Mahiwagang Lamay sa Tapat ng Apartment
Halos kalahati sa mga kaklase ni Rose ay lumipat na sa dorm na malapit sa kanilang eskwelahan. Bukod kasi sa mas murang upa ay mas madali ang pagpasok nila. Kaya naman pinatos na niya ang alok ng kaklase na makisama sa kanilang tinutuluyan at dahil puro babae naman.
“Uy Joyce, hindi ka ba natatakot dito? May lamay sa labas, mamaya tumayo yung nakahiga doon,” wika ni Rose sa kanyang kaklase.
“Kakalipat mo pa lang dito e yung nakakatakot na kaagad iyang mga pinapansin mo, tigilan mo ako Rose. 2017 na ngayon para mabuhay pa ulit yung natutulog dun sa kabaong,” baling naman sa kaniya ng babae.
“Kita mo, natatakot ka rin. Ayaw ko pa naman sa mga lamay lamay,” pahayag naman ni Rose.
“Pumikit ka na lang para hindi mo makita. Ano gusto mo, doon ka sa dorm ng mga burgis o dito ka pero mas makakaipon ka? Isipin mo na lang na panandalian lang ito,” sabi naman ni Joyce.
Tumaas na lang ang kilay ng dalaga at napaisip na tama naman ang kaibigan. Dalawang tao na lang ang titiisin niya at makakapagtapos na rin naman siya.
Lumipas ang ilang buwan at napansin niyang hindi pa rin nawawala ang lamay sa tapat ng kanilang dorm. Napalitan lang ito ng bagong tarpaulin.
“Joyce, grabe ano? Sunod-sunod ang lamay sa labas, walang interval,” natatawang sabi ni Rose sa kaibigan.
“Alam mo, sa totoo lang ha. Simula nung first year ako ay lagi nang may lamay dyan sa labas, iniisip ko na nga lang na kung may pampublikong parke ay yung tapat naman natin yung pampublikong lamayan,” sagot ni Joyce.
Natahimik si Rose at nakatitig lamang sa mga taong nagsusugal sa lamay, binantayan niya ito buong magdamag at nag-abang kung may lalapit sa kabaong pero bigo siyang makakita ng isa.
“Grabe ka Rose, nagpuyat ka talaga para lang bantayan kung may dadalaw diyan? Teka nga, ang aga-aga ay yun ang pinag-uusapan natin,” saad ni Joyce na kakagising lamang.
“Pakiramdam ko lang kasi may mali Joyce, mag-iisang buwan na ako dito at palagi na lang may lamay sa labas. Ikaw ilan taon ka na dito hindi ka man lang ba nagtataka?” wika ni Rose sa kaniya.
“E malay mo nga lamayan ng bayan yang tapat natin saka bakit ko ba sila papakialamanan? Dayo lang naman ako dito,” baling naman ni Joyce sa kanya.
“Kung ano man iyang iniisip mo ay tigilan mo na, ayaw kong mapag-initan dito,” dagdag pa nito. Hindi na nakipagtalo pa si Rose sa kaniyang kaibigan, inisip na lang rin niya na tama ang babae. Mahirap nang mapag-initan sa lugar na hindi mo naman kinalakihan.
Habang nagsasampay ng kaniyang labahan si Rose sa labas ay todo iwas siya sa kabaong na nasa tapat lang ng kanilang pintuan. Nang biglang niyang mapansin ang isang matanda na nakaupo sa dulo ng kanilang gate, nilapitan niya ito.
“Lola, hello po. Bago lang po ako dito, sa unit 115 po ako, kayo po?” tanong nya sa ale.
“Ako diyan lang sa unit 120, pumasok ang mga apo ko sa eskwela kaya naiwan ako mag-isa. Kelan kaya nila ako papatahimikin?” tanong ng ale habang nakatingin sa lamay sa labas.
