Pinaghinalaan ng mga Pasahero na Terorista ang Babaeng Sumakay sa Dyip, Pahiya Sila nang Mabunyag ang Pagkatao Nito
Isang araw na mainit ang panahon ay maraming pasahero ang nag-aabang sa masasakyang dyip.
Nang biglang dumating ang kanina pa nila hinihintay. Isa na lang ang kulang at lalarga na ang dyip. Dahil sa naliligo na sa sariling pawis ang mga naiinip na pasahero ay nagdesisyon na ang drayber na apakan ang aselerador nang biglang may humabol.
“Mama, sandali lang!”
May sumakay na isang babae. Nakabihis ito ng mahabang damit at may taklob sa mukha na mata lamang ang nakikita. May bitbit itong kahon na balot na balot ng packaging tape at mukha iyong mabigat. Umupo ito malapit sa drayber at maingat na inilapag ang tangan sa lapag.
“Wala na bang hahabol? Aalis na tayo!” sigaw ng drayber ng dyip.
Dahil wala ng pasahero ang humabol ay sinimulan nang paandarin ng drayber ang sasakyan.
Isa sa mga pasahero na naroon ay si Eloisa. Papasok siya sa eskwelahan sa araw na iyon. Nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. Dahi sa sobrang lakas ng tunog ay napatingin sa kanya ang ibang pasahero maging ang babaeng may bitbit na kahon ay napatitig sa kanya.
“Hello, Huwag ka muna tumawag dahil nasa biyahe pa ako,” sabi ng babae sa kausap.
“Babe naman, masama na bang kumustahin ang girlfriend ko?” nagtatampong boses ng kasintahan sa kabilang linya.
“Hindi naman sa ganoon kaso ayaw ko kasing gumamit ng cell phone kapag nasa biyahe. Alam mo naman ang panahon ngayon di ba?” bulong ng babae.
“Okay. Hintayin kita dito,” sabi ng lakaki.
“Sige bye!” maikli niyang sagot saka maingat na itinago ang cell phone sa kanyang bag.
Mayamaya ay narinig ni Eloisa na nagbubulungan ang dalawang babaeng pasahero na katabi niya.
“Tingnan mo iyong babaeng nakaupo sa tabi ng drayber, wala talaga akong tiwala diyan. Malakas ang kutob ko na may masama iyang binabalak,” bulong ng isang babae sa katabi.
“Oo nga. Saka iyong bitbit niyang kahon parang may kung anong laman sa loob,” gatol pa ng isa.
Lihim na kinabahan si Eloisa sa bulungan ng dalawang babae.
“Diyos ko, baka totoo ang hinala ng dalawang ito,” aniya sa isip.
Nang biglang pumara ang isang matandang babae kasama ang batang babae. Nagmamadaling bumaba ang mga ito at bumubulong rin ang matanda.
“Halika na apo at kinakabahan ako sa babeng may mahabang damit,” mahinang sabi nga matanda sa kasamang bata.
Di nagtagal ay may pumara na dalawang pulis at sumakay sa jeep. Narinig ni Eloisa na pinag-uusapan ng mga ito ang tungkol sa mga gumagalang terorista na may mga dalang pampasabog at nambibiktima ng mga walang kalaban-labang sibilyan.
“Dapat talaga may mga kasamahan tayong nagro-ronda sa matataong lugar para hindi makapang-biktima ang mga teroristang iyan,” mahinang sabi ng may edad na pulis.
“E, sir dapat po sa mga pampublikong sasakyan din ay dapat may mga nagbabantay para hindi rin makalusot ang mga hin*yupak,” gigil na wika naman ng mas nakababata.
Dahil may mga nakarinig sa usapan ng mga pulis ay di maiwasang magbulungan ang mga pasahero at tingnan ng masama ang babaeng nakasakay sa harap ng dyip.
“Bakit ganyan ang suot ng babaeng iyan? Mukha siyang terorista,” bulong ng isang may edad na babaeng kaharap niya sa katabi nitong lalaki.
Napansin ni Eloisa na may dinukot na cell phone ang babae sa bulsa nito. May mga pinindot na numero at may tinawagan. Mayamaya ay nagsalita na ito sa hindi pamilyar na lenggwahe. Malakas ang pagbigkas ng babae na para bang nakikipagsigawan sa kausap. Nainis naman ang mga pasahero sa malakas na pakikipag-usap ng babae sa kabilang linya.
“Hoy, miss, hinaan mo nga iyang pakikipag-usap mo sa cell phone mo! Ano ba iyang sinasabi mo diyan sa kausap mo?” singhal ng may edad na babae.
“Oo nga. At ano ba ang laman ng kahon na iyan? Siguro terorista ka ‘no?” sabi naman ng kasamang lalaki ng babae.
Hindi na nakatiis ang dalawang pulis at nag-usisa na rin sa nangyayari.
“Hep, hep, anong kaguluhan ito?” tanong ng may edad na pulis.
“Mamang pulis, wala po kaming tiwala sa babaeng iyan. Sa tingin po namin ay isa siyang terorista. Kahina-hinala po ang kilos niya at ang bitbit niyang kahon,” sabi ng isang babae.
Ipinahinto ng dalawang pulis ang dyip at kinausap ang babaeng tampulan ng hinala ng mga pasahero.
“A, e miss mawalang galang na ha. Maaari bang makita ang laman ng kahong iyan?” sabi ng batang pulis sabay turo sa bitbit ng babae.
“Sige po, sir. Pero bakit po ba? May nagawa po ba akong masama?” tanong nito.
“Pasensya na miss pero kailangan muna naming makita ang loob ng kahon,” pakiusap ng may edad na pulis.
Walang nagawa ang babae at binuksan ang kahon. Laking gulat naman ng mga pasahero at ng dalawang pulis kung ano ng laman ng kahon.
“Mga damit?” takang sabi ng mas batang pulis.
“Mga paninda ko po iyan. Dadalhin ko po sa Quiapo para maibenta,” sagot ng babae na napag-alaman pala ng mga pulis na isang negosyanteng Muslim.
Labis ang pagkapahiya ng mga pasahero sa panghuhusga nila sa babae. Napapailing na lamang si Eloisa sa mga nangyari sa dyip. Muntik na rin kasi niyang husgahan ang babaeng pasahero, mabuti na lamang at napatunayan ng mga pulis na hindi ito masamang tao. Napagtanto niya na huwag basta-basta manghuhusga sa kapwa kung walang matibay na ebidensiya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!