“Naku, kumusta ka na apo! Dalagang-dalaga ka na ha!” masayang bati ni Donya Medes sa kanyang apo na si Beverlyn. Dumating ito galing Amerika kasama ang amang si Fernando. Napagpasyahan ng lalaki na magbakasyon muna sa Pilipinas.
“Na-miss kita ng sobra lola! Kumusta na po kayo dito?” tanong ng dalaga.
“Maayos naman ako dito hija. Ibang-iba na talaga ang hitsura mo. Anim na taon ka nang pumunta kayo ng daddy mo sa Amerika kaya nagulat ako sa malaking pagbabago sa iyo. Napakaganda mo talaga,” puri pa ng matanda.
“Siyempre, kanino pa po ba ako magmamana kundi kay Mommy,” wika ni Beverlyn.
Biglang nainis si Donya Medesa sa sinabing iyon ng apo ngunit hindi nagpahalata.
“Haynaku, apo siyempre mas kamukha mo ang daddy mo kasi nagmana siya sa akin,” hirit nito.
“Siyempre naman po, lola.”
“Fernando, anak. Hanggang kailan ba kayo magtatagal dito ng apo ko?” tanong ng Donya sa anak.
“Isang buwan lang Mama at babalik rin kami sa Amerika. Bakasyon lang kasi nitong apo mo kaya kami umuwi,” sagot ng lalaki.
Mayamaya ay sinalubong sila ng kasambahay na si Flora. Tuwang-tuwa ito nang makita si Beverlyn.
“B-Beverlyn? Ikaw na ba iyan?”
Laking tuwa rin ng dalaga nang muling makita ang kasambahay.
“Ate Flora? Na-miss din kita!” anito sabay yakap sa babae.
“Kumusta ka na hija?” maluha-luha nitong sabi.
“O, Ate huwag kang umiyak. Ikaw talaga hindi ka pa rin nagbabago, iyakin ka pa rin.”
Nang umubo kunwari si Donya Medes na tanda na hindi gusto ang pagiging malapit ng apo sa kasambahay.
“Ehem, Flora ang mabuti pa ay pumunta ka na sa kusina at maghanda ng mailuluto mamaya para sa aking apo,” utos ng matanda.
“A, e o-opo senyora! Usap na lang tayo mamaya hija at magluluto pa ako sa kusina,” paalam nito sa dalaga.
Nagpaalam muna si Beverlyn na magpapahinga saglit dahil napagod ito sa biyahe kaya pumunta muna ang dalaga sa kuwarto nito.
Nang wala na ang apo ay nakakuha ng pagkakataon si Donya Medes na kausapin ang anak.
“Ayoko na nagiging malapit ang apo ko sa muchachang iyon, Fernando,” bulong nito.
“Mama, napag-usapan na natin iyan di ba?” anito.
“Bahala ka, huwag mo akong sisisihin kapag dumating ang araw na…”
“Tama na, Mama. Huwag na natin itong pagu-usapan, pakiusap!” matigas na wika ni Fernando.
Habang kumakain ng hapunan ay hindi nakatiis na purihin ni Beverlyn ang luto ni Flora.
“Ate Flora, ang sarap ng luto mo! Gustong-gusto ko. Mas masarap pa kaysa sa mga natitikman ko sa Amerika,” puri ng dalaga.
“Naku, salamat naman at nagustuhan mo. Talagang niluto ko iyan para sa iyo,” masayanng sabi ng babae.
Mabilis na dumaan ang mga araw at napapansin ni Donya Medes na sobra na ang pagiging malapit ni Beverlyn sa kasambahay na si Flora. Para sa kanya ay hindi iyon katanggap-tanggap dahil marangya ang kanilang pamumuhay at isa lamang hamak na muchacha ang babae. Hindi dapat nakikihalubilo ang mga katulad nila sa mababang uri. Kaya nakaisip siya ng paraan para mawala sa landas ng kanyang apo ang kasambahay.
Isang araw ay galit na galit si Donya Medes na nagisisigaw at may hinahanap.
“Nawawala ang mamahalin kong hikaw, may nagnakaw!” hiyaw ng matanda.
Nagsipuntahan lahat sa sala sina Fernando, Beverlyn, Flora at ang dalawa pang kasambahay.
“May pumasok sa kuwarto ko at nagnakaw ng hikaw ko! Umamin na kung sino ang nagnakaw,” wika nito sa malakas na tono.
“Mama, baka naman naipatong niyo lang kung saan?” sabi ni Fernando.
“Oo nga lola. Hanapin niyo po ulit, baka naman po nakalagay lang sa ibang taguan,” sabad naman ni Beverlyn.
“Imposible. Alam na alam ko na nakalagay iyon sa lalagyanan ko ng alahas na nasa loob ng tokador. Hindi ko naman sinususian dahil malaki ang tiwala ko sa mga kasama natin sa bahay ngunit mali pala ang akala ko, mayroong isa sa inyo ang malikot ang kamay,” sabay turo sa dalawang kasambahay kasama si Flora.
“Naku, Senyora wala po akong kinukuha sa kuwarto niyo,” tanggi ni Flora.
“Kami rin po, wala rin pong kinukuha, Madam,” tanggi rin ng dalawang kasambahay.
“Puwes malalaman ko iyan,” anito saka pinuntahan ang kuwarto ng mga ito. Inuna niyang halughugin ang kuwarto ng dalawang kasambahay at hinuli ang kuwarto ni Flora nang biglang may nakita siya sa ilalim ng unan nito.
