Alas dos na ng madaling araw, pero dilat na dilat pa rin ang mga mata ni Jenny. Walang humpay siya sa pag-scroll sa kanyang facebook para pagurin ang mata at makaramdam ng kaunting antok man lang.
Sa kanyang pagtingin-tingin ay isang profile ang nakatawag ng kanyang pansin. Tinignan niyang mabuti ang larawan, hindi nga siya nagkakamali, ang kanyang dating nobyo ang nakikita niya.
Alam niyang madami siyang kaibigan sa facebook pero hindi naman lahat ng ito ay kaibigan niya sa totoong buhay. Nang makita niyang muli ang kanyang ex ay hundi niya lubos maisip kung bakit nananatili pa silang magkaibigan sa mundo ng mapagpanggap na social media gayong ang realidad ay matapos ang hiwalayan, hindi naman na sila muling babalik sa pagiging magkakilala.
“Kumusta na nga kaya siya?” tanong ni Jenny sa kanyang sarili.
Sa paglalim ng gabi ay nakita na lamang niya ang kanyang sarili na tinitignan na ang profile ng dating kasintahan.
“May asawa at anak ka na pala…” mahinang sambit niya, “kitang-kita na sa mga mata mo ngayon ang tunay na kaligayahan,” nangingiting sabi ni Jenny. Aaminin man niya o hindi, mas lumaki na nga ang mga ngiti sa labi ng lalaking kanyang dating inibig.
Sa pagtingin niya sa mga post at litrato ay napagtanto niya na nagbago na rin pala ang prayoridad nito sa buhay. Hindi na nga niya halos maalala kung kailan siya huling napadpad sa wall ng lalaki. Sobrang laki na rin pala ang nagbago mula nung huli silang nag-usap. May labing dalawang taon na rin pala ang lumipas.
Hindi na rin niya halos matandaan kung kailan nga ba niya binigay ang kanyang matamis na “oo” sa lalaking ito at paano sila humantong sa kung nasaan sila ngayon. Pero sa loob ng ilang minuto, nagdesisyon siyang maglakbay patungo sa nakaraan. Ito yung mga panahon kung saan nagkakagulo pa ang mga kabataan sa panonood may Zac Efron at Vanessa Hudgens.
Bumalik siya sa panahong uso pa ang mga magagandang teddy bear, makikinang na mga kwintas at pulseras na pinag-iipunan at pinaghahandaan upang ipangregalo sa mga kasintahan.
Sa mga sandaling paglalakbay niya sa nakaraan, tanging mukha lamang ng lalaki ang kanyang naaalala, mukha ng dati niyang kasintahan. Napapangiti siya habang binabalikan ang mga simbang gabing kanilang tinapos ng magkasama bilang panata.
Sa kanyang pagbabalik at panandalian siyang tumigil kung saan tila ba apoy na naglalagablab ang kanilang mga damdamin, panahon kung saan nag-uumapaw pa ang kilig sa kanilang mga puso.
“Jenny!” pagtawag ng isang lalaking nakauniporme din.
“Andrew? Nariyan ka pala? Anong ginagawa mo dito?” tanong ni Jenny sa kanyang kasintahan noon.
“Ah wala, iniintay lang kita para sabay tayong umuwi. Saglit ka lang kasing mawala sa aking pangingin ay namimiss kaagad kita,” nahihiyang sagot ng binata.
“Ikaw talaga! Ang lakas-lakas mong mambola,” pakipot na tugon naman ng dalaga habang namumula-mula pa ang mga pisngi.
“Nakaipon ako mula sa baon ko. Baka pwedeng maglaan ka ng kaunting panahon para makasama ako? Kumain muna tayo bago ka umuwi. Isang buong gabi na naman kasi ang hihintayin ko para masilayang muli ang mga ngiti mo,” pag-aaya ni Andrew.
“S-sige ba. Ang dami mo pang paandar, gusto mo lang pala akong i-date!” pang-aasar naman ni Jenny.
Nakangiti siya habang sinasariwa ang mga panahong iyon, mga panahong ilang recess ang tinitiis nila upang makaipon ng pangdate. Mga panahong kay tamis ng unang halik na dumampi sa kanilang mga labi, na siya namang nagpatigil sa mabilis na pag-ikot ng kanilang mundo.
Sa mga sandaling naglalakbay siya, habang patuloy na tinatahak ang iba’t ibang ruta patungo sa nakaraan ay ninanamnam niya ang bawat segundo. Unti-unti na lamang siyang napapangiti. Mga ngiti ng isang binibini na tila ba ay muling bumalik sa pagkabata.
Ngunit sa kabila ng masasayang alaala na ito ay nadaanan niya ang parte ng kanyang nakaraan kung saan ang dinaraanan niya ay tila ba lubak-lubak dahil sa sobrang kaguluhan.
