Inday TrendingInday Trending
Lokong Inom ng Alak ang Seaman, Napaluha Nalang Siya sa Kanyang Sinapit

Lokong Inom ng Alak ang Seaman, Napaluha Nalang Siya sa Kanyang Sinapit

Dahan-dahang naglakad si Melencio papasok sa kanilang bahay, pero dahil nga siguro lasing na siya ay hindi maiwasang nakagawa pa rin siya ng ingay. Nasagi niya ang picture frame na nakapatong sa mesang katabi ng pinto.

“Patay,” usal niya.

Kasunod noon ay bumukas ang ilaw, ibinungad ang misis niyang si Yollie na kanina pa pala naghihintay.

“Uminom ka na naman? Diyos ko naman Encio!” nanggagalaiting sabi nito.

Napakamot na lang sa ulo ang lalaki, “Nayaya lang diyan sa labas. Nahihiya naman akong tumanggi, pakisama nalang.”

Taas ang kilay na lumapit sa kanya ang babae. Inamoy-amoy siya nito, “Iyan ba ang shot shot lang na sinasabi mo? Nakita mo na ba ang sarili mo? Lango ka eh! Magsisinungaling na lang ayaw pang galingan. Ewan ko sayo!” bulyaw nito bago nag-martsa na paakyat sa kanilang kwarto.

Hindi ito ang unang beses na nag-away sila dahil sa alak, lokong inom kasi ang lalaki. Pinapayagan naman siya noon ni Yollie, kaya lang nang araw-arawin niya na ay doon na nagalit ang babae.

Dumadalas na tuloy ang hindi nila pagkakaintindihan. Sampung taon nang nagsasama ang mag-asawa at mayroon silang tatlong anak. Ang panganay niya ay nasa 2nd year highschool na habang grade 3 naman ang bunso.

Ang misis niya ay abala sa pagbabantay sa kanilang mga anak, habang siya naman ay seaman. Malaki ang sahod niya kaya katwiran niya ay ano ba naman ang mag-enjoy diba? Hindi naman siya nagkukulang sa kanyang pamilya.

Tuwing magbabakasyon siya sa Pilipinas, na karaniwan ay tumatagal ng dalawang buwan ay walang araw na hindi siya lasing. Imbes na sulitin ang oras para makipaglaro sa mga anak, puro kumpare ang kasama niya at uuwi na lamang kapag lupaypay na sa kalasingan.

Mabilis lumipas ang panahon at sumapit na ang araw ng muling pag-alis ni Melencio. Umiiyak pa ang kanyang bunso na niyakap siya at iniabot ang nakatuping papel bago siya sumakay sa taxi.

“Magpapakabait kayo sa mama nyo ha? Ronnie, ikaw na ang bahala sa mama at mga kapatid mo okay?” bilin niya sa panganay, ginulo pa ang buhok nito.

“Papa di mo po ba babasahin?” nakangusong sabi ng kanyang bunsong si Marie.

Sinulyapan sandali ni Melencio ang kanyang relo,male-late na siya. Pero dahil mukhang magtatampo ang kanyang anak ay pinagbigyan niya na rin.

“Sige na nga. Malakas ka sa papa eh,”

Papa,

Ingat ka po sa paglalayag mo, palagi mo po kaming ivi-videocall kasi nami-miss ka namin nina Kuya. Sana pagbalik mo papa wag ka na pong iinom, kahit konting oras lang po basta makalaro ka sana namin.

Marami po akong stars sa school pero hindi ko na po naipakita kasi lasing ka po kapag umuuwi. Mahal na mahal ka namin papa.

Marie

Natulala siya sa sulat ng anak, doon niya lang naisip na ang bilis ng panahon. Naubos nga naman ang bakasyon niya sa mga kumpare at ni hindi man lang nagawang kumustahin ang pamilya.

Nayakap niya nang mahigpit ang misis.

“Yollie, patawarin mo ako-” pero di niya na naituloy ang sasabihin dahil biglang gumuhit ang matinding kirot sa kanyang dibdib.

Bigla ang paglabo ng kanyang paningin, namanhid rin yata ang buong katawan niya. Di namamalayan ni Melencio na natumba na siya sa sahig.

“Encio!” huling sigaw ni Yollie na kanyang narinig.

Dahan-dahang iminulat ni Melencio ang kanyang mga mata. Bumungad ang kanyang mga anak, may bitbit silang cake at mga lobo. Ang misis nya naman ay nakaupo sa tabi ng kamang kanyang hinihigaan.

“Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong ni Yollie.

Hirap na ngumiti ang lalaki. Nagsimula namang magkantahan ang kanyang mga anak.

“Happy Birthday papa, Happy birthday papa, happy birthday happy birthday, happy birthday papa!” sabay-sabay na kanta ng mga anak.

Unti-unting tumulo ang luha ni Melencio, ang hikbi ay napunta na sa malakas na pag-iyak. Hirap na hirap siyang gumalaw at tabingi pa ang labi.

“S-Salamat..mga anak, salamat,” pinilit niyang magsalita.

Lumapit sa kanya ang bunsong si Marie, na ngayon ay 30 anyos na.

“Happy 62nd birthday papa, mahal na mahal ka namin,” sabi nito sabay halik sa kanyang noo.

Tama, 62 na si Melencio. Maraming taon na ang nakalipas mula noong tumumba siya sa harap ng pamilya. Inatake siya sa puso at na-stroke.

Buhat noon ay baldado na siya at nakahiga na lamang sa kama, ni hindi niya magawang tumayo bagamat sa tulong ng therapy ay nagagawa niyang magsalita kahit na paano.

Maraming panahon ang nasayang dahil sa inakala niyang panandaliang ‘ligaya’ noon. Kung hindi siya naloko sa pag inom, nalaro niya pa sana ang mga anak. Nagabayan ang mga ito, nasamahan at nakakwentuhan.

Magsisi man si Melencio ay huli na, malaki rin ang pasasalamat niya na sa kabila ng kanyang pagkakamali ay di siya iniwan ng mga taong tunay na nagmamahal sa kanya. Hindi ang kanyang mga kumpare na kasama niya lang noon sa good time, kundi ang kanyang pamilya.

Advertisement