Inday TrendingInday Trending
Mahilig Magsulat ng Katatakutan ang Babaeng Manunulat Kaya Pumayag Siyang Makilala ang Isang Kilalang Mambabarang, Isang Malagim na Pangyayari Pala ang Mararanasan Niya

Mahilig Magsulat ng Katatakutan ang Babaeng Manunulat Kaya Pumayag Siyang Makilala ang Isang Kilalang Mambabarang, Isang Malagim na Pangyayari Pala ang Mararanasan Niya

Hatinggabi na pero nakaharap pa rin si Karen sa computer. Sa kaliwang bahagi ng kanyang mesa ay nakapatong ang tatlong tasang kape at sa kanang banda naman ay isang ashtray na nag-uumapaw ang upos ng sigarilyo.

Ilang gabi nang blangko ang utak niya. Kailangan niya na may maisulat sa ginagawa niyang bagong libro. Isa siyang batikang manunulat ng mga kuwentong nakakatakot, hiwaga at kababalaghan. Sa isip niya ay gusto niya ng bagong ideya. Sawa na siya sa mga kuwento tungkol sa aswang, multo, maligno at iba pa. Mas gusto niya bago, isang istorya na base sa reyalidad ngunit nandoon pa rin ang hiwaga at kilabot. Mayamaya ay dinalaw na rin siya ng antok at nakatulog siya sa kinauupuan.

Alas singko ng umaga ay nagising siya dahil biglang tumunog ang kanyang cell phone at agad niya iyong sinagot.

“Hello, Jeffrey napatawag ka?” aniya.

“Good morning, Karen! Ginising ba kita? Kailangan mo kasi itong malaman, e. Di ba nagsusulat ka ng bagong libro tungkol sa kababalaghan? May nagkuwento kasi sa akin ng tungkol sa isang kilalang mambabarang na si Aling Laureana, itinext ko na sa iyo kung saan siya matatagpuan,” sabi ng lalaki sa kabilang linya.

Binasa muna ni Karen ang sinasabing text message at saka binalikan ang kausap.

“Ang layo naman ng lugar na ito! Sigurado ka bang may mapapala ako kapag nagpunta ako doon?” singhal ng babae.

“Sigurado iyan! Ang sabi nung nakausap ko, sobrang lakas ng mambabarang na iyon at kinatatakutan daw talaga sa lugar.”

Nagdesisyon si Karen na puntahan ang lugar kung saan makikita ang sinasabing mambabarang. Nagpasama siya kay Jeffrey para may kasama siyang lalaki.

Makalipas ang halos labing-dalawang oras na biyahe ay narating din nila ang lugar. Agad nilang natanawan ang isang grupo bng mga matatanda na nakaupo sa harap ng isang maliit na tindahan.

“Magandang gabi po. Puwede po bang magtanong? San po ba nakatira si Aling Laureana?” magalang na tanong ni Karen.

“Ano ang kailangan ninyo sa kanya?” balik-tanong ng isang matandang babae.

“Ay! Gusto ko lang po siya makilala para ma-interview ko po. Ako po si Karen Magdalas isa po akong manunulat galing ng Maynila,” sagot niya.

“A, ganoon ba. E, kailangan niyong iwanan ang sasakyan niyo magmula dito. Diyan sag gawing kaliwa kung natatanaw niyo yung maliit na ilaw na nanggagaling sa gasera. Dun kayo pupunta. Baybayin niyo na lang yung pilapilan,” detalyadong sagot ng matandang lalaki.

Sinunod nila ang sabi ng matanda at tinungo ang kanilang pakay. Matapos ang humigit-kumulang na limang minuto ay nasa tapat na sila ng maliit na kubo. Tangkang kakatukin na sana nila ang pinto ngunit may nagbukas niyon na parang naramdaman ang pagdating nila.

“Anong kailangan ninyo?” bungad na tanong ng isang matandang babae.

“Magandang gabi po. Kayo po ba si Aling Laureana? Ako po si Karen Magdalas.”

Hindi mapigilan ni Karen ang pangangatog ng kanyang tinig dulot ng pinagsamang matinding takot at lamig sa lugar. Sabay magalang na inilahad ang kanyang kamay. Inabot naman iyon ng matanda.

“Kilala kita hija. Paboritong basahin ng apo ko ang mga isinulat mong kuwento. Halina’t pumasok kayo sa loob,” paanyaya ni Aling Laureana.

Tahimik lamang at walang emosyong nakatingin sa mga bisita ang matanda nang umupo ang mga ito sa kahoy na upuan.

“A, e Aling Laureana. Mawalang galang na po. Totoo po ba na isa kayong mambabarang?” tanong ni Karen.

“Totoo iyon hija!” walang kagatul-gatol na sagot ng matandang babae.

At nagkatinginan na lamang si Karen at si Jeffrey sa ibinulgar nito.

“Pasensya na ngunit kung narito kayo para gawing istorya ang buhay ko ay wala kayong mapapala. Hindi ko gusto ang mga ganyang bagay at sana ako ay inyong maunawaan. Lumalalim na ang gabi. Mawalang galang na din sa inyo ngunit kailangan ko ng magpahinga,” pagtanggi ng matanda.

Natulala naman sina Karen at Jeffrey sa sinabi ng matanda. Wala silang nagawa kundi ang gumayak na paalis dahil tinanggihan na sila nito.

Habang pabalik na ng Maynila ay may kakaibang nararamdaman si Karen. Nahihilo siya at parang anumang oras ay babaligtad na ang kanyang sikmura. Nang makauwi sa bahay ay biglang umikot ang kanyang paningin hanggang sa maramdaman niya ang paparating na hindi mapigilang pagduwal. Nagimbal siya at halos mawalan ng malay nang makita niya ang kanyang sarili na sumusuka ng dugo na nilahukan ng iba’t ibang klaseng insekto na hindi pa niya nakikita buong buhay niya.

“Diyos ko, ano itong nangyayari sa akin?!” hiyaw ng babae.

Lingid sa kaalaman ni Karen ay ganoon din ang nangyari sa kaibigang si Jeffrey na halos mawala sa katinuan dahil sa kahit anong klaseng paliligo at pagkakawag ang gawin ng lalaki ay patuloy siyang pinuputakte ng libu-libo at hindi pangkaraniwang insekto.

Samantala, sa kubo ni Aling Laureana…

“Payag naman sana akong magpa-interview sa inyo kung tinulungan niyo lang sana ang apo ko,” bulong ng matanda sa sarili.

Walang kaalam-alam sina Karen at Jeffrey na na-hit and run nila kanina ang apong babae ni Aling Laureana na si Bea. Mabilis ang takbo ng kanilang sasakyan habang papunta sila sa kinaroroonan ng matanda nang hindi nila sinasadyang mabangga ang batang babae at nakaladkad. Pagkakataon nilang tulungan ang kawawang apo ni Aling Laureana ngunit napagpasyahan nilang iwan ito sa kalunus-lunos na kalagayan. Mabuti na lamang at nang nakaalis sila ay may dumating na grupo ng mga kabinataang lalaki at tinulungan ang bata at iniuwi sa kubo ng matandang babae. Dahil sa kakaibang karunungang taglay ay pinagaling ni Aling Laureana ang apo. At dahil din sa taglay na karunungang itim ay nalaman niya ang katampalasanang ginawa nina Karen at Jeffrey sa kanyang apo kaya wala siyang nagawa kundi bigyan ng matinding leksyon ang dalawa na hinding-hindi makakalimutan ng mga ito habang nabubuhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement