Ilang beses nang hinila pababa ni Sherra ang pagkaigsi-igsing palda na ipinasuot sa kanya ng kaibigang si Tin. Papasok sila ngayon sa isang bar, malakas ang tugtog at kay raming mga taong nagsasayaw sa gitna.
“Girl, wag mo nang hilahin yan! Ganito talaga rito! Tsaka wag mong ipahalatang first time mo!” sabi ni Tin, halos sumigaw na ang babae dahil sa sobrang lakas ng tugtog.
Isang tipid na ngiti lamang ang isinagot niya sa dalaga. Sabagay ay tama ito, bakit nga ba siya mahihiya? Hindi naman siya kilala ng mga taong nasa paligid. Tsaka kaya nga sila nandito ay para mag-enjoy, magtanggal ng stress mula sa trabaho.
“Yan! That’s my girl! Ang pretty mo kaya!” nakangiting wika ni Tin.
Hindi naman sila masyadong uminom, nagkwentuhan lang at sumayaw nang kaunti. Kolehiyo palang ay magbestfriend na sila, pareho pa sila ng pinapasukang kumpanya ngayon. Parang magkapatid na rin ang dalawa.
“Hi miss, ngayon lang kita nakita rito,” sabi ng isang gwapong binata. Namula ang pisngi ni Sherra habang natawa naman si Tin.
“Pasensya kana sa friend ko, hindi yan sanay sa boys. Huy, She! Hi raw!” kantsaw nito.
“H-Hello, oo ngayon lang ako nakapunta rito.” nahihiyang wika niya. Lumapad ang ngiti ng lalaki at mas lalo itong gumwapo dahil sa matitingkad sa puti nitong ngipin.
“Allen, nice meeting you.”
Hindi na siya nilubayan pa ni Allen noong gabing iyon, inihatid rin sila ng binata at kinuha pa ang number niya. Kilig na kilig si Sherra, matapos lang ang isang Linggo ay opisyal na silang naging mag-nobyo.
Lingid sa kaalaman niya, sobrang babaero ng binata. Hindi totoo ang pag ibig nito sa kanya, bagkus ay na-challenge lamang dahil nga manang siya. Ginawa pa nga siyang sentro ng pustahan nito at ng mga kaibigan.
“Pucha pare give me 1 month, madadala ‘to sa charms ko at maiuuwi ko rin.” nakangising sabi ni Allen isang gabi, nagyoyosi ito at nag-iinom kasama ng barkada.
“Iba ka rin kasi eh. Tingin nga, asan ba? Manang na manang ba?” tanong ng kaibigan nito.
Kinuha ng binata ang cellphone at ipinakita ang larawan nilang tatlo noong unang gabing nagkakilala sila.
“Ay sino itong isa? Ang hot rin!”
“Tanga, kaibigan niya yan.” humihithit ng sigarilyo na sagot ni Allen.
“Ikaw ang tanga! Dapat ito ang pinatos mo!”
“Bakit, huli na ba ang lahat?” nakangising sabi ng binata.
Napapalakpak ang barkada nito, ang tinik talaga nito sa chicks! Napag-isipan nila na ibahin nalang ang pustahan, tungkol nalang sa pagtuhog nito sa kanilang magkaibigan.
“Madali lang namang utuin ang mga babae. Kaunting karinyo ay baka magsaksakan pa ang dalawang yan para lang sakin. Di nila alam na pareho ko silang iiwan,” tatawa-tawa at mayabang pang sabi nito.
Sinimulan na nga ni Allen ang pang-aakit kay Tin, napapadalas ang pagsasabi niya sa nobya na isama nito ang kaibigan sa mga date nila. Ang dahilan niya ay wala naman raw nobyo si Tin at wala rin masyadong kaibigan kaya okay lang maki-join. Game naman si Sherra doon, hindi iniisip na may balak nang kalokohan ang boyfriend.
“Alam mo, you’re pretty eh. I actually enjoy our dates dahil sayo. Kung wala ka siguro, baka na-bore na ako kay Sherra. Oops, honest lang ah.” depensa agad ni Allen. Nagka-kape sila at nataon naman na nasa CR ang nobya.
Napangisi naman si Tin, “Talaga ba?”
Nagdiwang ang loob ni Allen, mukhang palaban ang kaharap.
“Yeah. I was actually thinking..kung pwede tayong lumabas ng, tayo lang. Alam mo na,” sinundan pa iyon ng pagkindat niya sa babae.
Hindi na ito nakasagot dahil dumating na si Sherra, samantalang bago naman sila umuwi ay nakareceive siya ng isang text mula kay Tin.
Tomorrow morning, let’s use my car nalang
Nakangisi niyang sinulyapan ito.Ayos!
Agad na ipinamalita ni Allen sa mga kaibigan ang kanyang ‘tagumpay’. Inggit na inggit ang mga ito dahil panalo na nga siya sa pustahan ay mukhang matitikman niya pa ang kaibigan ng nobya.
Itinodo niya ang pagpapa-pogi. Saktong alas nuwebe ng umaga ay bumusina ang kotse ni Tin sa tapat ng kanyang bahay. Dali-dali siyang lumabas at sumakay.
“Ang ganda mo naman,” bola niya.
Nginitian lang siya ng babae. Tahimik itong nagmaneho at itinigil ang kotse sa tapat ng isang mall, maraming tao roon.
“Tin? Why did we stop?” takang tanong niya.
“May gusto lang akong gawin,” pilyang sabi nito. Hinalikan nito ang leeg niya.
Nakikiliti naman si Allen pero hindi siya nagpatalo, “Woah, you’re wild! Gusto mo ng thrill ha,” sabi ng binata. Sabagay, tinted naman ang kotse ng babae kaya hindi sila kita ng mga tao sa labas.
Ilang sandali pa ay nahubaran na siya ni Tin nang todo, wala ni isa mang saplot sa katawan ang natira kay Allen. Bagamat may damit pa naman ang dalaga.
“Huli ka!” ganoon nalang ang pagkagulat ng lalaki nang lumingon siya sa likod at naroon ang kanyang nobya, si Sherra!
“S-She!” bago pa siya makapagpaliwanag ay binuksan ni Tin ang kotse at sinipa siya palabas. Pinagtinginan siya ng mga tao dahil para siyang saging na binalatan, hindi malaman ng lalaki kung paanong takip ang gagawin niya sa katawan.
Tumatawa ang dalawang babae sa loob ng kotse, ibinaba pa ni Sherra ang bintana at sinigawan ang nobyo.
“Babaero yan! Wag nyong tularan!”
Nagmaneho na palayo ang magkaibigan. Di maiwasang mayakap ni Sherra si Tin, “Salamat.”
“Hindi ko hahayaang may manakit sayo no. Tsaka hindi kita ipagpapalit sa lalaki,”
“Ako rin. Kapatid na kita, hindi tayo masisira dahil lang sa ganito.”
Pahiyang-pahiya si Allen, mali siya ng magkaibigan na napiling mapaglaruan.