“Manang, saan po tayo?” tanong ni Mario sa babaeng pasahero.
Sa wakas ay may sumakay rin sa traysikel niya. Sa itinagal-tagal ng kanyang paghihintay sa tapat ng isang mall ay may biglang lumapit sa kanyang mga pasahero ngunit tila nagdalawang isip siya na ihatid ang may edad na babae at kasama nitong batang lalaki nang sabihin ng matanda kung saan ang kanilang tungo.
“Sa Sitio Kalbaryo kami hijo,” sagot ng matanda.
“Sa Kalbaryo? Nakupo manang napakalayo naman po pala ng destinasyon ninyo. Napakadilim po doon at magha-hatinggabi na rin po,” wika ni Mario.
“Pasensya ka na hijo, iisang dyip na lang daw ang bumibiyahe doon araw-araw at alas kuwatro ng hapon ang huling biyahe. Alam ko namang napakalayo. Babayaran kita ng limandaan,” alok nito.
Bigla namang bumalik ang sigla ni Mario sa nadinig. Para sa isang drayber na gaya niya ay suntok sa buwan na ang mabayaran ng limandaang piso para lamang sa isang biyahe. Napakasuwerte na nga niya kung tutuusin kung kitain niya iyon sa loob ng buong maghapon.
“Aba’y sige po. Sakay na kayo!” aniya.
Bigla na lamang siyang nagtaka dahil imbes na sa loob ng traysikel ay sa likuran niya umangkas ang may edad na babae. Ang kasama namang batang lalaki na nasa edad anim o pitong taong gulang ang tanging pumasok sa traysikel.
“Manang sigurado po ba kayo na diyan kayo pupuwesto? Maluwag naman po sa loob. Samahan niyo po ang inyong anak,” sabi ng lalaki.
Hindi umimik ang babae kaya hindi na niya ito pinilit pa.
Napakadilim ng kanilang binabaybay patungong Sitio Kalbaryo. At bukod sa lamig na dulot ng hangin ay kinilabutan si Mario nang siya ay napatingin sa salamin ng traysikel. Nanlilisik ang mga mata ng may edad na babae nang magtagpo ang kanilang mga mata sa salamin.
“A, e dito po ba talaga kayo nauwi sa araw-araw?” muli niyang tanong ngunit hindi pa rin siya nakarinig ng tugon rito.
Hindi mapigil ng lalaki ang pangangatal ng kanyang boses dulot ng pinaghalong lamig at takot. Pilit man niyang isipin na normal lamang ang lahat ay hindi mawala sa kanyang isip ang mga kuwentong bumabalot sa Sitio Kalbaryo. Kung hindi lamang sa limandaang piso ay kahit isumpa pa siya ng pasahero ay hindi niya ito pagbibigyang sumakay.
Sari-saring kababalaghan ang nakarating sa kanya tungkol sa nasabing lugar. Kaya ilag ang mga kapwa niya drayber na mamasada sa dulong parteng iyon ng kanilang probinsya.
“Anak ng… ano ba ang ginagawa ko dito?” bulong ni Mario sa sarili. Sising-sisi siya at nasilaw sa halagang limandaan sa kabila ng kabi-kabilang kuwentong katatakutan sa Sitio Kalbaryo. At muli siyang sumulyap sa may edad na babae sa likuran.
Kung kanina ay nanlilisik ang mga mata nito, sa pagkakataong iyon ay nakabuhaghag na ang mahaba nitong buhok at nakanganga na ito na animo’y tumitili nang walang tinig na lumalabas sa bibig nito.
“Aahhh, layuan mo ako, layuan mo ako!” sigaw ng lalaki nang makita ang nakakatakot na hitsura ng babae.
Agad nilingon ni Mario ang buntot pagi na nakaipit sa kisame ng kanyang traysikel. Palagi niya iyong dala-dala sa tuwinng bibiyahe sa gabi. Sa pagkakataong iyon ay magagamit na niya ito. Tangka na niyang aabutin nang siya ay gulatin naman ng napakalakas na tili ng batang lalaki.”
“Aaaahhhh!” hiyaw ng bata habang titig na titig sa kanya.
“Mga p*tang i*a ninyo, umalis kayo sa harapan ko, alis!” sigaw niya sa mga ito. Halos kumawala palabas ang puso niya sa nakakapanghilakbot na hitsura ng kanyang mga pasahero.
Nagmamadaling pinaandar ulit ng lalaki ang kanyang traysikel ngunit hindi niya napansin na nasa loob na ang babae kasama ang bata. Titig na titig pa rin sa kanya habang nagmamaneho siya ng mabilis.
“Diyos ko, Diyos ko…parang awa Niyo na, makauwi lang ako ng ligtas sa aking pamilya ay magsisimba na ako kahit araw-araw pa,” bulong ni Mario habang halos nakapikit na itong nagmamaneho.
“Teka, malapit na yata tayo hijo, dahan-dahan lang ang pagpapatakbo.”
Parang walang narinig si Mario at patuloy pa rin ang pagharurot ng traysikel.
“Ang sabi ko, malapit na tayo…”
May ilang minuto pa ang lumipas at may naaninag siyang liwanag. “Diyos ko, sinusundo Niyo na ba ako?” bulong ni Mario habang ang lahat ng kanyang buhok sa katawan ay tumirik sa sobrang kaba at takot.
“Ay salamat at nakarating din tayo. Iparada mo na diyan sa tabi,” sambit ng babae.
Hindi makapaniwala si Mario sa kanyang nakikita. Napakadami ng tao at ilaw na sobrang liwanag ang sumalubong sa kanila sa destinasyon ng may edad na babae at ng batang lalaki.
“Manang Lydia antagal niyo naman. Mabuti naman at hindi kayo naligaw nitong apo niyo, saan ba kayo nasiraan?” tanong ng isang may edad na lalaki.
“Naku, DIREK sa bayan pa, iniwan na nga namn doon yung drayber mo, e. Mabuti na lang at may nasakyan kaming traysikel. Ayos lang naman at nakapag-praktis na kaming manakot nitong apo ko sa gagawin naming EKSENA mamaya,” wika ng babae sabay kindat kay Mario.
“O, sige Manang Lydia. Maghanda na kayo at magsisimula na ang TAPING natin. Tamang-tama talaga itong Sitio Kalbaryo sa mga kukunan nating eksena,” wika ng Direktor.
Nang biglang lumapit ulit sa kanya babae.
“O, hijo, heto ang bayad ko sa iyo. Limandaan iyan ha! Ano, epektib ba ang pananakot namin ng apo ko? Dahil sa maayos kang makakauwi sa pamilya mo ay tuparin mo sinabi mo kanina na magsisimba ka na ha?” anito.
Natawa na lang si Mario nang malamang isa palang ARTISTA ang may edad na babae at ang batang lalaki na pasahero niyang nanakot sa kanya kanina. Sinampolan lang pala siya ng mga ito at nag-praktis na manakot sa gagawing nilang taping. Nangako naman siya sa kanyang sarili na tutuparin ang sinabing magsisimba siya, kahit araw-araw pa dahil laking pasasalamat pa rin niya at hindi totoo ang kababalaghang nasaksihan niya kanina.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!