Halos Ikulong na ng Babae ang Anak sa Sobrang Pag-Iingat Rito, Nakakaiyak Naman Pala ang Kanyang Dahilan
Pitong taon nang kasal ang mag asawang Joe at Ella, mayroon silang isang anak na apat na taong gulang. Si Tyrone. Mabait ang bata at bibo kaya maraming natutuwa rito, palagi nga silang naka-kantsawan na sundan na raw ito dahil halatang sabik na sa kalaro pero ngiti na lamang ang isinasagot ng mag-asawa.
“Tyrone, ingat anak sa pagtakbo. Baka mauntog ka!” nag-aalalang sabi ni Ella, narito sila ngayon sa bakuran ng kanilang bahay. Araw kasi ng Linggo, walang pasok sa opisina si Joe kaya nagba-bonding ang pamilya.
“Mommy look, may lupa ang kamay ko,” tumatawang sabi ng bata.
“Naku naman. Halika nga rito,” binuhat ng babae ang anak at hinugasan ng kamay. Tapos ay pinaupo ito sa isang tabi, pumasok sa loob ng bahay si Ella at pagbalik niya ay may bitbit na siyang alcohol.
“Mommy wala naman po akong sugat eh,”
“Hindi lang naman sa sugat ito. Ang dami-dami germs dyan,” panay ang pahid ng ina ng alcohol sa kamay ng bata.
Nang matapos ay tiningnan ni Ella nang diretso sa mata si Tyrone, “Umupo ka na lang rito. Magkwentuhan nalang tayo, okay?”
Nalulungkot man ay tumango naman ang bata.
“Mommy, parang gusto ni Tyrone na maglaro. Hayaan mo na siya, minsan lang naman siya nakakatakbo ng ganyan dahil kapag weekdays ay nasa loob lang kayo ng bahay diba?” sabi ni Joe.
Tiningnan ito ng makahulugan ni Ella, pero ilang buntong hininga lang ay pumayag na rin ang babae.
“Okay, go ahead. Basta mag-iingat ha?”
“Yehey! Thank you Mommy!” sagot ng bata, muling nagtatakbo sa bakuran. Nang mapagod ito ay umupo sa isang gilid, may hawak itong bulaklak at naglalarong mag isa.
Nakangiti naman ang mag-asawa habang nakatanaw sa anak.
“Honey, alam kong nag-aalala ka kay Tyrone pero wag naman nating ikulong halos ang anak natin. Tayo pa ang magiging dahilan kaya mahina siya sa panganib ng mundo eh,” sabi ni Joe.
“Alam ko naman iyan honey. Masisisi mo ba ako? Natatakot lang ako. Sakitin ang anak natin, tsaka ano ba ang trabaho nating mga magulang? Hindi ba ang protektahan ang mga anak?” balik tanong ni Ella.
“Protektahan po, hindi posasan. Paano siya matututo aber? Normal sa bata ang masugatan sa paglalaro, gustuhin mo man ay hindi mo mahaharang iyon. Darating at darating ang mga ganoong pagkakataon,”
Hindi na sumagot pa si Ella. May punto naman ang kanyang asawa, sadyang di niya lang maalis sa dibdib ang matinding pag aalala.
Napalingon sila pareho nang mapansing tila nagsasalitang mag-isa ang bata.
“Yellow! Yellow flower, ikaw ano ang gusto mo? Pink? Wala naman tayong tanim na ganoon eh,” sabi nito.
Nagkatinginan sila, talagang gusto na ni Tyrone ng kalaro. Balakin man nilang mag-asawa ay malabo na namang mangyari na mabigyan nila ito ng kapatid.
“Ayan! Ayan na nga ba ang sinasabi ko! Dapat kasi ay hindi na natin hinayaang maglaro sa labas eh! Ang kulit ninyo kasing mag-ama eh,” sabi ni Ella kinagabihan.
Napataas na ang boses ng babae dahil sa pag-aalala, nilalagnat kasi si Tyrone. Si Joe naman ay hindi na kumibo, naiintindihan na mabilis mag-panic ang misis niya sa mga ganitong sitwasyon.
Samantalang ang bata ay nakangiti lang sa kawalan.
“Honey wag ka nang mag-alala. Diba at sabi ng doctor kanina ay painumin ng paracetamol? Uminom na naman siya noon, lagnat laki lang yan,” sabi ni Joe, nang mapansin kasi nilang tumaas ang temperatura ng anak ay dinala agad nila ito sa doctor.
“Ano’ng wag mag alala? Maaalis mo ba iyon sa akin?! Kung makapagsalita ka Joe, parang nalimot mo na,” matalim ang tingin na sabi ni Ella.
Bumuntong hininga ang mister, “Hindi sa ganoon. Pero lalong magkakasakit ang anak mo sa pagpapanic mo ng ganyan eh. Look at him, naka-smile lang sayo o,” nguso nito sa bata.
Nang magawi ang tingin ni Ella sa anak ay medyo kumalma siya, itinaas pa kasi ni Tyrone ang dalawang kamay at nagpapayakap sa kanya. Lumapit naman ang babae.
“P-Pasensya ka na anak. Alam mo namang love na love ka ni Mommy diba? Hindi ako galit sayo, sobrang worried lang ako.”
Tumango ang bata, “Alam ko naman po Mommy, pero may nagsabi sa akin na strong ako. Kaya okay lang po itong lagnat ko Mommy, kaya ko itong labanan,”
Napapangiting tumango si Ella, “Oo naman, strong ka anak. Fighter ka nga eh, sino ang nagsabi sayo niyan?”
“Kuya ko po.” simpleng sagot nito.
“K-Kuya? Sino’ng Kuya anak?” sa pagkakataong iyon ay nagkatinginan ang mag-asawa.
Inosente namang nagpaliwanag si Tyrone, “Kuya Tyler ko po. Mas matanda lang siya sa akin ng 5 minutes po noong ipanganak nyo kami diba? Sabi nga ni Kuya, nami-miss niya na raw ang hug mo kasi iyon ang huli niyang naramdaman bago siya naging angel.
Palagi ko po siyang kalaro, sabi niya sa akin strong raw ako..kasi palagi ko siyang kasama. Tsaka dapat raw matapang ako para sa inyo ni Daddy, para hindi kayo malulungkot. Lalo ka na po Mommy, love na love ka po niya.”
Tuloy-tuloy ang daloy ng luha ni Ella, maging si Joe ay hindi makapaniwala sa mga naririnig sa anak.
Hirap magbuntis ang babae noon kaya nang sa wakas ay makabuo sila, at kambal pa, ay ganoon nalang ang tuwa nilang mag-asawa. Ang problema lang ay hindi nabuhay ang isa, iyon nga si Tyler. Ilang minuto lang ang itinagal ng sanggol at binawian na rin ito ng buhay.
Dahil nga mahina ang matris ni Ella ay nagkalamat iyon at di na siya mabubuntis pang muli.
Ang pangyayaring iyon ang dahilan kung bakit ingat na ingat sila sa bata.
Hindi alam nina Joe at Ella kung paano nalaman ng anak ang lahat ng sinabi nito, pero isa lang ang sigurado sila-isang himala ang nagaganap.
Niyakap nila ng sabay si Tyrone, tapos ay lumuluhang tumingin sa tabi nito.
“Mahal namin kayong dalawa, mga anak..”