Iniwan ni Misis si Mister Para sa Ibang Lalaki, May Napakasakit na Dahilan Pala ang Babae
Kakatapos lamang ng araw ng mga puso at agad na nagyaya ng inuman ang babaeng si Novi sa kanilang bahay. Niyaya niya ang mga kaklase niya noong high school dahil ito na rin ang naging pinakamatatag at pinakamatagal niyang kaibigan.
“Grabe naman itong si Novi oh, alam mo naman na araw ng mga kabit ngayon. Hindi ko tuloy nailabas ang pangalawa ko,” wika ni Erwin, kaibigan ng dalaga.
“Yung mga biro mo talaga, ano? Kapag ikaw sinikmuraan ko dyan makikita mo, hindi ka na makakapagbiro ulit,” saad naman ni Andrea, asawa ng lalaki at kaibigan din ni Novi.
“Kayong dalawa talaga, kahit matanda na tayo ay hindi pa rin natatapos yang asaran niyo. Oh siya, kaya naman ako nagyaya ngayon kasi wala na si Dominic, may company outing kaya pwede tayong magwalwal,” pahayag naman ni Novi sabay labas ng mga alak.
“Saka ito na ang simula nang paghihiwalay namin!” dagdag pa ni Novi.
Naubo naman si Ryan sa kanyang narinig, isa pa sa kaniyang kaibigan.
“Teka lang, anong hiwalayan ito? Ano yang sinasabi mo?” tanong ni Ryan kay Novi.
“Hiwalay na kami, wala na. Tapos na, the end, pak ganern,” sagot sa kaniyang ng babae.
“Alam mo hindi normal yung mga ganyan mong salita e, anong nangyari at bakit kayo naghiwalay?” tanong naman ni Andrea.
“Wala, pakiramdam ko lang kasi hindi na ako masaya sa pagsasama namin kaya ayon, sabi ko maghiwalay na kami,” saad ni Novi.
“E diba high school pa lang kami na, tapos wala man lang akong naging lalaki bukod sa kaniya. Nagising na lang ako bigla na ayaw ko na, hindi ko na siya mahal at gusto ko nang makipaghiwalay,” dagdag pa ng babae.
“Saka na natin pag-usapan ang mga emote-emote, kasi magkakantanhan muna tayo,” pahayag pa ni Novi sabay pindot ng numero niya sa telebisyon.
Halos dalawang dekada nang magkarelasyon sina Novi at Dominic kaya laking gulat ng lahat na mabalitaang hiwalay na daw ang dalawa. Akala ng mga kaibigan ay nagbibiro lang si Novi pero mas nagulantang pa sila nang malamang umalis talaga ito.
“Siya ang may iba, nagulat na nga lang din akong iniwan niya ako para sa ibang lalaki,” lumuluhang wika ni Dominic.
Kinita ng mga kaibigan ni Novi ang kaniyang mister na si Dominic para nga tanungin at matulungan pa sana ang mag-asawa na maayos ang pagsasama.
“Kilala mo ba kung sino yung lalaki?” tanong ni Erwin dito.
“Hindi, basta sabi niya lang na hiwalay na kami. Huling pagkikita namin nun ay bago yung company outing, nabalitaan kong nag-inuman din kayo kaya nga umaasa ako nun na mahihimasmasan na siya at uuwi akong ayos na kami,” sagot ni Dominic sa lalaki.
“Puntahan mo siya sa probinsya, alam ko nandoon siya! Dun lang naman yun tutuloy,” saad pa ni Andrea.
“Halos isang buwan na niyang hindi sinasagot ang mga tawag ko. Kahit magulang o kapatid niya hindi ko maka-usap, alam niyo namang ayaw sa akin ng pamilya niya diba? Kaya nga kami nandito sa Maynila para mapalayo. Baka kailangan niya lang ng oras, baka uuwi din naman siya sa akin at magiging maayos kami ulit,” pahayag pang muli ni Dominic.
Hindi pumayag ang mga kaibigan na walang gawin si Dominic kaya naman sinamaham nila ito pauuwi sa liblib na probinsya ni Novi.
Malayo pa lang ay nakita na agad nila ang ama ni Novi at mabilis itong umiwas para umuwi pero dahil pursigido sila na maka-usap ang babae ay sinundan nila ang tatay nito at magpumilit na pumasok.
“Wala nga dito ang anak ko, magsilayas kayo,” baling ni Mang Danny.
“Huwag niyo naman ho sanang ipagdamot ang asawa ko sa akin, kailangan ho namin mag-usap. Kailangan po namin maayos ang pagsasama namin,” saad ni Dominic dito.
