Pinilit ng Ginang na Ipakasal ang Anak sa Mayaman, Isang Panaginip ang Magbabago sa Kanyang Isip
Malungkot na tumanaw sa labas si Elizabeth, ilang marahas na buntong hininga habang nakahalukipkip pa ay muli siyang humarap sa anak na si Carmina.
“Pasensya ka na anak. Ito lang raw ang maaari nating gawin para hindi tuluyang mawala sa atin ang negosyong pinaghirapan ng daddy mo,”
Nangangatog na nagsalita naman ang dalaga, “W-Wala na ho bang ibang paraan mommy?”
Umiling si Elizabeth. Mahirap rin sa kanya ito, kamamatay lamang ng kanyang mister. Maganda sana ang kanilang buhay, marangya at nabibili lahat ng gusto dahil magaling magpatakbo ng negosyo ang kanyang asawa. Kaya lang nang mawala ang lalaki ay para silang dinagukan ng tadhana.
Nagkandaloko-loko ang takbo ng kumpanya at ngayon nga ay mawawala na sa kanila. Mabuti na lamang at nagmagandang loob si Mr.Ramirez, isa sa mga kakilala nilang businessman na sagipin ang kanilang negosyo. Pero may kapalit, kailangang ipakasal niya ang anak sa unico hijo nitong si Bren.
Napapaiyak na tumango ang dalaga, “Naiintindihan ko naman po mommy. Para sa inyo ni daddy itong gagawin ko,” bakas ang matinding lungkot sa mukha ng babae.
Tumalikod na lamang si Elizabeth dahil di niya rin kayang makitang nalulungkot ang anak. Tinawagan niya si Mr. Ramirez at kinumpirma ang pagpayag ni Carmina.
Tuwang tuwa ang matanda at kinabukasan rin daw ay mamamanhikan sa kanila.
Mabilis lumipas ang oras at ngayon nga ay hinihintay na nila ang mga Ramirez sa kanilang bahay. Nagulat nalang silang mag-ina nang may ilang malalakas na katok ang narinig sa kanilang pintuan.
“Amelia buksan mo nga,” utos ni Elizabeth sa kasambahay.
“M-Ma’am, si Sir Alex po.” nakatungong sabi ng katulong nang makabalik ito. Ang tinutukoy nito ay ang nobyo ng kanyang anak.
Si Elizabeth na ang tumayo dahil tulala lamang sa isang tabi si Carmina habang umiiyak.
“Tita, bakit?” iyon lang ang sabi ng binata, puno ito ng hinanakit at pagdaramdam. Ah, sayang. Mabait pa naman itong si Alex at alam niyang mahal na mahal nito ang kanyang anak.
Sa katunayan nga ay ito na ang gusto niya para kay Carmina, kaya lang ay di pala umaayon ang tadhana.
“Pasensya ka na. Para sa pamilya namin ito, kung mahal mo talaga si Carmina ay mauunawaan mo. Para ito sa magandang buhay niya,” matigas na wika niya.
Hindi makapaniwalang tinitigan siya ng lalaki, marahil ay hindi nito maintindihan kung paanong naging ‘para kay Carmina’ ang pamimilit niyang ipakasal ang dalaga sa hindi naman nito mahal.
Sinaraduhan niya na ito ng pinto at nang di pa rin umaalis ay pinakaladkad niya sa mga gwardya.
Sakto namang dating ng mga Ramirez, maayos nilang nai-plano ang pag iisang dibdib at ang preparasyon ay magaganap sa loob ng isang buwan dahil atat na atat na ang kanyang mga balae na ipakasal ang anak.
Lumipas ang panahon at kinabukasan ay kasal na ng anak ni Elizabeth. Halu-halong emosyon ang kanyang nararamdaman, mag-isa siyang nakahiga sa kama habang nakatitig sa kisame.
Gwapo naman si Bren, mukhang mabait at maginoo. Tiyak kong magiging masaya si Carmina ko sa piling niya, pampalubag loob ni Elizabeth sa kanyang sarili.
Totoo naman iyon, magalang rin naman ang binata at matalinong kausap. Hindi nga niya maunawaan kung bakit kailangan pa ng magulang nitong ipagkasundo ito gayong sa kagwapuhan nito ay sigurado namang maraming magkakandarapang babae na matali ito.
