Inday TrendingInday Trending
Ang Dating Tagpuan

Ang Dating Tagpuan

Isang nakakainip na gabi noon nang mag-aya ang mga kaibigan ni Monica upang gumimik at magsaya sa isang malapit na bar. Bilang kagagaling lamang sa hiwalayan, agad namang sumama ang dalaga upang kahit papaano ay makalimot.

Sa bar, kung saan sila nagtungo ay nakilala niya si Fritz, maputi, matangkad, matangos ang ilong at malakas ang dating na binata. Pinsan daw ito ng best friend ni Monica.

“Tutal pareho naman kayong broken hearted, bakit hindi na lang kaya kayong dalawa ang magmahalan?” panunukso ng isa nilang kaibigan.

Idinaan na lamang ng dalawa sa tawa ang pagkailang na nararamdaman. Lumalalim na ang gabi at napaparami na rin ng inom si Monica, kaya’t nagpaalam muna siya sa mga kaibigan na magpapahangin muna saglita sa labas upang mahulas na din ang epekto ng alak.

Sa kanyang paglabas ay napansin niyang may nakasunod sa kanya, si Fritz.

“Nagandahan ka ba sa’kin at sinusundan mo na ako?” biro ni Monica sa binata.

“Nag-alala lang ako sa’yo, baka kasi kung mapaano ka kung mag-iisa ka,” nakangiting tugon naman ni Fritz.

“Sweet mo naman. Sana lahat ganon di ba? Para wala nang nasasaktan pa!” muling biro ng dalaga.

“Anu bang nangyari sayo? Who broke your heart?” seryosong tanong ng binata.

“Oy, ikaw ha? May pagkachismoso ka!” biglang hagalpak ng tawa ng babae, “di, biro lang. Itinapon lang naman niya ang 4 years namin para sa ibang babae. Yun na yon! Eh ikaw?”

“Di niya kinaya yung long distance relationship eh. Nakipaghiwalay siya, kasi hindi naman daw mag wowork out, ang sabi niya,” malungkot na tugon ng binata.

Umupo ang dalawa sa isang sulok kung saan payapa at doon nagpalitan ng mga kwento. Laking pagkamangha nila nang malaman na sa iisang unibersidad lamang pala sila nag-aaral.

Napuno tawanan, biruan at malalalim na usapan ang gabing iyon para sa kanilang dalawa. Masaya silang malaman na marami pala silang pagkakapareho. Sa mga sandaling iyon, tila ba nakalimutan nila na sugatan ang kanilang mga puso.

Bago magpasukan ay nagkayayaan ang barkada na mag outing. Hindi dapat sasama si Fritz noon, pero pinilit siya ng mga kabarkada na sumama para naman daw may makakausap at hindi nag-iisa si Monica.

Nagkapalagayan talaga ng loob sina Fritz at Monica, ika nga ng iba ay “nagclick sila.” Napansin ng mga kaibigan ang pagiging malapit ng dalawa sa isa’t isa kaya’t naging tampulan ng asaran na naman sila.

“Kayo na lang kasi ang maging mag jowa! Bagay na bagay naman kayo eh,” biro ng best friend ni Monica.

“Oo nga! Katuwaan lang naman. Ngayong outing lang hanggang sa pag-uwi, kayo na lang muna ang maging couple. Game?” tugon naman ng isa pa nilang kaibigan.

“Hay nako! Tigilan ninyo nga kami. Alam ninyo naman na-” magsasalita pa sana si Monica nang biglang mapatigil siya sa sinagot ng binata.

“Game!” madiin na sagot ni Fritz. “Let’s be a couple. Pagbigyan natin sila,” nakangiti niyang sabi sa nakatulala na ngayong si dalaga.

“Iyon naman pala eh. Couple na kayo simula ngayon until matapos ang outing natin na ‘to. Tignan natin kung magkakadevelop-an kayo,” birong muli ng best friend ni Monica.

Dahil sa kantsaw ng ibang kabarkada ay wala nang ibang nagawa si Monica kundi ang bumigay sa hiling ng mga ito. Hindi naman din siguro masama dahil single siya at single din naman ang binata, kaya’t wala silang maaapakan o masasagasaan na tao.

Natapos ang outing subalit ang pagiging magkasintahan nila Monica at Fritz ay nagpatuloy. Tila ba kung may anong pwersa sa mundo na nagtutulak sa kanilang puso na tuluyang maglapit.

Sa unang buwan ng kanilang relasyon ay may malaking pasabog si Fritz. Binigyan niya ng mga pulang rosas si Monica kasunod ng romantic candle light dinner. Isang bagay na lubos na ikinatuwa ng dalaga dahil ito ang unang pagkakataon na may gumawa sa kanya noon.

Tila ba kanilang-kanila ang gabi noon. Sa himig ng malakas na hangin, sa ilalim ng mga kumikislap na tala at malakas na sinag ng buwan ay naglapat ang kanilang mga labi. At sa unang pagkakataon ay inusal ng kanilang mga labi ang salitang “mahal kita.”

