Inday TrendingInday Trending
Si Jopet at ang Mahiwagang Bato ni Lola Belen

Si Jopet at ang Mahiwagang Bato ni Lola Belen

Nasa ikaapat na baitang na si Jopet nang lumipat siya sa kanyang Lola na nasa probinsya. Ulila na siya sa mga magulang dahil aksidenteng nasawi ang mga ito sa sinakyang jeep noong nakaraang taon kaya mag-isa na lamang ang bata kaya inampon na siya ng kanyang Lola Belen.

“Apo, simula ngayon ay dito ka na sa akin titira ha? Ituring mo ako na pangalawang magulang mo,” wika ng kanyang Lola.

“Opo, pero bukod po sa inyo mayroon pa po ba akong makakasama dito?” tanong ng bata.

“A, e tayo lang ang nakatira dito sa bahay. Marami ka namang makakalarong bata sa labas kung gugustuhin mo.”

Hindi kasi maikakaila na sabik sa pagmamahal ng ibang tao si Jopet. Bukod sa mga magulang ay tanging ang kanyang Lola Belen lang ang nagpakita ng pagmamahal sa kanya. Tampulan din siya ng tukso ng mga batang gaya niya dahil sa mataba niyang pangangatawan. Akala niya sa pagpunta sa probinsya ay matitigil na ang mga panglalait sa kanya ngunit hanggang doon ay sinundan siya nito.

“Hoy, Jopet baboy, lumabas ka diyan! Maglaro kayo ng mga kapwa mo baboy sa putikan,” sigaw ni Buboy na isa sa mga pangunahing nangungutya sa apo ni Lola Belen mula nang lumipat ito sa poder ng matanda.

Sa sobrang sama ng loob ay hindi minsan mapigian ni Jopet na magalit at parang akmang iiyak sa mga pangungutyang natatanggap. Minsan ay gusto na nitong makipagbasag-ulo sa mga nanlalait sa kanya.

“Buwisit talaga itong si Buboy. Mula po ng dumating ako dito ay panay tukso at panglalait na ang natatanggap ko sa kanya. Porket mataba raw ako, mukha raw akong baboy at iba pang masasakit na salita tungkol sa katawan ko. Konting-konti na lang at papatulan ko na siya, Lola,” sumbong ng bata kay Lola Belen.

“Apo, huwag kang lumabas, batuhin mo siya mula rito sa loob,” payo ni Lola Belen kay Jopet.

Nagulat ang bata sa sinabi ng kanyang Lola. Tinanong niya ulit ito kung maaari ba na batuhin niya ang mapanglait na si Buboy at ang mga kaibigan nito para magtanda.

“Puwede mo silang batuhin basta pandesal lang ang ibato mo, apo,” sabi pa ng kanyang Lola sabay ngiti.

“Ano kaya ang ibig sabihin ni Lola sa sinabi niyang iyon?” nagtatakang tanong ng bata sa isip.

Kinagabihan habang nakahiga ay iniisip pa rin ni Jopet ang sinabi ni Lola Belen. Kung tutuusin ay maaari niyang labasin na lang si Buboy at patikhimin niya ito ng isang malakas na suntok sa mukha para tumigil na ito sa panglalait sa kanya kasama ang mga mapang-asar na kaibigan nito ngunit tumatak sa utak niya ang payo ng kanyang Lola na imbes na labasin ang kaaway ay batuhin ito ng pandesal.

“Ano ba ang naisip ni Lola at pandesal pa ang dapat ibato kila Buboy? Baka isipin pa ng mga iyon na naduduwag ako sa kanila dahil imbes na totoong bato ay pandesal pa ang ibabato ko sa kanila,” wika niya sa isip hanggang hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya.

Kinaumagahan ay maagang nagising si Jopet. Tinulungan niya ang kanyang Lola sa paghahanda ng agahan. Nagluto ito ng sinangag at pritong isda. May nakahain ding pandesal at mainit na gatas. Mayamaya ay nag-umpisa nang kumain ang mag-Lola. Matapos makakain ay namintana muna ang bata habang sinabi naman ng kanyang Lola na ito na lang ang maghuhugas ng pinagkainan.

