Sawi si Inday na Makuha ang Puso ng Kaniyang Amo, Sa Huli’y Matutuklasan Niya ang Dahilan Kung Bakit
“Sir, si Monica nga pala nasa kwarto na namin, nag-aayos ng gamit niya. Bukas na bukas din po ay magsisimula na siya,” wika ni Aling Katarina.
“Sige manang, salamat po. Yung bilin ko, pakisabing maiigi diyan sa bago dahil alam mo naman na ayaw ko nang paulit-ulit,” saad naman sa kanya ng lalaki.
“Oho sir, nasabi ko na po sa kaniya ang mga bawal at dapat niyang tandaan. Magaling naman po yun si Monica, dati na ring namasukan kaya hindi sasakit ang ulo niyo sa kanya,” sagot sa kaniyang ng ale.
Tumango lamang ng lalaki at hinigop ang kaniyang kape saka nagbasa ulit ng diaryo.
Kailangan umuwi ni Aling Katarina sa kanilang probinsya, mahina na daw kasi ang kaniyang mister at malapit nang umakyat sa langit kaya hiniling nitong makasama na siya sa kanyang mga huling araw.
Si Monica ang kaniyang magiging kapalit sa mansyon ni Javier.
“Monica, aalis na ako bukas at alam ko naman na maayos kang magtrabaho. Magaan lang ang gawain dito dahil wala namang bata at maglilinis ka lang talaga, hindi rin naman masyadong nag-uutos yun si Sir Javier kaya huwag kang pasaway,” saad ni Aling Katirina.
“Ito naman si ate, ilang beses niyo na po bang sinabi sa akin yan? Huwag kayong mag-alala hindi ko sisirain ang pangalan niyo dito sa mansyon, kaya ako na ho ang bahala,” balik naman ni Monica dito.
“Basta ang pinaka importante ay huwag na huwag kang papasok doon sa isa pang kwarto sa loob ng kwarto ni Sir Javier ha? Dahil mawawalan ka kaagad ng trabaho,” dagdag pa nito.
“Unlimited naman si Aling Katarina, tandang-tanda ko na iyan. Sige na po, magligpit na kayo ng gamit at magpapahangin lang ako sa labas,” sagot ni Monica.
Naisipan ng babae na umikot muna sa malaking bahay, ito na yata ang pinakamagandang bahay na pagtratrabahuhan niya. 16 anyos lamang siya noong unang nangatulong kaya sanay na sanay na siya sa ibat-ibang amo dahil ito na ang kaniyang kinalakihan.
Ngayong 29 anyos na ang babae ay gusto na din niyang magkanobyo, umaasa siyang sa lugar niya ito makikilala ang nakatakdang lalaki para sa kaniya. Kahit barbero sa kanto, driver ng kapitbahay o boy ng isa pang pamilya ay ayos lang sa kanya basta mamahalin siya ng buong puso.
“Hala, putragis! Hindi man lang sinabi sa akin ni Aling Katarina na ganito ka pogi yung amo ko? E ka edad ko lang halos,” isip-isip ng babae habang nakatitig sa malaking litrato ni Javier sa salas.
Kinaumagahan ay maagang nag-ayos ang dalaga, nagkolorete ito ng kaunti at nagpabango. Kumakain na noon si Javier at dinalhan niya ng tubig sa mesa.
“Ikaw ba si Monica?” tanong ni Javier sa kaniya. Buong-buo ang boses nito na ikinatindig ng balahibo ng dalaga.
“Opo sir,” maiksing sagot niya sa lalaki.
“Maganda ka pala, hindi ko inaasahan. Welcome sa bahay ko,” wika sa kaniya ng amo.
Namula ng bahagya ang pisnge ni Monica at napayuko, “Salamat po, kayo din po sir, sobrang pogi niyo,” malanding sagot ni Monica sa lalaki. Napapikit siya dahil hindi niya dapat sinabi iyon, mabuti na lang at napangiti na lang si Javier noong tiningnan niya ang mukha nito.
Lumipas ang ilang lingo at palaging nababati ni Javier ang dalagang si Monica. Madalas niyang pansinin ang makukulay na kolorete sa kaniyang mata, pati na rin ang pabango ng babae.
“Mukhang type ka nang amo natin ha, ingat ka ha? Marami nang nadali yan,” wika ni Benjie, ang hardenero sa mansyon.
“Naku, hindi niya ako kailangan pilitin kasi ibibigay ko ang buong sarili ko. Sa pogi ba naman ni sir e choosy pa ako?” pabirong saad ni Monica.
“Marami ka pang hindi alam sa amo natin kaya kung ako sayo ay magmamanman muna ako,” pahayag muli ng lalaki at napa-iling na lang ito kay Monica sa kakatingin ng kanyang mukha sa salamin.
Isang araw, hindi pumasok sa trabaho si Javier.
