Halos Lahat ng Trabaho ay Pinasok na ng Lalaki Upang Maigapang Lamang ang Pamilya Mula sa Kahirapan; Sa Kanyang Pagpanaw ay Walang Katumbas na Kayamanan Pala ang Kanyang Iiwan
Nagpupunas ng alikabok si Noel sa mga litratong naka-display mula sa isang lamesa sa kanilang sala. Nakangiting siyang nagpupunas hanggang sa napatitig siya sa litrato ng kanyang ama. Napatigil siya saglit at saka ito kinuha. Naupo siya sa may sofa habang hinahaplos ang nakangiting litrato.
“Tama nga sila tay, tayo talaga yung magkamukha,” nakangiting sambit ni Noel.
Panandaliang nagbalik-tanaw si Noel sa nakaraan. Inalala niya ang bawat sandaling kasama niya ang kanyang ama. Ito ang naging inspirasyon at idolo niya sa kanyang paglaki.
Hindi nakatapos ng pag-aaral ang ama ni Noel na si Manny, subalit nagsumikap ito upang maitawid ang pangangailangan ng pamilya sa araw-araw. Nagsimula sa pagiging barker, konduktor, hanggang sa matutunan ang pagmamaneho ng sasakyan.
Naging drayber siya ng jeep, taxi, bus at kahit na ang malalaking truck na naghahakot ng basura sa bawat kalye ng kanilang baranggay. Minsan ay naging drayber pa siya ng sikat na artista at kilalang politiko.
Labis ang tiyaga, sipag at determinasyon na ipinakita ni Manny upang maitaguyod lamang ang kanyang pamilya. Kapag walang iskedyul ng pagmamaneho ay tumutulong siya sa kanyang asawa upang magtindi ng mga kakanin sa palengke, nang sa ganoon ay may pandagdag sa baon at pambili ng proyekto ang mga anak.
“Tay, susunduin ninyo po ba kami ulit mamaya sa eskwela?” tanong noon ng batang si Noel.
“Oo naman anak. Basta intayin niyo lamang si tatay sa labas ha? Pangako, darating ako,” masayang tugon naman ni Manny.
Ulirang ama si Manny. Hatid-sundo niya ang mga anak sa paaralan. Siya din ang tumutulong sa mga ito sa pag gawa ng takdang-aralin at proyekto para sa eskwela. Lagi siyang nakaagapay sa kanyang pamilya. Laging handang gumabay at itama sa tuwing mayroong nakakagawa ng pagkakamali.
“Kung hindi kayo matututong sumunod sa akin ay pwede na kayong umalis. Kung ayaw na ninyong sumunod at wala na kayong respeto, malaya na kayo,” palaging salitang binibitawan ng padre de pamilya sa tuwing may anak na nagpapasaway.
Kahit na makukulit ang mga bata ay kailanman hindi niya pinagbuhatan ng kamay ang mga ito. Masinsinan niyang kinakausap ang mga anak kasunod ng paliwanag tungkol sa maling nagawa.
Talaga namang pinanindigan ni Manny ang pagiging haligi ng tahanan. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang matibay na haligi ay unti-unti na ring nanghina.
Taong 2013, habang nagsisimba ang mag-asawa nila Manny ay bigla na lang itong namutla at natumba.
“Mahal? Namumutla ka. Ayos ka lang ba?” tanong ng maybahay ni Manny.
“Ayos lamang ako. Medyo nahilo lang ako ay sumikip ng konti ang aking dibdib. Siguro ay dahil sa init at dami ng tao lamang ito,” paliwanag naman ng lalaki.
Ilang segundo lamang matapos ang kanilang usapan at biglang napaubo si Manny kasunod ng pagbagsak niya sa sahig. Nagkaroon ng kaunting kaguluhan sa simbahan, pero madali naman siyang naitakbo sa malapit na ospital.
Nang masuri ng doktor ay ikinabigla nila ang naging resulta. Ang akala nilang simpleng ubo lamang ay isang malalang sakit na pala kung saan napuruhan ang kanyang baga, kasabay ng pagbabara ng ugat at paglaki ng kanyang puso.
“Ikanalulungkot kong sabihin pero base sa resulta ay wala na ang isang baga ng pasyente. Nagkakaroon pa ng komplikasyon dahil sa iniinda niyang sakit sa puso,” malungkot na sinabi ng doktor sa asawa ni Manny.
Sinubukan nilang ilihim muna ang totoong kalagayan ni Manny, dahil nag-aalala sila sa maaaring maging reaksyon ng padre de pamilya pag nalaman nito ang tunay niyang sakit.
Nagtulong-tulong ang buong pamilya upang mapagaling ang haligi ng kanilang tahanan. Todo kayod at kanya-kanyang diskarte ang bawat isa upang kumita ng pera na gagamitin sa pagpapagamot.
Pero tunay ngang walang lihim ang hindi nabubunyag. Pebrero noong 2014, mag-isang nagtungo sa malaking ospital si Manny upang muling magpasuri, doon niya nalaman ang tunay na kalagayan niya.
“Alam kong matagal ninyong inilihim sa akin ang aking sakin. Pero huwag kayong mag-alala, tanggap ko naman na. Hiling ko lamang ay sana huwag magbago ang inyong pagtingin sa akin. Mamuhay pa rin tayo ng normal tulad ng dati,” saad ni Manny sa harap ng kanyang pamilya.
Matapos ang pasko at bagong taon noong nakaraang taon ay tuluyan na ngang nanghina ang katawan ng ama ng tahanan. Naging mabilis ang naging pagbagsak ng kanyang katawan kasunod ng matinding panghihina nito.