“Naku, iyang lamay po ba? Ako nga rin po naiinis na diyan kasi bukod sa hindi sila nawalan ng ibuburol ay wala rin pong humpay ang mga tao sa kakasugal,” sagot naman ni Rose sa matanda.
“Kaya nga e, pinagkakakitaan na nila ang mga bangkay. Sa tuwing may nawawala ay diyan lagi hinihimlay para paglamayan at pagsugalan. Sa totoo lang ginagawa lamang nilang props ang mga kawawang bangkay para sa pasugalan nila. Hindi kasi sinisita ng mga pulis kapag ganyan na sugal. Sana matapos na ang paghihirap ko,” saad pa ng ale.
“Lola ano nga po pala ang pangalan niyo? Ako nga pala si Rose,” pahayag ng dalaga at inabot niya ang kamay ng ale para sana magmano kaya nga lang seryoso ito sa pagtitig sa labas. Kaya naman dahan-dahan na lang siyang bumalik sa tapat ng kanilang kwarto para magsampay ulit.
Kinagabihan ay nagluto si Rose ng adobo at dahil hindi uuwi si Joyce ay naisipan niyang bigyan ng ulam ang ale sa unit 120.
“Tao po, magandang gabi po,” katok ni Joyce sa pinto. Isang dalaga ang nagbukas sa kanya.
“Ano yun? Sino kailangan mo?” tanong nito.
“Ay, ikaw ba yung apo ni lola? Dito kasi ako nakatira sa unit 115 gusto ko lang sana siyang bigyan nitong luto kong adobo,” pahayag pa ng babae.
“Sinong lola?” tanong muli ng babae.
“Yung lola na maputi at medyo makapal pa ang buhok yung nakatira dito,” paliwanag pa ni Rose sa babae.
“Ah, si Lola Jinky yata yung tinutukoy mo. Naku matagal na siyang wala dito miss, siya yung dating nakatira sa unit na ito at dahil walang pamilya ay inako ng barangay ang pagpapalibing sa kaniya. Siya yung nakalamay sa labas,” sagot ng babae.
Bumagsak ang platong dala ni Rose sa kaniyang paa at natapon ang adobo, nangilabot ang kaniyang buong katawan at dahan-dahan na lumingon upang tanawin ang tarpaulin. Tama ang babae, ito ang matanda kanina na kausap niya.
Hindi niya alam ngunit sa unang pagkakataon e lumapit siya sa kabaong, nagulat din ang lahat sa kaniyang pagsilip. Wala na kasing pamilya ang matanda kaya alam nilang wala nang dadalaw dito.
“Miss, kamag-anak mo ba iyan?” tanong ng isang lalaki na nagbabaraha.
Tuyong-tuyo na ang itsura ng matanda at halatang matagal na itong nakahimlay roon.
“Bakit po hindi pa siya nililibing? Ang tagal na niya dito, bakit?” tanong ni Rose na tila naluluha at nanginginig ang kaniyang tuhod.
“Wala pa kasing kasunod, ganito dito. Kapag wala pang kasunod ay hindi muna nililibing, teka sino ka ba? Kung hindi ka naman kamag-anak at hindi ka rin tataya e umalis ka na dito,” sagot pang muli ng lalaki.
Napaluha na lang si Rose sa kabaong ng ale, “Lola, sorry po,” bulong niya dito.
Kinaumagahan ay agad na nagreport si Rose sa mga pulis tungkol sa ilegal na sugalan, inaresto ang ilang mga kapitbahay at ilang kasabwat na tagabarangay. Inasikaso naman ng punong barangay ang libing ni Lola Jinky at tanging siya lang ang nag-alay ng kandila dito.
“Lola, ito nga pala ang kandila para sa inyo. Pwede na po kayong mamahinga. Teka nga po pala, dinalhan ko rin kayo ng adobo, huwag niyo na po akong multuhin ulit ha,” saad niya sa puntod ng ale.