Magiging maayos na sana ang lahat nang magsimula nang dumungaw ang pagsubok sa kanilang relasyon. Simula nang magkaroon ng boyfriend ay nahirapan si Monica na ibalanse ang kanyang oras, dahilan para may maibagsak siyang isang subject. Si Fritz naman ay nagpaplano na rin na lumipat sa mas magandang unibersidad sa Maynila.

Bago umalis ang binata noon patungong Maynila ay nagpasya ang dalawa na magkita muna sa dati nilang tagpuan, ang malaking puno ng Narra sa parke malapit sa kanilang paaralan.

“Sigurado ka na ba talaga sa mga desisyon mo? Iiwanan mo na ba talaga ako dito para sa Maynila mag-aral?” seryosong tanong ni Monica sa nobyo.

Hindi agad nakasagot ang binata. Hindi rin niya magawang tumingin sa mga mata ng dalaga. Tila ba may malaking pagbabago sa ikinikilos nito.

Makalipas ang isang araw ay nagtungo nga si Fritz sa Maynila upang mag asikaso ng mga kailangan para sa nalalapit na enrolment noon. Nagtiis sila na ilang araw na hindi nagkita. Tanging sa telepono at text lamang sila nag-uusap. Madalas ay lumilipas pa ang maghapon na walang paramdam ang lalaki.

“Pabalik ako diyan sa probinsiya. Nais ko sana na magkita tayo mamayang hapon sa dating tagpuan,” isang text message mula kay Fritz.

Nagkita nga ang dalawa. Labis ang kasabikan ni Monica na muling makita ang pinakamamahal na binata, subalit mga malalamig na tingin lamang ang natanggap niya mula rito.

Nagkasundo sila na manood ng sine at kumain sa labas. Katatawanan ang palabas noon sa sinehan, pero habang nanonood ay walang tigil sa pagtulo ang luha ng dalaga. Ramdam na ramdam niya ang biglaang panlalamig ng kanyang kasintahan.

Hindi naman na kumibo o inusisa ng dalaga ang malaking pagbabago sa nobyo. Tila ba unti-unti nang nawawalan ng buhay na rin ang kanyang puso sa sobrang hirap na nadarama. Tanging mga salitang umiikot na lamang sa kanyang kaisipan ay “wala na talagang pag-asa.”

Makalipas ang tatlong araw, nagpadala na naman ng text message si Fritz. Nagpapaalam dahil pabalik na daw ulit siya ng Maynila.

“Fritz, alam kong hindi tayo okay these past few days. Magkita naman tayo, please? Doon tayo sa paboritong nating tagpuan. Iintayin kita,” tugon ni Monica sa mensahe ng lalaki.

Alas dos ng hapon nang makarating doon ang dalaga, pero dumating ang alas tres, alas kuwatro hanggang sa unti-unti nang nagpapaalam ang araw mula sa kalangitan, subalit walang Fritz na dumating.

Awang-awa ang dalaga sa kanyang sarili. Siguro ay tuluyan na nga siyang iiwan at kakalimutan ng lalaking iniibig. Sabagay, ang relasyon nga naman nila ay ipinilit lamang.

Nagpahid na siya ng mga luha at tumayo na upang umalis sa parke nang biglang may mga kamay na yumakap sa kanya.

“Monica, akala ko ay hindi na kita aabutan. Nasa loob na ako ng bus pabalik sana ng Maynila, subalit bumaba ako para balikan ka dito. Ang totoo niyan ay miss na miss kita.

“Patawarin mo ako sa malamig na trato ko sa’yo nitong mga nagdaang araw. Hindi ko ito kagustuhan. Mapatawad mo pa sana ako. Ayoko lang na sisihin ko ang sarili ko dahil sa pagkakabagsak mo sa isang subject.

“Magsimula tayong muli. Mag-umpisa tayo ng tama. Hayaan mong ligawan kita. Mahal na mahal kita, Monica,” naluluhang paliwanag ng binata.

“Mahal na mahal din kita, Fritz. Akala ko ay mawawala ka na sa’kin. Sobrang saya ko dahil bumalik ka, binalikan mo ako dito,” lumuluhang tugon naman ng dalaga.

Gaya ng ipinangako, humarap si Fritz sa mga magulang ni Monica upang pormal na ligawan ang dalaga. Nagpatuloy ang dalawa sa pag-aaral at pinilit na kinaya ang mga sumunod na pagsubok na dumating sa kanilang buhay.

Nang makatapos ng pag-aaral ay unti-unti na nilang binuo ang kanilang munting mga pangarap ng magkasama. Ngayon ay anim na taon na silang nagsasama bilang mag-asawa. Biniyayaan din sila ng isang anak na lalaki, na palagi nilang dinadala sa paborito nilang tagpuan.

Dahil sa karanasan ito, lubos na naniniwala si Monica na sa tamang panahon at pagkakataon, makikilala natin ang taong makakasama natin panghabang buhay. Kung hindi tayo mapapagod at agad na susuko sa pag-ibig, makikilala din natin ang katagpuan ng ating mga puso.

Advertisement