Isang gabi habang nasa labas ang buong pamilya nila Ester at Jhun upang maglibang sa perya ay napatigil ang kanilang limang taong gulang na anak dahil sa pagkamangha sa mga rides doon.
“Wow ang gaganda ng rides!” sigaw ng limang taong gulang na bata.
Napangiti naman si Ester at akmang magsasalita na sana nang biglang magsalita muli ang bata, dahilan upang matigilan siya.
“Magaganda nga ang rides pero wala naman tayong pera,” malungkot na pagkakasabi ng bata.
Nagkatinginan ang mag-asawa nang marinig ang mga salitang inusal ng bata. Halos madurog naman ang puso ni Ester dahil sa labis na kalungkutang nakikita sa mata ng kanyang anak.
Gustuhin man nilang pasayahin ang kanilang mumunting anghel, subalit kailangan nilang maghigpit ng sinturon dahil hindi sapat ang kanilang kinikita para pagkasyahin ang lahat ng gastusin.
Kolehiyo pa lamang noon sina Ester at ang kanyang asawa nang ipagdalangtao niya ang una nilang supling. Dahil nga sa kabataan pa lamang at masyadong mausisa ay nagbungang bigla ang kanilang mga kapusukan.
Labing siyam na taong gulang pa lamang sila noon nang ipagdalantao ni Ester ang kanilang panganay. Nais sana ng kanyang asawa na magtigil sa pag-aaral noon upang magtrabaho subalit ano na lamang ang kanilang ipambubuhay sa kanilang magiging pamilya kung ito ay hindi makakatapos.
“Sigurado ka ba na gusto mo pa rin tumuloy sa pag-aaral kahit na nagdadalangtao ka na?” tanong ni Jhun sa kanyang kabiyak.
“Ito lamang ang paraan upang mabigyan natin mg magandang bukas ang magiging anak natin. Kailangan nating lumaban pareho para sa ikabubuti n gating magiging pamilya,” tugon naman ni Ester.
Naging mahirap noong una dahil sa kanyang naging maselan na paglilihi, subalit kailangan maging matatag ni Ester para hindi masayang ang mga panahong lilipas.
Kabuwanan na niya noong umakyat siya ng entablado upang abutin ang kanyang diploma sa kursong Business Administration major in Marketing Management.
Napagdesisyunan muna ng mag-asawa na umuwi sa probinsiya upang ihatid at doon manganak ang babae, nang sa ganoon ay may mag-alaga at tumingin-tingin sa kanya habang nasa Maynila si Jhun, upang bumalik sa pag-aaral.
Nang makapagtapos si Jhun ng Mechanical Engineering ay umuwi na lang muna siya sa probinsiya upang tumulong sa pag-aalaga ng kanilang anak. Si Ester naman ay nakapasok bilang part time call center agent noon sa kanilang probinsiya.
Upang makatulong sa iba pang gastusin ay naisipan nilang magrepack ng mga candy at mani na pwede ilako sa mga kakilala katrabaho. Bukod doon ay nagluto sila ng mga banana chips, camote chips and ibang mga minatamis na pwedeng ibenta sa labas at canteen ng mga school doon.
Kanilang ginagawa ang lahat upang hindi nila iasa sa kanilang mga ang kanilang mga personal na panggastos.
“Mas maganda siguro kung ating susubukan ang suwerte sa Maynila. Baka sakaling mas malaki ang kitain natin doon kaysa dito sa probinsiya,” mungkahi ni Jhun sa kanyang maybahay.
“Siguro nga. Higit na mas malaki ang rate ng sweldo doon kaysa dito sa probinsiya. Wala naman siguro mawawala kung susubukan natin, hindi ba?” tugon naman ni Ester.
Sinubukan nga ng mag-asawa na makipagsapalaran sa Maynila. Kahit na mabigat sa kanilang kalooban ay iniwan nila sa kanilang magulang ang pangangalaga ng kanilang anak.
Unang nakahanap ng trabaho si Jhun bilang isang steel designer sa isang kompanya sa may Ortigas. Dahil nga siya pa lang ang may trabaho, talagang naging napakahirap ng kanilang buhay. May pagkakataon na hindi nila magawang kumain ng tatlong beses sa isang araw dahil sa labis na hirap ng buhay.
Isang gabi habang naglalakad pauwi ng inuupahang apartment ay natutukan ng patalim si Jhun.
“Ibigay mo sa akin ang pera at cellphone mo, para hindi ka na masaktan pa!” utos ng holdaper na nakasuot ng bonet na itim.