Nang biglang mapansin niya na parating ang grupo nina Buboy sa tapat ng kanilang bahay. Paniguradong mang-aasar na naman ito sa kanya. Tuwing umaga na lang ay ganoon ang ginagawa nito at ng mga kasama. Palagi itong pumupunta sa tapat ng bahay nila at sumisigaw. Walang ibang sasabihin kundi panglalait sa kanya. Naririnig naman iyon ng kanyang Lola Belen ngunti mas pinili nitong manahimik at huwag mangialam sa away bata. Para sa matanda ay hindi naman pisikal na nasasaktan ang kanyang apo kaya hinahayaan niya ito. Alam din nito na titigil rin ang mga makukulit na batang iyon sa kanilang pang-aasar kay Jopet.

“Si Jopet na baboy, si Jopet na baboy!” sigaw ni Buboy at ng mga kasama nito sa labas ng kanilang bahay.

Sinunod ni Jopet ang payo ni Lola Belen. Kumuha siya ng tatlong pirasong pandesal sa mesa at ibinato kay Buboy at sa mga kaibigan nito.

“Aray ko! Bakit mo kami bina… Pandesal lang pala akala ko bato. Sabi ko na nga ba at hindi ka lang baboy, duwag ka pa,” sigaw ni Buboy habang kinagat at kinain ang ibinato sa kanilang pandesal.

Araw-araw ay bumabalik si Buboy at mga kaibigan sa tapat ng bahay nina Jopet at Lola Belen. Araw-araw din silang binabato ng pandesal ni Jopet ngunit may napansin ang bata.

“Lola, ayaw pa rin po nilang tumigil sa pangungutya sa akin,” sabi ni Jopet sa kanyang Lola.

“Huwag kang mag-alala apo, matatauhan rin ng mga iyan at titigil rin o kakaibiganin ka. Basta ipangako mo sa akin na kahit anong mangyari, hindi ka mananakit ng kapwa,” paalala ni Lola Belen sa apo niya.

Nang sumunod na araw, habang sumisigaw ang grupo nina Buboy sa labas ng bahay nina Jopet ay nakita ng isang grupo ng kabinataan ang pagbato sa kanila ng pandesal. Ang nasabing grupo ay ang grupo ni Maxim. Mas matanda ito at ang mga kasama nito kaysa kina Buboy. Ang nasabing grupo ay ang kinatatakutan naman ni Buboy at ng mga kasama niya.

“Hoy Buboy, ang sama niyo talaga. Kayo na nga itong binibigyan ng pagkain ay inaaway niyo pa iyong bata. Kaya pala kayo napapaaway e. Masasama pala ang mga ugali ninyong tatlo. Kapag hindi niyo pa siya nilubayan, sa susunod na magkaproblema kayo sa ibang grupo ay hindi na namin kayo tutulungan,” pagalit na wika ni Maxim.

Nakaramdam ng takot at hiya si Buboy at ang mga kaibigan niya. Naalala nila noong panahong ipinagtanggol rin sila ng grupo ni Maxim sa ibang grupo ng mga kabataan na takaw away at gulo.

“Hayaan mo, simula ngayon ay hindi na namin aawayin si Jopet,” sambit ni Buboy.

Isang araw, nagulat na lang si Jopet na lumipas ang buong maghapon na walang sumisigaw at nangungutya sa kanya. Nang biglang may kumatok sa pinto ng kanilang bahay at nang buksan niya ay laking gulat niya kung sino ang mga nasa labas.

“Patawarin mo kami Jopet sa mga nagawa naming kasalanan sa iyo. Hinding-hindi ka na namin kukutyain, pangako! Ngayon ay kami naman ang bumili ng pandesal para sa inyo ng Lola mo. Salamat nga pala sa araw-araw na pagbato sa amin ng pandesal, nabusog kami, sobra. Tanggapin mo sana ito,” wika ni Buboy at iniabot sa kanya ang isang supot ng pandesal.

Mas lalong ikinagulat ni Jopet ang ginawa ni Buboy at ng mga kaibigan nito ngunit masayang-masaya siya sa paghingi ng tawad at pagpapakumbaba ng grupo. Dahil doon ay pinatawad niya sina Buboy at niyayang sumabay sa agahan nila ng kanyang Lola Belen.

“Iba talaga ang bato ni Lola,” bulong ni Jopet sa sarili.

Mula noon ay tinupad ni Buboy at ng mga kasama niya ang pangako na hindi na muling tutuksuhin si Jopet. Naging magkakaibigan rin sila na nagdadamayan sa hirap at ginhawa. Lubos ang pasasalamat ni Jopet sa ‘mahiwagang bato’ ni Lola Belen.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement