Dahil sa Kagustuhang Maisalba ng Lalaking Ito ang Kaniyang Talyer ay Tinanggap Niya ang Pautang ng Isang Estranghero, Sa Huli’y Matutuklasan Niya ang Tinatago Nitong Lihim
Halos dekada na rin ang pinagdaanan ng talyer nila Mang Domingo, nagmula pa ito sa kaniyang ama na ipinama sa kaniya.
“Tay, sa tingin ko ito na ang panahon para isara na natin ang talyer. Wala na tayo masyadong customer at puro factory na rin ang nasa lugar natin. Halos lahat ng kapitbahay natin ay yun na ang kinabubuhay, baka kaya tayo mahirap dahil dito pa rin tayo umaasa,” wika ni Melvin.
“Masyadong marahas yang dila mo, baka nakakalimutan. Pinagtapos ka ng talyer na ito! Ano naman kung mahina na? Sa tingin ba hindi ko pinagdaanan ang ganitong hirap sa negosyo? Mas matanda pa sa’yo ang talyer kaya huwag mong insultuhin,” baling ni Mang Domingo.
“Tay, huwag niyo naman sanang masamain. Pero naubos na yung pera natin at baon pa tayo sa utang mula sa pagpapagamot natin kay nanay na napunta lang rin sa wala. Ang akin lang naman, kailangan niyo ng pera at mapagkakakitaan. Magtratrabaho ako sa Maynila para makabayad tayo agad ng utang, pero habang wala ako e kailangan nyong tulungan ang sarili niyo dahil kung dito lang ako baka parehas tayong magutom,” saad naman muli ni Melvin.
“P*nyeta ka! E ‘di umalis ka, kaya ko ang sarili ko. Kinaya ko nga dati na buhayin kayo tapos nakapagtapos ka lang e yumabang ka na? Lubayan mo ang talyer ko, lumayas ka kung gusto mo. Mabubuhay ako kahit wala ka,” sagot ng kaniyang ama.
Tumalikod na lang si Melvin saka umalis. Kakatapos lamang ng libing ng kaniyang ina hindi na kasi nasalba ang sakit nito sa dami nang naging kumplikasyon sa baga, atay at puso. Sinubukan nilang ipagamot kaya nga nalubog sila sa utang at bilang nag-iisang anak ay wala siyang ibang gustong gawin kundi bayaran ang mga iyon, may edad na rin kasi si Mang Domingo at alam niyang mahihirapan na ang ama.
Ayaw man niyang sisihin ang talyer ngunit hindi niya ito maiwasan. Noon kasing malakas pa ang kaniyang ama at humihina na ang talyer ay ayaw pa rin niyang bitiwan ito. Umutang pa ang kanyang ama upang isalba ng paulit-ulit ang talyer kahit na marami nang kumukuha sa kaniya bilang electrician sa nagsusulputang malalaking factory sa kanilang lugar. Bukod kasi sa pagtatalyer ay nagkukumpuni rin ito ng mga sira sa kuryente at kung ano-ano pa na may kinalaman dito.
Masakit man para kay Melvin ngunit kailangan niyang iwan ang ama, mas malaki ang nag-aantay na sahod sa kaniya sa Maynila at isang taon lang ay makakabayad na rin siya sa mga utang.
“Tay, magpapadala po ako ng pera tuwing sahod. Alagaan niyo po ang sarili niyo ha, babalik ako agad,” paalam ng binata.
“Lumayas ka, kaya kong mag-isa,” baling naman ng matanda.
Nagmano na lang ang lalaki sabay umalis. Habang abala naman si Mang Domingo sa pagtatanong ng mauutangan upang buhayin niyang muli ang kanyang talyer. Ngunit sa kasamaang palad ay wala nang may gustong magpahiram pa sa kaniya ng pera,
“Mukhang palugi na ho itong talyer niyo ha. Maayos niyo pa ho ba ang sasakyan ko?” wika ng isang babae.
“Naku mam, kahit matanda na ako at nakapikit ko pang gawin ay sigurado akong maaayos ko ang kotse niyo,” sagot ni Mang Domingo.
“Sige nga ho, nag-iinit ho kasi lagi ang makina e. Baka pwede niyong tingnan saka kung gusto niyo ho e bilhin ko na lang itong talyer niyo para ako na ang mamahala,” saad ng babae sa kanya.
“Teka, sino ka ba? Hindi ko pinagbibili itong talyer ko saka naghahanap lang ako nang mauutangan para mabuhay ko ulit ito,” sagot naman ni Mang Domingo.