Sa hapag kainan habang nagkakasiyahan ang buong pamilya ay bigla na lamang ngumiti si Manny at saka nagsalita:
“Hindi natin hawak ang panahon at mas lalong hindi natin hawak ang ating buhay. Nais ko lamang kunin ang pagkakataon na ito upang masdan ang magagandang ngiti sa inyong mukha.
“Darating ang panahon na lilisanin ko ang mundong ibabaw, pero sa aking pag-alis, sana ay maiwan sa inyo ang mga ngiting nasa labi ninyo ngayon. Ang mga ngiting iyan ang alaalang babaunin ko sa aking pag-alis.
“Darating ang panahon na magiging magulang din kayo, sana ay naging isang magandang halimbawa ako sa inyo sa kung paano pahalagahan at itaguyod ng marangal ang isang buong pamilya.
“Hindi mahalaga sa kung sino ang ilaw o haligi ng tahanan, ang mahalaga ay kung paano niyo pagtitibayin ang pundasyon ng inyong pamilya. Ipakita ninyo sa inyong mga anak na isa kayong magandang halimbawa ng sa ganoon ay gayahin nila kayo sa kanilang paglaki.
“Mga anak, karangalan kong naitaguyod ko kayo at napalaki ng maayos. Nawa’y sapat ang mga araw na nilagi ko sa mundo upang maipakita ko ang buong pagmamahal ko sa inyo. Ang tagumpay niyo ay tagumpay ko din.
“At sa’yo na pinakamamahal kong asawa, salamat sa walang sawang pagmamahal, suporta at pag-unawa mo sa akin. Ikaw ang ilaw na nagbigay tanglaw sa haliging aking binuo. Mahal na mahal ko kayo.”
Bumuhos ang emosyon at mga luha ng bawat miyembro ng pamilya sa mumunting mensahe ng haligi ng tahanan. Kahit na hirap sa pagsasalita ay pinilit ni Manny na iparamdam sa bawat isa ang taos puso niyang pasasalamat at pagmamahal sa bawat miyembro.
Isang linggo matapos ng gabing iyon ay tuluyan na ngang bumigay ang katawan ni Manny. Hindi na siya gumising simula sa pagkakatulog at tuluyan na ngang nahimbing at nagpahinga sa piling ng Poong Maykapal.
Tulad ng huling kahilingan ng padre de pamilya, tinanggap nila ng maluwag ang kanyang pagkawala. Kahit masakit ay pinilit nilang kayanin. Napakasakit mawalan ng isang ama at asawa. Ang drayber ng pamilya, ang kanilang manibela at ang taga-gabay sa direksyon ng kanilang buhay ay tuluyan nang tinahak ang daan patungong kapayapaan.
Mawala man ang pisikal na katawan, mananatiling buhay naman sa kanilang puso ang mga masasayang alaala at pangaral na iniwan ng dakilang ama.
“Papa!” sigaw ng isang batang lalaki na nagpabalik ng ulirat ni Noel.
Hindi pala namamalayan ni Noel na pumatak ang kanyang mga luha habang minamasdan ang litrato ng kanyang ama. Kanyang pinunasan ito at saka ngumiti sa batang papalapit sa kanya.
“Happy Father’s Day po papa!” nakangiting pagbati ng bata habang hawak ang isang cupcake.
“Para kay papa ba itong cupcake na dala mo?” masayang tanong ni Noel habang kinakalong ang bata.
“Opo papa. Gift ko po sa inyo kasi love ko po kayo,” tugon naman ng bata.
Ngayong isang ama na rin si Noel. Baon-baon niya ang pangaral ng kanyang ama. Pinapalaki niya ang kanyang anak na may takot sa Diyos, respeto sa kapwa at puno ng pagmamahal ang puso, gaya ng kung paano sila pinalaki ng kanyang mga magulang noon.
Kinahapunan ay nagtungo silang buong pamilya sa puntod ng kanilang ama upang ipagdasal at alalahanin ang kanyang naging buhay noon sa lupa.
“Tatay Manny, mahal na mahal ka namin. Napakaswerte namin dahil nakasama ka namin sa lakbayin na ito ng aming buhay. Naging maligaya ang paglalakbay na ito kasi ikaw ang tatay namin.
“Tuluyan mo nang tinapos ang byahe mo, karapat-dapat lang talaga na magpahinga ka ng todo-todo. Job well done, tay. Kahit hindi father’s day ay sasariwain namin sa aming isip ang ipinamalas mong kabaitan.
“Ngayong mga magulang na kami, panahon na para kami naman ang humawak ng manibela. Ang mga paalala mo ang siyang magiging mapa at gabay namin sa buhay na ito. Nawa’y maging kasing dakilang magulang din kami sa aming mga anak, gaya mo tay.
“Darating ang panahon, pagkatapos ng byahe ng buhay naming ito ay magkikita-kita din tayo sa huli naming destinasyon. Sa ngayon tay, magpahinga ka muna. Happy Father’s Day diyan sa langit, tay!” lumuluhang mensahe ni Noel sa kanyang ama habang hinahaplos ang puntod nito.
Ang bawat isa sa atin ay lumaki ayon sa paghuhulma ng ating mga magulang. Maaring mayroon silang pagkukulang kung minsan, pero lahat ng kanilang ginagawa ay para rin sa ikabubuti natin.
Ikaw kaibigan? Kailangan ka huling nagsabi ng “Mahal kita” o “Salamat” sa iyong magulang? Habang may panahon pa at malakas pa sila, iparamdam mo na kung gaano sila kahalaga sa’yo. Sana ay kahit hindi Mother’s Day o Father’s Day ay matutunan nating magpasalamat sa pagmamahal at sakripisyo nila.