“P-pero wala po akong pera. Wala akong maibibigay sa’yo. Parang awa naman na ninyo,” pakiusap ng lalaki.
“Ibibigay mo ba o itutuluyan na kita?!” sigaw naman ng holdaper.
Kahit walang-wala na ay ibinigay ni Jhun ang lahat ng kanyang pera pati na cellphone. Higit na mas mahalaga naman ang buhay kaysa sa materyal na bagay.
Umuwi siyang bagsak na bagsak ang balikat dahil sa sama ng pangyayari. Ipinagtapat niya sa asawa ang lahat, dahilan para sila’y magkaiyakan noong gabi. Saan pa sila kukuha ng panggastos at pa tawid sa araw-araw gayong lahat ng pera niya ay ibinigay na niya holdaper.
Nagdasal na lamang ang mag-asawa at humingi ng gabay sa Diyos upang malagpasan ang labis na kahirapan na kanilang dinaranas. Naniniwala silang may kasagutan pa ang Diyos sa lahat ng pagsubok na dumarating sa kanilang buhay.
Kinabukasan, habang naglalakad si Ester upang bumili ng bigas gamit ang kaunting perang natitira sa kanya ay napansin niya ang isang papel na nakatupi sa kalsada. Lumapit siya para tignan ito ng mabuti at hindi nga siya nagkakamali, isang libong piso ito.
Napalunok lamang siya at nakiramdam kung may maghahanap, subalit lumipas na ang ilang minuto ay wala pa rin. Pikit-mata na lamang niya itong pinulot. Napangiti na lamang siya na may halong pagkakonsensya dahil hindi naman niya ito tunay na pagmamay-ari.
Agad siyang nagtungo sa malapit na palengke at doon namili. Imbes na pang ulam at pangkain sa araw-araw ang kanyang bilhin, ilang kilong saging, kamote at asukal ang kanyang pinamili.
Niluto ito ni Ester upang maging banana at cassava chips. Tulad ng dati ay inilako niya ito sa mga taong kakilala. Nilunok niya ang kanyang pride at nagtiis magbenta kung kani-kanino kahit tanghaling tapat.
Hindi nabigo si Ester, umuwi siya ng doble ang kinita. Natulungan pa niya ang kaniyang asawa na magkaroon ng baon na pera para sa trabaho.
Kinabukasan ay inulit ni Ester ang pagluluto at paglalako. Ginawa niya ito sa araw-araw hanggang sa lumaki ang sakop ng kanyang napagbebentahan. Ngayon ay kumukuha na sa kanya ang mga sari-sari store, canteen ng mga paraalan at mga iba pang kakilala.
Dahil sa nakikilala na ang mga paninda, napagdesisyunan ng mag-asawa na kumuha na ng ibang tauhan na makakatuwang sa pagluluto at pag rerepack ng mga pagkaing ilalako.
Nagsimula sa isang libong napulot lamang hanggang sa lumago bilang supplier ng mga chips, candy at iba pang makakain ang negosyo ni Ester.
Tumigil na si Jhun sa pagtatrabaho upang tumulong sa lumalagong negosyo nilang mag-asawa. Hindi pa rin sila makapaniwala na nangyayari ang lahat ng ito sa kanila.
“Wow ang gaganda ng rides! Magaganda nga pero wala naman tayong pera,” mga katagang iniwan ng anak nila Jhun at Ester nang panahong walang-wala silang pera.
December 2018, bago mag pasko ay naglakbay ang mag-anak sa Hong Kong Disneyland. Doon ay hindi lamang simpleng rides ang kanilang nasakyan. Malalaki, magaganda at higit na nakakatuwang rides ang kanilang na-enjoy.
Dahil sa isang libong piso na sinamahan ng pagsusumikap at pagtityaga ay nakaluwag sila sa buhay at hindi na kinakapos pa gaya ng dati.
Bilang pasasalamat sa mga biyayang natamo ay kumuha pa ng maraming tauhan ang mag-asawa, mga taong kapos din sa buhay. Binigyan nila ng oportunidad ang mga ito na makapagtrabaho at makatulong sa mga pampinansyal na pangangailangan.
Ang mumunting negosyo noon ay isa na ngayong kompanya na nag susuplay ng mga pampilipinong meryenda, makakain at kukutin sa malalaking supermarket, tindahan at palengke.
Sabi nga nila, ang buhay ay parang roller coaster. Minsan nasa ibaba, minsan nasa itaas. Minsan ay nakakatakot, pero minsan lang natin dadaanan ang buhay na ito kaya enjoy the ride and smile!