Inday TrendingInday Trending
Kahalagahan ng Anak Kaysa sa Sarili

Kahalagahan ng Anak Kaysa sa Sarili

Matagal na hinintay ni Grasya ang oras na ito. Ang unang araw na papasok sa elementarya ng kaniyang anak na si Amando.

“Anak, huwag pasaway sa school ha kundi palo ka sa akin mamaya pag-uwi,” wika ni Grasya sa kanyang anak.

“Opo mommy, aaral ako mabuti. Makikinig kay teacher at hindi aaway sa classmate,” saad sa kaniyang ng bata.

“Very good. Yung phone mo itago mo ha, gagamitin mo lang iyan kapag emergency at kapag lalabas ka na ng school para tawagan si mama. Kapag hindi ka sumunod sa akin ay hindi na kita papapasukin pa,” pahayag muli ng babae.

Tumango lamang ang bata at masayang pumasok sa kaniyang silid-aralan. Bata pa lamang ang kaniyang anak ngunit mulat na ito sa maraming bagay. Naipaintindi na nila ng ama nito sa bata na hiwalay na sila kaya naman patawid tawid ito ng bahay.

“Sa wakas, maibabalik ko na ang buhay ko,” pahayag ng babae saka ito nakangiting umalis.

Maagang nabuntis noon si Grasya. Hindi niya natapos ang kaniyang pagkokolehiyo dahil inuna muna niya ang kaniyang pamilya lalo na ang anak na si Amando. Ngunit simula nang maghiwalay sila ng kaniyang mister dahil sa ibang babae ay ipinangako niya sa sarili na babangon siya upang ibalik ang dating buhay at para ipakita na rin sa lalaki na malaking pagkakamaling ipinagpalit siya sa iba.

Ngayon ay nakahanap na ng trabaho ang babae, call center sa gabi at estudyante naman siya sa umaga. Hindi naman araw-araw ang pasok niya sa eskwela kaya alam niyang mapagsasabay niya ito.

“Alam mo nang kakasimula ko palang sa school tapos sasabihin mo sa akin na ako na lang kay Amando? Bakit ako lang ba ang gumawa sa kanya?” baling ni Grasya kay Cedric, ang tatay ng kaniyang anak.

“Ngayong buwan lang naman, palagi kasing nag-aaway sina mama at papa sa bahay kaya hindi maasikaso si Amando doon. Ako pa rin naman ang susundo sa bata kapag lumabas na sa school, basta dito muna siya. Magbibigay naman ako,” sagot ni Cedric.

“Wow, so paano ko yan aalagaan aber? Hindi na ako matutulog sa umaga ganoon ba? Alam mo nang pang gabi ang trabaho ko tapos MWF may klase ako sa umaga, ang hirap naman ng ganitong buhay o,” galit na pahayag ng babae.

“Bahala ka na basta sinabi ko na sayo, ikaw maghatid at mag-asikaso sa umaga at bago pumasok. Ako naman sa hapon at gabi kapag wala ka,” sagot ng lalaki. Hindi na lang nagsalita pa si Grasya dahil ayaw na niyang makipagtalo pa sa lalaki.

“O anak, parehas tayong may pasok. Maligo ka na tapos kumain ka mag-isa ha,” pahayag ni Grasya na tinanghali na ng gising kakapanood ng kdrama.

Agad na kumilos si Amando at Grasya para pumasok. Habang abala ang babae sa pag-aayos ng kaniyang sarili ay hinahayaan lang din niya ang anak na sumandok ng sariling pagkain. Hindi siya sanay na magluto sa umaga kaya naman yung mga tirang pagkain na lang sa gabi ang binibigay niya sa anak.

Inihatid na niya ito at pumasok na rin siya sa kaniyang klase at trabaho naman sa gabi. Halos isang linggo na rin ang lumipas at mukhang sanay na sanay na ang kaniyang anak.

“Ang sarap, rest day! Gagaling na rin sa wakas ang sipon ko at makaka-beauty rest pa ako,” wika niya sa kaniyang sarili habang nakahiga sa sofa.

Nakita niya na gumising na rin si Amando at dumiretso ito sa mesa, nagsandok ng pagkain at sumubo nang mag-isa. “Hay sa wakas, hindi na alagain ang anak ko,” isip-isip ng babae.

Halos isang buong araw na natulog si Grasya at gabi na nang siya ay magising. Tumayo na din siya at dumiretso sa mesa, kumuha ng plato saka umupo.

“T*ngina! ang baho!” sigaw ng babae pagbukas niya ng kaldero. Panis na panis na kasi ang kanin at pati na rin ang ulam nila, may bula na ito. Saka nya lang naalala na kahapon pa pala ng umaga ang lahat ng pagkain.

Agad niyang hinanap ang anak dahil baka sumakit ang tyan nito sa panis na pagkain.

“Amando anak!” sigaw niyang muli nang makita ang bata na walang malay sa ilalim ng mesa. Sinugod niya ang bata at doon nag-alamang ilang araw na palang nagtatae at nagsusuka si Amando at nawalan na ito ng tubig sa katawan. Mabuti na lang at naagapan pa rin kaya nabuhay pa ang anak.

“Anak, bakit hndi mo naman sinasabi sa akin na panis na yung pagkain natin?” tanong ni Grasya sa bata,

“Mama ano yung panis?” sagot sa kaniya ni Amando.

Napaluha si Grasya at niyakap niya ang anak saka lamang niya napagtanto na grade one lang ang bata at limang taong gulang pa lang ito. Ngayon niya lang naisip na baka hindi lamang yun ang unang panis na pagkain na nakain ng kaniyang anak dahil sa kaniyang kapabayaan.

Marami pa pala itong hindi alam sa buhay at kailangan pa rin niyang subaybayan at alagaan. Masyado siyang nabulag na ipaghiganti ang kaniyang sarili mula sa ama nito at nakalimutan na niya ang totoong may kailangan sa kaniya, ito ay ang kaniyang anak si Amando.

Ngayon ay mas binigyan niya ng oras ang anak kesa sa kaniyang pagpapaganda at pag-aaral. Pinagsasabay pa rin niya ang pag-aaral sa pagtratrabaho ngunit sinisigurado na niyang maayos ang pagkain ng anak at hindi panis ang kakainin nito.

Advertisement