“Wala pala ha, e ano ito?” wika ng matanda habang ipinakita ang hawak-hawak na hikaw.
“H-hindi ko po alam kung paano iyan napunta diyan, Senyora. Wala po akong alam. Hindi po ako ang kumuha niyan,” tanggi pa rin ni Flora.
“Ang kapal ng mukha mo, pinatira kita dito sa bahay ko at binigyan ng trabaho tapos ay pagnanakawan mo lang pala ako? Lumayas ka dito kung ayaw mong isumplong kita sa mga pulis,” galit na sabi ni Donya Medes habang hinila nito ang buhok ni Flora at sapilitang kinaladkad palabas ng bahay.
“Maawa po kayo, wala po talaga akong kasalanan sa pagkuha ng hikaw niyo. Wala po akong ginagawang masama!” pagmamakaawa ng babae.
Nang biglang pigilan ni Beverlyn ang ginagawa ng kanyang lola sa kasambahay.
“Tama na po lola! Nasasaktan po si Ate Flora,” anito.
“At pinagtatanggol mo pa ang magnanakaw na ito?” tanong ng matanda.
“Naniniwala po ako sa kanya na wala siyang kasalanan. Hinding-hindi po niya magagawa ang ibinibintang niyo,” matapang na wika ng apo.
“Hindi. Kailangan dito sa babaeng ito ay turuan ng leksyon kaya dapat itong palayasin sa pamamahay na ito,” sabi pa ng matanda habang patuloy na kinaladkad ang kasambahay palabas ng gate.
Hindi napigilan ni Fernando ang sarili at pinagsalitaan na ang ina.
“Tumigil ka na, Mama! Huwag mo siyang paaalisin. Naniniwala ako na wala siyang kasalanan dahil alam ko kung sino ang totoong may sala,” anito sa seryosong tono.
Napatingin ang lahat sa sinabing iyon ni Fernando.
“Tama na iyan, Mama. Tigilan mo ‘to. Aminin mo na ikaw mismo ang naglagay ng hikaw sa ilalim ng unan ni Flora para mapalayas mo siya dito sa bahay, di ba? Nakita kita na pumasok sa kuwarto niya at inilagay ag hikaw sa ilalim ng kanyang unan.” bunyag ng lalaki.
“Fernando?” gulat na sabi ng matanda.
“Hindi ko na hahayaan na muli mong saktan ang INA ng aking anak, Mama!” hirit pa nito.
Hindi makapaniwala si Beverlyn sa ibinunyag na iyon ni Fernando.
“Ano pong ibig niyong sabihin, dad? Ang sabi niyo sa akin ay namayapa na ang Mommy ko,” nagtatakang nitong tanong.
“Patawarin mo kami, anak kung matagal naming itinago sa iyo ang totoo. Tama ang narinig mo, si Flora ang iyong tunay na ina. Hindi ko sinasadyang mabuntis siya noon dahil sa sobrang kalasingan ko kaya ang resulta ay ikaw ang naging bunga ng aking kapangahasan. Balak kang ilayo noon ni Flora ngunit hindi pumayag ang iyong lola na mailayo ka niya kaya pumayag siya sa kasunduan na sa amin ka mapunta kapalit ng pagiging alipin niya habang buhay, makasama ka lang. Kasama rin sa kasunduan na hindi siya magpapakilala sa iyo bilang ina kundi ay papalayasin siya ni Mama sa bahay. Akala ko noon ay maayos na ang lahat ngunit gumawa pa rin ng paraan ang lola mo para paglayuin kayong mag-ina. Tinakot niya ako na hindi ako bibigyan ng mana kapag hindi ko siya sinunod na dalhin ka sa Amerika. Napakabait na tao ni Flora, sa kabila ng ginawa ko sa kanya ay hindi siya kailanman nagtanim ng sama ng loob. Narito pa rin siya at nagpapakaalipin para sa iyo anak. Mahal na mahal ka ng iyong ina,” lahad ni Fernando.
Nangilid na ang luha ni Beverlyn sa ipinagtapat sa kanya ng ama. Ang babaeng kasambahay na itinuring niyang kaibigan ay ang tunay pala niyang ina. Nilapitan niya ito at mahigpit na niyakap.
“M-mommy, ikaw ang mommy ko?” lumuluhang sabi ng dalaga.
“A-anak, patawarin mo ako. Kung hindi kita naipaglaban. Kung mahina ang iyong ina,” hagulgol ni Flora.
“Wala po kayong kasalanan. Hinahangaan ko nga po kayo dahil kahit kailan ay hindi niyo ako iniwan. Tiniis niyo ang magpaalipin para po sa akin. Iyon po ay sobra-sobra na, Mommy para mapatunayan na mahal mo ako, na isa kang mabuting ina,” ani Beverlyn.
“O, anak ko, mahal na mahal kita. Hinding-hindi na tayo maghihiwalay pa!” patuloy na hagulgol ni Flora habang yakap-yakap ang anak.
Natulala at napahiya naman si Donya Medes sa tagpong iyon ng mag-ina. Umamin ang matanda sa kanyang kasalanan at humingi ng tawad kay Flora. Humingi rin ng tawad si Fernando sa babae sa lahat ng paghihirap na dinanas nito. Napatawad naman sila ni Flora dahil para sa kanya ay masaya na siyang nakilala siya at natanggap ng kanyang anak na si Beverlyn. Handa niyang kalimutan ang lahat ng pinagdaanan, makasama lang ang nawalay niyang anak.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!