Hindi namalayan ni Elizabeth na hinila na siya ng antok. Ilang oras ang lumipas ay hindi malaman ng ginang kung bakit bigla na lamang siyang napadilat.
Pero may iba sa paligid, sobrang dilim.
“Amelia? Bakit brown out?” tawag niya sa kasambahay pero walang sumasagot.
Pakapa-kapa siyang naglakad palabas ng kanyang kwarto, ang dilim talaga. Kung hindi niya lang kabisado ay baka natalisod na siya. Pagbukas niya ng pinto ay maraming tao sa salas.
May nagdarasal at may mga umiiyak. Nakiraan siya sa mga ito hanggang makarating siya sa unahan, kung saan napako siya sa kanyang kinatatayuan sa nakita.
Isang ataul.
Unti-unti niyang nilapitan iyon at napasigaw siya sa nakita.
“Anak!” nanginginig pa ang kamay niyang itinakip sa bibig. Tuloy-tuloy ang patak ng luha niya sa salamin ng ataul.
Naroon si Carmina, naninilaw na habang nakahimlay. Nakasuot ito ng damit pang-kasal at may belo pa. Nang mapasulyap siya sa bandang dibdib nito ay nangilabot siya dahil nakatarak roon ang isang kutsilyo.
“Diyos ko, hindi!” napabangon si Elizabeth sa kanyang kama. Panaginip lang pala!
Sinulyapan niya ang oras, alas tres pa lamang ng madaling araw. Uminom siya ng maraming tubig at bumalik sa higaan pero hindi na siya makatulog muli.
“Mommy, okay ka lang po ba?” tanong ni Carmina, nakasakay na sila ngayon sa kotse papunta sa simbahan. Tulala si Elizabeth, balisa siya dahil sa nangyari kagabi.
Alam niyang panaginip lang iyon pero buo na ang kanyang desisyon. Bahala nang maghirap sila, ang mahalaga ay masaya ang kanyang anak.
“Carmina, hindi na natin itutuloy ang kasal.”
Gulat ang dalaga,”Pero mommy paano ang-“
“Ako ang bahala.Basta kumapit ka sa akin okay?”
Masayang tumangu-tango ito. Dumiretso pa rin sila sa simbahan pero iyon ay para pormal na sabihan na lamang ang mga Ramirez na umaatras na sila.
Medyo nagalit ang mag-asawa, hindi umimik ang mga ito. Basta pinauwi na lamang ang mga bisita.
Samantalang iba si Bren. Nagngangalit ang panga ng lalaki habang mapanganib na sumulyap sa kanilang mag-ina.
“P*tang ina nyong dalawa! Ikaw Carmina, magpapakasal sabi tayo! Halika!” sabi nito at pagalit na hinaltak ang braso ng dalaga papunta sa altar.
Pinagtinginan sila ng mga bisita at sinubukan ng nanay ni Bren na pigilan ang anak.
“Tama na Bren mapapahiya lang tayo lalo-“
“Tumahimik ka! Gaga!” sabi ng binata at sinampal nang malakas ang sariling ina na napahiga sa sahig.
Hindi makapagsalita si Elizabeth, ito ang lalaking muntik niya nang ipakasal sa kanyang anak?
Masyadong mabilis ang mga pangyayari na namalayan na lamang niyang nagpapambuno na si Alex at Bren, lupaypay ang huli dahil sa tindi ng mga tinamong suntok. Tapos noon ay buhat-buhat na ni Alex palabas ng simbahan ang kanyang anak.
“Patawarin nyo ako..patawarin nyo akong dalawa kung sinubukan ko kayong paglayuin, mali ako.” hingi nya ng tawad kay Carmina at Alex.
Niyakap naman siya ng mga ito bilang sagot.
Natuklasan nilang kaya pala walang magkagusto kay Bren ay dahil may sira ang ulo nito. Mahilig manakit, pati ang magulang ay hindi na iginalang. Kaya nga ganoon nalang ang pagnanais ng mga Ramirez na makapag- asawa na ito.
Samantalang nakabangon namang muli ang kanilang kumpanya, sa tulong ni Alex na magaling palang magpatakbo at makipag usap sa mga investor. Ikinasal si Carmina at ang binata.
Wala nang mas sasaya pa kay Elizabeth dahil nasagip ang negosyo ng mister at higit sa lahat ay masaya pa ang kanyang anak.