“Lusing, magpapahinga ako. Ayaw kong may iistorbo sa akin sa kwarto,” pahayag pa nito sa isang katulong.
“Naku, ito yung mga araw na hinihintay ko e, pwede ako manood ng k-drama,” wika ni Lusing papunta sa kwarto.
“Aling Lusing, ano pong meron?” tanong ni Monica.
“Ah, si Sir Javier kasi ginagawa niya talaga ito sa loob ng isang buwan. Isang buong araw lang yan sa kwarto hindi lumalabas, kaya ito din ang panahon para magbabad ako sa kdrama. Ikaw din, pwede ka magbasa o manuod ng TV, hindi yan mag uutos,” paliwanag sa kaniya ng ale.
Nagtataka man ngunit tumango na lang din ang babae. Masyadong maraming naglalaro sa kaniyang isipan, nagpabalik-balik siya ng lakad sa labas ng kwarto ng amo nito. Iniisip kasi niyang baka mag-utos o marinig man lang niya kung ano ang ginawa pero tahimik lang sa loob.
“Baka naman nawalan na ng buhay yun sa loob, Diyos ko,” bulong ng babae sa kaniyang sarili.
Napaupo na lang ito sa hagdan at natulala. Laking gulat niyang biglang bumukas ang pinto at nakita niyang nakahubad nang pang itaas ang kanyang amo, pawis na pawis din ito.
“Hindi ka ba nasabihan ni Aling Katarina tungkol dito? Ayaw ko ng istorbo, bakit kanina ka pa lakad nang lakad?” naiiritang tanong ni Javier sa dalaga.
“Sorry sir, nag-alala lang naman po ako. Sige po aalis na ako,” sagot ni Monica dito.
“Teka, nag-aalala ka ba talaga? Halika dito, pumasok ka sa kwarto,” pahayag sa kaniya ng amo. Kumabog ang puso ng dalaga, pero sabi niya sa kaniyang sarili na ano man ay handa siyang ibigay ang kaniyang sarili. Nabasa at napanuod niya na ang mga ganitong eksena kaya naman pinaghandaan na talaga niya kapag mangyari man ito.
Dahan-dahan siyang lumapit at binasa niya ang kaniyang mga labi, hinawi niya ang kaniyang buhok sa gilid at pumasok sa bukas na pinto ng kanyang amo.
“Alam mo, sa lahat ng naging kasambahay ko. Ikaw ang pinakamaganda at ikaw lang din ang tanging nakikipagbiruan sa akin,” wika ng lalaki.
“Maupo ka sa kama at antayin mo ako, magbibihis lang ako saglit,” dagdag pa nito.
“Sir, sir kasi ano. First time ko po ito,” saad ng nanginginig na boses ni Monica.
“Huwag kang mag-alala, aalagaan kita. Pwede ba kitang piringan? Papasok tayo dun sa isang kwarto,” wika ni Javier sa kaniya.
Tumango lamang ang babae at inihanda ang sarili, narinig niyang bumukas ang pinto, pina-andar ang ilaw at pina-upo siya sa upuan.
“Pwede ba akong humiling ng pabor sayo Monica,” tanong ng lalaki. Tumango lang ang dalaga.
“Pwede bang sa atin lang ang mangyayaring ito? Ayaw kong malaman ng iba, kusang loob mo namang pinasok ang kwarto ko. Hindi kita pinilit at matagal na rin akong nagagandahan sa’yo,” pahayag ni Javier sa kaniya.
“Opo sir,” maiksing sagot ng babae at napalunok siya ng laway.
Dahan dahan na tinangal ni Javier ang piring sa mata ni Monica at nang maidilat ng babae ang kaniyang mata ay napakunot siya kaagad ng noo.
“Ano ito sir? Bakit may parlor ka sa loob ng kwarto mo?” bulalas ni Monica sa kaniyang amo.
“Pusong babae ako Monica, echosera ka! Hindi kita type at hindi kita gagalawin. Gusto sana kitang ayusan dahil napakaganda ng mukha mo, kaya pinapasok na kita dito,” saad ni Javier at nakatakong pa ang lalaki.
Natawa na lang si Monica sa kaniyang sarili at niyakap n’ya ang amo.
“Huwag kang mag-alala sir, safe ang sikreto mo sa akin. Pero pwede bang ayusan niyo ako palagi?” masiyang tanong ni Monica dito.
Natawa na lang din si Javier dahil sa wakas nagkaroon siya ng kaibigan sa loob ng kanyang bahay, hindi niya masabi sa ibang tao ang tunay niyang katauhan at nagkukulong na lamang sa tuwing gusto nyang maramdaman ang pagiging babae kahit saglit lang.
Ngayon ay naiintindihan na ni Monica ang kaniyang amo at hindi niya ito hinusgahan. Sawi man siya na makuha ang amo ay masaya naman siyang maging kaibigan ito.