Isang Libo Kapalit ng Milyong-Milyong Piso
Animnapu’t limang taong gulang na si Mang Rogelio. Karamihan sa mga kaedad niya’y namamahinga na sa kani-kanilang mga bahay, ngunit naiiba itong matandang ito. Dahil wala siyang masyadong kamag-anak sa Maynila, at matagal nang namayapa ang misis niya, kinakailangan niya pa ring kumayod sa buhay upang may ipangkain siya at may ipambili ng kinakailangan niya sa araw-araw.
“Bili na kayo ng isda! Sariwang-sariwa ito, at murang-mura lamang!” alok ni Mang Rogelio mula sa maliit niyang pwesto sa loob ng isang palengke.
Marami ang suki ng matanda. Karamihan sa mga ito ay naaawa sa kondisyon ng mata ng matanda dahil halos mabulag na ito gawa ng katarata niya sa dalawang mata, ngunit ang ilan naman ay bilib na bilib sa sipag at tiyaga niya.
Isang karaniwang araw ni Mang Rogelio sa palengke, isang babae ang nakakuha ng atensyon niya.
“Aba, parang bubulag-bulag ito ah. Kapag sinuswerte ka nga naman!” bulong ng babae sa sarili habang dahan-dahang nilalapitan si Mang Rogelio.
“Manong! Magandang araw ho!” bati ng babae sa kanya.
“Magandang buhay kamo, at hindi lang araw! Hehe! Halika’t bumili ng mga sariwang isda na ibinebenta ko. Tiyak na magugustuhan mo ito at ng buong pamilya mo!” masiglang alok ni Mang Rogelio sa babae.
“Ganoon ho ba? O sige ho, bigyan niyo ho ako ng dalawang kilo nitong tilapia. Paborito ho iyan ng bunso ko e,” wika ng babae.
“Salamat! Salamat, hija! Oh heto, dinagdagan ko pa ng kalahating kilo nang mabusog ang bunso mo. Sa tagal kasi naming magkasama ang asawa ko noong araw ay hindi kami nabiyayaan ng anak, nakangiting sabi ng nangangapang matanda.
Walang konsensiyang inabot ng babae ang pekeng isang libong piso sa matanda. Pilit inaninag ni Mang Rogelio ang isang libong iniabot sa kanya at agad sinuklian ng walong daang piso. Nang maiabot ng matanda ang sukli, nagmadaling umalis ang babae na ikinagulat naman ni Mang Rogelio.
Masayang-masaya ang matanda. Bihira kasing umabot sa isang libo ang pinagbentahan niya sa mga simpleng araw. Kaya naman nag-empake na ito ng mga kagamitan niya at nagdesisyong umuwi na nang maaga.
Kinabukasan, dumaan na si Mang Rogelio sa supplier ng isda na ibinebenta niya. Nang ibayad niya ang isang libo na nanggaling sa babae kahapon, agad ipinagbigay alam sa kanya na peke ang mga ito. Nanlambot ang tuhod ng matanda at halos umagos ang luha nito nang dahil sa matinding panlulumo.
Nagkataong naroon si Sir Rey, ang mayamang lalaking nagmamay-ari ng isdaang iyon. Pumukaw sa atensyon niya ang matandang humahagulgol sa harapan ng shop nila.
“Sino ‘yon? Bakit umiiyak ang matanda?” tanong niya sa isa sa kanyang mga tauhan.
“Ah sir, wala ‘yon. Mukhang naloko ng mga nagbabayad ng pekeng pera. Mabait ‘yang si Tatay Rogelio e. Araw-araw ho iyang umaangkat sa atin ng isda para ibenta sa palengke,” paliwanag ng tauhan.
“Ganoon ba?” wika ng may-ari sabay lakad patungo sa kinaroroonan ng matanda.
“Tatang? Ayos lang ho ba kayo?” tanong ni Rey kay Mang Rogelio.
Nanlaki ang mga mata ni Rey at halos malaglag ang kanyang mga panga nang makita ang mukha ng matanda.
“Sir Rogelio?! Ikaw ba ‘yan?!” gulat na gulat nitong sambit.
“Rey? Reynante David, ikaw na ba ‘yan? Pasensiya ka na, nang dahil sa katarata ay hirap nang makakita ang aking mga mata. Ikaw nga ba ‘yan?” tanong ng matanda.
Hindi na umimik si Rey dahil hindi na rin niya napigilan ang pag-agos ng luha sa kanyang mga mata.
Si Mang Rogelio pala ang dating guro ni Rey. Ulilang lubos si Rey kaya naman noong nakilala siya ni Rogelio noong araw ay halos ampunin niya na ang bata. Pinapakain araw-araw, binibilhan ng mga bagong damit at laruan, at itinuturing nang sarili niyang anak. Ngunit nang may mayamang pamilyang umampon kay Rey, hindi na sila nagkita pang muli ni Rogelio.
“Opo, ako nga ito, si Rey. Ang anak-anakan niyo noon. Napakalaki po ng utang na loob ko sa inyo. Kung hindi dahil sa inyo ay naging napaka-lungkot siguro ng kabataan ko. Lalo na noong mga gabing halos himatayin na ako sa gutom, kayo ang sumagip sa akin. Kaya sana, hayaan niyong tulungan ko kayo,” wika ng umiiyak na si Rey.
Nang marinig ito ni Mang Rogelio, agad niyang niyakap ang lalaki. Mahigit sa tatlumpung taon na ang lumipas mula noong huli nilang pagkikita.
“Napakasaya kong naging maganda ang buhay mo,” nakangiting sabi ni Mang Rogelio sa dati niyang estudyante.
Nang magkakwentuhan pa ang dalawa at mapag-alaman ni Rey ang kalagayan ng matanda, hindi ito nagdalawang isip na kupkupin na si Mang Rogelio. Binigyan niya ito ng sariling bahay malapit sa kanyang tinitirhan, ikinuha niya pa ito ng kasambahay upang hindi na mahirapang kumilos ang matanda sa loob ng kanyang pamamahay. Ipinagamot niya rin ang mata nito upang tuluyan nang maalis ang kataratang nagiging hadlang sa kanyang paningin. Hindi na rin hinayaan ni Rey na bumalik pa sa pagtitinda ang matanda. Ang lahat ng ito’y itinuturing niyang pagbabalik ng utang na loob.
Labis labis ang pasasalamat ni Rogelio kay Rey. Laking pasasalamat niya pa binayaran siya ng pekeng isang libo, dahil kung hindi ay baka hindi na niya muling nakita ang anak-anakan niya.