ay kanya nang natanggap. Ang lahat ng iyon ay simbolo ng kanyang pagsisikap at kakayahang abutin ang matataas niyang pangarap.
Ang maging isang ina at maybahay ang pinakamabigat na koronang napatong sa kanya ulo, dahil buong buhay niya itong isusuot. Magkayunman, labis pa rin ang pasasalamat niya dahil para sa kanya ay isa na siyang ganap na beauty queen sa entablado ng buhay na kanyang nilalakaran.
Simula ngayon hanggang sa huling lakad natin sa mundong ito, sana’y katulad ni Nadia, na kahit ilang beses nadapa ay patuloy pa rin na lumaban at hindi sumuko sa hamon ng buhay. Patuloy tayong lumakad at rumampa sa entablado ng buhay hanggang sa maisuot na natin ang korona ng ating tagumpay.