“Ay pasensya na ho kayo, ako nga pala si Faith. E di kung gusto niyo ho ay sosyo na lang tayo, papautangin ko kayo ngayon tapos hati tayo sa kita ng talyer kapag naayos na,” pahayag ni Faith.
“Bakit naman interesado ka sa talyer ko?” nagtatakang wika ng lalaki.
“Negosyante ho kasi ako itay, huwag ho kayong mag-alala hindi ko po kayo lolokohin,” saad muli ni Faith at doon na nagsimula ang kanilang diskusyon. “Aayaw ka pa ba sa grasya Domingo? Sige na, hulog na ito ng langit,” isip-isip ng lalaki.
Hanggang sa pinautang ni Faith si Mang Domingo ngunit katulad nang dati ay nalugi lamang ito, tatlong buwan rin na walang kita at hindi siya makabayad sa babae habang palaki ng palaki ang interes ng kanyang utang.
“Oh paano ba yan Mang Domingo, mukhang itong talyer na ang magiging kabayaran ng utang niyo sa akin?” wika ni Faith dito.
“Faith, alam kong pera ang usapan dito at lugi ka na. Pero hangga’t nabubuhay ako ay hindi ko ipagbibili ang talyer na kahit na sino,” sagot ni Mang Domingo.
“Ano po bang meron bakit ayaw niyong bitiwan ang talyer na ito? Mas mahalaga pa nga yata ang talyer na ito kaysa sa pamilya niyo,” saad ng babae.
“Kailangan ko ang talyer na ito dahil naniniwala akong ito ang mag-uuwi sa anak ko,” paliwanag ni Mang Domingo.
“May babae akong anak si Marian, limang taong gulang lang siya noong nawala siya sa amin. Idineklara na ngang wala na daw siya dahil sa haba ng panahong hindi siya nakikita, pero naniniwala ako na buhay pa ang anak ko at alam kong pagnakita niya ang talyer na ito ay makakauwi siya,” dagdag pa nito.
“E bakit po ba nawala ang anak niyo? Baka naman pinamigay niyo na talaga dahil mahirap lang kayo,” pahayag sa kaniyang ng babae.
“May grupo kasi noon na taga Maynila na nagpa-ayos ng sasakyan dito at yung anak ko na yun ay mahilig pumasok sa mga sasakyan na ginagawa ko. Hinala ko’y nakatulog ang anak ko sa loob o ‘di kaya naman dinukot,” sagot ng lalaki.
“Pero sa puso ko, naniniwala akong buhay pa siya at kung nasan man siya ngayon ay patuloy akong umaasa na babalik siya dito at makikilala ang talyer pati na rin ang tatay niya na nag-aantay sa kaniya,” dagdag pa nito.
Nagulat naman siyang umiiyak na si Faith sa kaniyang tabi, “Oh bakit ka umiiyak, hija?” tanong ni Mang Domingo dito.
“Bakit kasi hindi nyo po ako hinanap, akala ko tuloy mas gusto niyo na wala ako,” wika ni Faith.
“Tama po kayo ng hinala, nakatulog ako sa kotse noon at nagising na lang akong nasa Maynila na. Ilang beses ko silang pinaki-usapang ibalik ako dito sa atin pero ginawa nila akong katulong ‘tay. Kaya tumakas at nagpalaboy-laboy hanggang sa pumunta ako sa pulis. Iuuwi sana nila ako kaso hindi ko alam ang lugar natin, tanging itong talyer lang ang natatandaan ko,”
“Kaya kinupkop na lang nila ako at doon umaayos ang buhay ko. Ang tagal kong hinintay na hanapin niyo ako pero wala. Ako ito ‘tay, si Marian,” baling pang muli ng babae.
“Anak, ikaw ba talaga iyan?! Patawarin mo ako, patawarin mo kami na ganyan ang dinanas mo. Nagkasakit noon ang nanay mo simula nang mawala ka kaya hindi ko siya maiwan, ang kuya mo naman ay bata pa at wala na kaming pera, patawarin mo ako anak,” sagot ni Mang Domingo at niyakap niya ang babae.
“Buong akala ko ay mas gusto niyo na wala ako, kaya hindi ako nagpakilala sa inyo nung una, patawarin niyo po ako itay,” baling ng babae at nagyakap muli ang dalawa.
Laking pasasalamat niya sa Diyos dahil bumalik ang kaniyang anak, sa kabilang banda naman ay nawala ang galit ni Faith sa kaniyang ama dahil mali pala ang lahat ng kaniyang akala. Ngayon ay sabay nilang binuhay ang talyer nang magkasama.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!