Ang Totoong Pagkatao ng Batang si Rita
Mag dadalawang dekada nang nagtratrabaho ang binatang si Nestor sa pamilya Valdez at kahit na drayber lamang siya ng amo ay hindi niya naramdamang iba siya sa pamilya. Bukod sa mababait ang mga ito ay kaedaran lamang niya ang panganay nilang anak na si Noel kaya naman malapit ang loob niya sa binata.
“Alam mo napakaswerte sayo ni Abby, dahil alam kong magiging mabuti kang asawa at ama sa kanila,” wika ni Nestor habang nagmamaneho.
“Ikaw rin naman, swerte si Elizabeth sa’yo dahil napakasipag mo, Nestor. Sigurado akong magiging magkaibigan ang mga anak natin,” sagot sa kaniya ni Noel.
Halos sabay na nakilala ng dalawa ang kanilang mga misis at ngayon nga ay sabay din na manganganak ang mga ito.
Nakilala ni Nestor si Elizabeth sa palengke, kahit medyo mataray ay masipag naman ito sa bahay at alam nyang busilak rin naman ang puso ng asawa kaya nga minahal niya ito at ngayon ay pinatira pa sila sa bahay ng kanyang amo.
“Maliit lang pala ang kwarto mo dito, akala ko naman malaki,” saad ni Elizabeth nang makalipat na sila sa kwarto ni Nestor.
“Ikaw naman, syempre mag-isa lang ako dati. Saka ganito talaga ang mga driver, halos higaan lang ang mayroon . Hayaan mo kapag nakapag-ipon ako, pagkatapos mo manganak ay bubukod tayo,” pahayag naman ng lalaki.
“Hindi na, ayos naman ako dito. Saka mas okay ito kasi wala na tayong upang aalalahanin, makakapag-adjust naman ako agad at laki rin naman ako sa hirap,” sagot ng kaniyang misis.
Napangiti na lang si Nestor at hinalikan ang tiyan ng kaniyang asawa. Para sa kanya’y biyaya ang mga babaeng hindi nagrereklamo sa mahirap na buhay, lipana kasi ngayon ang mga babaeng sobra sa pagiging ambisyosa.
Lumipas ang limang buwan pa at sabay na nagsilang ng sangol ang dalawang babae sa pamamahay ng Valdez. Ngayo’y ganap nang magulang ang dalawang lalaki at sobrang saya ng mga ito.
Kaya nga lang habang tumatagal ay nakikita niyang hindi malapit ang loob ni Elizabeth sa kaniyang anak.
“Mahal, pakainin mo na si Rita. Papasok na sa eskwela yung bata,” wika ni Nestor sa kaniyang asawa.
“Hinainan ko na ‘yan ng pagkain, kakain din iyan huwag kang mag-alala,” baling naman ni Elizabeth sa asawa.
“Lagi mo na lang pinapabayaan yung anak natin, bakit ka ba ganyan?” galit na tanong ni Nestor dito.
“Ito naman, kita mong naglilinis ako ng kuko. Saka araw-araw kong inaalagaan iyan, hindi mo lang nakikita kasi wala ka dito,” saad naman ng babae sa kaniya.
“Anong hindi ko nakikita? Alam kong pagod ka sa pagluluto sa amo natin pero bakit mas gusto mong kausap yung anak nila Noel kaysa kay Rita?” baling muli ni Nestor sa asawa.
“Ano ba yan siya! Tanghaling tapat ay napakainit ng ulo mo! Oo na papakainin ko na,” sabi naman ni Elizabeth dito. Saka siya tumayo at pinuntahan ang anak na mag-isang kumakain sa maliit nilang mesa.
“Hoy Rita, 7 years old ka na kaya dapat matuto ka nang kumain mag-isa at mabilis. Palagi na lang ako ang nalilintikan ng tatay mo,” bulong niya sa bata.
“Opo mama,” sagot ng bata sabay subo niya sa pagkain.
“Punasan mo iyang luha mo bago ka makatikim sa akin,” saad pa nitong muli.