Hindi na pinigilan pa ng lalaki ang pagpupumilit ni Dominic at nang kaniyang mga kasama nang marinig niya ang anak.
“Sige na ‘tay, papasukin na natin sila. Panahon na rin na malaman nila ang totoo,” wika ni Novi na nasa loob ng kwarto.
Agad na pumasok sina Dominic, Erwin, Andrea at Ryan sa kwarto ng babae at halos manlambot ang tuhod nila ng makita ang babae.
“Bakit ganyan ang itsura mo? Binugbog ka ba? Sino ang nanakit sayo? Ayan ba ang ginawa ng lalaki mo, ito ba ang pinagpalit mo sa akin? Sa atin?” wika ni Dominic at napaluhod siya sa tabi ng asawa.
“Kahit kailan ka talaga Dominic, naniwala ka talagang may lalaki ako?” saad ni Novi.
“E yun ang sinabi mo sa akin tapos umalis ka pa nang walang pasabi. Ano bang gusto mong isipin ko? Kalokohan mo lang lahat ng ito? May utang ka ba kaya ka nabugbog ng ganyan at puro pasa ang katawan mo? Ano? Magpaliwanag ka, please!” pahayag naman ni Dominic dito.
Natawa saglit si Novi at bigla ito umubo, laking gulat nilang may kasamang dugo at lumabas na lang ito sa bibig ng babae.
“Kinukulam ka ba, Novi? Bakit ganyan?!” nag-aalalang sabi ni Andrea.
“Friends, salamat kasi pumunta talaga kayo dito at binitbit niyo pa itong asawa ko. Pero hindi ako binugbog at wala din akong lalaki, higit sa lahat wala akong utang bukod sa credit card, okay? May sakit ako, sakit sa dugo, stage 4 na. Isang buwan na lang din ang taning sa akin ng doktor,” nakangiting pahayag ni Novi.
“Ah, okay. Kailangan ba tumawa kami, joke ‘to diba? Tawa tayo guys,” saad ni Andrea at tinapik ang mga kaibigan.
“Seryoso ako,” wika ni Novi at doon na pumatak ang kaniyang luha.
“Bakit hindi mo sinasabi sa akin? Bakit kailangan mo sarilihin ang ganitong problema, Novi?!” galit na sabi ni Dominic.
“Isang buwan na lang daw akong mabubuhay Dominic, ayaw kong mag-ubos tayo ng pera para ipagamot ako dahil mas kailangan yun ng anak natin. Isa pa, ayaw kong mawala na pangit sa paningin mo,” naiiyak na sagot ni Novi.
“Mas gugustuhin kong maganda pa rin ako sa mata mo at hindi yung ganito, mukha akong talong, kinakaawaan at iniiyakan niyo. Patawarin mo ako kung iniwan kita ng ganun, pero mahal na mahal kita Dominic at ikaw lang ang minahal ko,” dagdag pa ng babae.
Hindi na muling nagsalita pa ang iba dahil napuno ng iyak ang kwarto ni Novi kasabay rin ng pagsusuka at pag-ubo ng babae, sinyales na mahina na talaga ang kaniyang katawan at kumalat na ang sakit nito.
Inuwi ni Dominic ang kaniyang asawa at nagpatulong sa kanilang kaibigan na ayusan ito. Sa loob ng isang buwan, walang araw na dumaan na hindi naka-ayos ang babae, palaging dinadaanan ni Andrea si Novi para lagyan ito ng make-up. Binilhan din ni Dominic ng ibat-ibang wig ang kaniyang asawa na lagi nitong sinusuot.
“Tara na, mag family picture na tayo,” wika ni Ryan.
Inayos nila si Novi sa kaniyang higaan, tumabi si Dominc at ang anak nito na si Maya.
“Anak, huwag kang iiyak kapag nawala na si mama ha? Saka gusto ko may kulay pa rin ang kuko ko kapag nasa kabaong na,” saad nya kay Maya.
Ngumiti lamang ang dalaga, napag-usapan na nilang walang iiyak.
“Mahal, ikaw ang pinakamagandang babaeng nakilala ko. Mahal na mahal kita Novi,” pahayag ni Dominic at hinalikan niya ang asawa.
“Maganda talaga ako Dominic,” sagot ni Novi at nagtawanan pa silang lahat. Sabay kinuhanan ito ni Ryan at maya-maya lamang ay sumandal na lang bigla si Novi sa balikat ng kaniyang mister.
Yun na ang huling sandali ng babae, nakangiti ito kaya naman alam nilang masaya siyang namaalam sa mundo. Katulad ng kaniyang hiling, maganda nilang nilibing si Novi. Pinuno nila ng bulaklak ang paligid ng kaniyang kabaong at pinasuot ang paborito niyang pulang damit.