Inday TrendingInday Trending
Sunod sa Layaw ang Nobyo ng Babaeng Ito, Sa Huli’y Isang Mahalagang Aral ang Kanyang Matututunan nang Siya’y Lokohin Nito

Sunod sa Layaw ang Nobyo ng Babaeng Ito, Sa Huli’y Isang Mahalagang Aral ang Kanyang Matututunan nang Siya’y Lokohin Nito

Apat na taon. Apat na mahabang taong ibinahagi ni Jessica ang buhay niya sa lalaking si Kristian. Ibinigay ng dalaga ang lahat lahat sa lalaking iniirog sa loob ng apat na taong iyon, gayunpaman, nagawa pa rin ni Kristian na humanap ng iba.

Mula kolehiyo hanggang magkatrabaho, si Jessica na ang gumagastos ng lahat lahat ng pangangailangan ni Kristian. Madalas man siyang kantiyawan ng mga kaibigan niya dahil hindi na normal ang ganoong gawain, lahat ng iyon ay wala sa kanya basta ay makasama araw gabi ang pinakamamahal na nobyo.

“Babe? Galit ka ba?” tanong ni Jessica nang minsang subukan niyang yakapin si Kristian halatang umiiwas ito sa kanya.

“Hindi,” madiing sagot nito habang patuloy na iniiwasan ang dalaga.

“Dahil sa iPhone X ba ito? Kaya ka nagtatampo? Di ba sinabi ko na sa’yong hindi pa kaya ng budget ko na bilhan ka noon? Sa oras na makapagtapos ka ng kolehiyo, pangako, ibibili kita!” paliwanag ni Jessica na pilit pa ring nilalambing ang nobyo.

“Matagal pa ‘yon e! Gusto ko nga, ngayon! Ang malas ko at ikaw pa kasi ang naging nobya ko. ‘Yong kaibigan ko nga e binilhan ng girlfriend niya ng iPhone X. Estudyante pa lang ‘yon ha! E ikaw, may trabaho ka na!” galit na sigaw ni Kristian.

Noong mga unang taon ng kanilang pagsasama, hindi naman ganito ang pakikitungo ng lalaki kay Jessica. Ngunit nang dumating ang ika-tatlong taon ng kanilang pagsasama ay bigla na lamang naging suwail at bastos ang bunganga nito pagdating sa kanyang nobya.

“Hay… Kung ‘di lang kita mahal na mahal e. Oo na, sige na. Magbihis ka na. Pumunta na tayo sa mall at ikakaskas ko na lang muna sa credit card ko ang pambili,” sagot ni Jessica.

Matapos mapagbigyan, agad na umamo ang kaninang saksakan ng sungit na lalaki.

“Ayun! I love you, babe! The best ka talaga. Halika nga, pa-kiss ako! Napaka-swerte ko talaga sa’yo!” ani Kristian.

Palagi na lamang ganoon ang eksena sa maliit na apartment na tinutuluyan ng magkasintahang ito. Nauna kasing maka-graduate ng kolehiyo si Jessica kaya’t nakapaghanap agad siya ng trabaho. Si Kristian naman ay hindi pa rin nakakapagtapos dahil panay ang inom at labas nito kasama ng mga kaibigan niya.

Isang linggo ang lumipas, nagising si Jessica sa tawag ng kanyang ina.

“Jessica, ang kapatid mong bunso, isinugod namin sa ospital kaninang umaga. Inatake na naman kasi ng hika niya. Hihingi lamang ako ng kaunting tulong dahil ang mamahal ng mga gamot na kailangan naming bilhin,” paghingi ng tulong ng kanyang inang si Nanay Remedios.

“Ah… Eh… Mama, pasensiya na. Subukan niyong humingi kay Kuya Merto. Walang-wala kasi ako ngayon e,” nagsisinungaling na sagot ng dalaga. Ang katunayan ay simot na simot na naman ang pera niya dahil panay ang hingi ni Kristian sa kanya.

Mula nang magkatrabaho si Jessica, agad itong umalis ng kanilang bahay upang tumira sa iisang bubong kasama ni Kristian. Ni hindi niya nagawang tumulong o mag-abot man lang ng isang libo kada sahod sa kanyang ina, dahil ang sweldo niya ay madalas kulang pa sa pagbibigay ng sustento sa kanyang nobyo.

Bukod sa kaniyang pamilya, maging ang sarili niya ay napapabayaan niya na. Ni hindi niya nagagawang makalabas kasama ng kanyang mga kaibigan dahil madalas ay wala nang natitira ni isang kusing sa sinasahod niya. Gayunpaman, lahat ng iyon ay wala sa kanya basta’t kapiling niya ang iniirog niya.

Kaya naman gumuho ang mundo ni Jessica nang isang umaga’y maaga siyang umuwi sa kanilang apartment. Papasok na sana siya ng opisina ngunit agad bumalik nang makalimutan ang kanyang wallet. Pagbukas niya ng pintuan, bumulaga sa kanya ang isang hubo’t hubad na babaeng masayang-masayang nakayakap kay Kristian.

Sa mga panahong iyon, gustong-gustong magwala ni Jessica. Gusto niyang saktan at pagmumurahin si Kristian at ang babaeng kasama nito. Ngunit naiwan siyang nakatayo at naninigas sa harapan ng sarili niyang pintuan habang pinapanood ang dalawang nagmamadali magbihis.

“Ayoko na, aalis na ako rito. Break na tayo,” ‘yan ang natatanging kataga na lumabas sa bibig ni Jessica. Sinusubukan ni Kristian na magpaliwanag at humingi ng tawad habang pinapalayas ang babaeng kanina lamang ay kayakap niya, ngunit tila ba walang naririnig si Jessica dahil sa labis na sakit na kanyang nararamdaman.

Nang makapag-empake na, hindi nagpapigil si Jessica kay Kristian kahit nakaluhod na ito sa kanyang harapan. Kumuha siya ng taxi at nagpadiretso sa bahay ng kanyang mga magulang. Nang makarating doon…

“Mama! Papa! Patawarin niyo po ako!” humahagulgol na sabi ni Jessica.

Nagkatinginan ang kanyang ama’t ina. Tila ba alam na nila ang nangyari. Imbes na magalit at sumbatan ang kanilang anak, niyakap nila ito ng napakahigpit.

“Mahal na mahal ka namin. Maraming salamat at sa wakas ay natauhan ka na. Matagal namin itong ipinagdasal. Tahan na, may araw rin ang mokong na iyon,” pabiro pang sabi sa kanya ng kanyang ama.

Hindi maintindihan ni Jessica kung bakit kailangan pang umabot sa mahuli niya ang nobyong may ibang babae bago niya mapagtanto ang lahat lahat. Labis siyang nabulag ng pangakong pang habambuhay ni Kristian, na nagawa na niyang talikuran ang lahat lahat sa buhay niya.

Ngunit sa panahong ito, sigurado siyang kakayanin niyang mabuhay ng wala si Kristian. Sigurado siyang posible ito sa tulong ng kanyang mapagmahal na pamilya at mga supportive na kaibigan. Ipinangako niya sa kanyang sarili na sa susunod na siya ay iibig, sisiguraduhin niyang magtitira siya para sa kanyang sarili, para sa kanyang pamilya, at para sa kanyang mga kaibigan. Nang sa gayon, kapag dumating ang panahon na iwan siya ng lalaking iyon, ay hindi guguho ang mundo niya dahil alam niyang may iba pang mga natitira sa kanya.

Advertisement