“Bye Olivia, mag-aral kang mabuti ha? Pag-uwi mo mamaya ay paghahandaan kita ng paborito mong cookies,” wika ni Elizabeth sa anak nila Noel.
Nakayuko lang si Rita na sumakay sa sasakyan, sabay na pumapasok ang dalawang bata. Magkalapit lang kasi ang eskwelahan ng mga ito.
“Napakalapit ni Elizabeth sa mga bata, ano? Alagang-alaga niya itong apo kong si Olivia e,” wika ni Madam Elena.
“Ah, oo nga po e,” sagot naman ni Nestor at sinilip niya ang anak na hindi nagsasalita at nakatingin lamang ito sa malayo.
“Kailangan na talaga namin mag-usap mamayang gabi ni Elizabeth, hindi na ito maaari,” isip-isip ng lalaki.
Kaya naman nang makauwi na siya at tulog na rin ang anak ay kinausap niya ang asawa.
“Alam mo, lumalaki si Rita na masama ang loob sayo. Mas malapit ka pa kay Olivia kaysa sa tunay mong anak,” galit na pahayag ni Nestor sa misis.
“Yung boses mo nga hinaan mo, lagi ka na lang naninigaw. Gusto mo ba talagang malaman ang totoo?” saad naman ng babae.
“Kasi ganito yun, nung bata pa lang sina Rita at Olivia ay pinagpalit ko sila. Para yung anak natin ang magbuhay mayaman. Alam kong magagalit ka pero tingnan mo naman ngayon si Olivia oh! Maayos ang buhay, magagara ang damit at malaki ang kwarto, hindi niya nararanasan ang ganito,” wika niya sa asawa.
Mabilis na dumampi ang malakas na sampal ni Nestor sa mukha ni Elizabeth.
“Wala kang kwentang nanay! Ni hindi mo man lang makilala o maramdaman yung anak mo? Sa tagal nang panahon akala mo ba hindi ko alam yung ginawa mo? Alam kong nagpunta ka sa kabilang bahay noon at pinagpalit ang mga bata kaya nung tulog ka na ay binalik ko ito. Dahil ayaw kong masira sa pamilya Valdez at hindi ko gugustuhin na mawalay sa akin ang bata. Kampante kang ipagpalit sila dahil magkamukha lamang sila dati pero hindi mo man lang ba nakikita ang itsura ni Rita? Kamukhang-kamukha mo siya ngayon. Binalik ko ang anak ko Elizabeth! Anak natin si Rita at hindi si Olivia,” baling ni Nestor at napaiyak na rin ang lalaki.
“Buong akala ko ay mapapansin mo iyon dahil nanay ka, akala ko rin noon ay magpapasalamat kang ibinalik ko ang anak natin pero hindi. Kaya pala hindi ka nagsalita dahil buong akala mo ay nagtagumpay ka, anong klaseng nanay ka Elizabeth?” wika pang muli ng lalaki.
Nanlumo si Elizabeth sa kaniyang narinig at napasalampak ito sa sahig. “Patawarin mo ako Nestor,” saad ng babae.
“Kung hindi mo kaya ang ganitong buhay pwede kang umalis dahil kaya kong palakihin si Rita na kayang makuntento sa kung anong meron siya. Akala ko dati ganung klaseng babae ka pero nagkamali ako Elizabeth. Isa pa pala, huwag ka sa akin humingi ng tawad, kay Rita ka humingi ng kapatawaran sa lahat ng pagkukulang mo, sa lahat ng kalokohan mo!” baling ni Nestor at pumasok na siya sa loob ng kanilang kwarto.
Pagpasok ni Elizabeth sa kanilang kwarto ay agad niyang niyakap si Rita at saka ito umiyak ng umiyak.
“Mama, bakit ka umiiyak?” saad ng bata.
“Wala anak, mahal na mahal ka lang ni mama,” pahayag naman niya dito at niyakap niyang muli ang anak.
Simula noon ay bumawi siya kay Rita at nakita naman iyon ni Nestor. Nagtrabaho pa bilang manikurista ang babae para daw may ekstra itong kita. Walang ibang gustong gawin ngayon si Elizabeth kundi bigyan ng magandang buhay ang kaniyang anak.