“Patawad, Jenny. Gusto kong itigil na natin ‘to. Gusto ko lamang ayusin at hanapin ang sarili ko,” lumuluhang saad ni Andrew.
“P-pero bakit? Anung naging pagkakamali ko? May naging pagkukulang ba ako?” umiiyak na tanong din ni Jenny.
“Wala. Ako ang problema. Hindi na ako masaya. Gusto ko lang itigil na lahat ng ito at palayain natin ang isa’t isa,” mga huling salitang narinig ng dalaga mula sa kanyang dating nobyo.
Bumalik muli sa kanyang isip ang kirot sa puso ng una niyang pagkasawi sa pag-ibig. Sinabayan niya noon si Popoy sa pagkalugmok noong mawala sa kanya si Basha. Pero kahit na ganoon, wala pa rin namang mababago sa katotohanang hindi na babalik ang una niyang pag-ibig. Hindi naman pelikula ang buhay natin, di ba?
Totoo nga siguro ang kasabihan na, “kapag tayo ay nagmahal ng isang tao, mayroong parte ng pagmamahal na iyon ang maiiwan sa atin kahit gaano pa natin itago ito.” Hindi naman nangangahuluhang mahal pa rin ni Jenny ang lalaking unang nanakit sa kanyang puso, pero malaking parte ng kanyang buhay ay nandoon si Andrew. Parte ng buhay niya kung saan para siyang lumulutang sa ulap sa labis na kaligayahan at parte din ng buhay niya kung saan lumagapak siya sa lupa.
Sa panandaliang oras na siya ay naglakbay sa nakaraan, lumiko siya pabalik sa ruta kung saan patungo na sa kasalukuyan. Bumalik siya sa panahon ngayon, kung saan grabe ang stress na inaabot sa trabaho, kaliwa’t kanang bills na kailangang bayaran, mga mahal na presyo ng gas at bilihin at kung anu-ano pa. Bumalik siya sa reyalidad.
Nakakatawang isipin na parang kailan lang ay pakiramdam niya na katapusan na ng mundo dahil lamang sa break up. Akala niya ay hindi na siya makakabangon pang muli. Mga panahong isang text lamang ng lalaking kanyang iniibig ay halos mabaliw-baliw na siya sa pagpapaload kaagad.
Pero sa reyalidad ng buhay kung saan hindi lahat ng napapanood sa pelikula ay nagkakaroon ng katotohanan, kanyang napagtanto na ang kanilang “noong unang panahon” na inakala nilang sila lamang ang tao sa mundo ay hindi pala aabot sa “nagsama sila ng masaya at magkasama panghabang buhay.”
Matapos ang ilang minutong paglalakbay ng diwa, huminga ng malalim si Jenny at ngumiti. Ilang segundo pa’y may narinig siyang boses, boses na kumakalma at nagbibigay kapayapaan sa kanyang puso.
“Hindi ka na naman ba makatulog, mahal?” tanong ng lalaki.
“Nagpapaantok lang mahal,” tugon naman ni Jenny.
“Halika dito at yayakapin kita, para mahimbing ang tulog mo,” paglalambing naman ulit ng lalaki habang niyayakap si Jenny papalapit sa kanya.
Sa pagkakataong ito, hindi kilig at paru-paro na tila ba kumikiliti sa kanyang kalooban ang nadarama niya sa pagyakap ng kanyang asawa, kundi kapayapaan at seguridad na sa kanyang pag gising, may taong hahawak sa kanyang kamay, yayakap sa tuwing malamig ang gabi at magpaparamdam ng pagmamahal na walang katulad magpakailanman.
Sa halos sampung taong nagsasama si Jenny at ang masuwerteng lalaki na kanyang naging asawa, napagtanto niya na minsan pala, hindi unang pag-ibig ang importante, kundi ang huli. Ang huling taong tatanggap sa sira-sira nating puso at maglalaan ng oras upang kumupunihin ito hanggang sa muli tayong mabuo. Sa kanyang paglalakbay sa nakaraan hanggang sa makabalik sa kasalukuyan, dala-dala niya ang bawat aral na kanyang natutunan.
Minsan pala talaga, sa sobrang pagmamahal natin, nabubulag tayo sa kung ano talaga ang nasa ating harapan. Yung inaakala nating una’t huling magmamamahal sa atin, ay siya rin palang unang bibitiw at mang-iiwan sa atin.
Pero ipapakita sa atin ng panahon na may mas nararapat at mas karapat-dapat pala na pag-alayan ng pagmamahal na ipinagkait sa atin ng nakalipas na panahon. Pagmamahal na walang hinihinging kapalit. Pagmamamahal na uuwian at alam nating sa atin hanggang dulo.