Inday TrendingInday Trending
Bigla na Lamang Iniwan ng Lalaki ang Kanyang Nobya Upang Magtungo sa Ibang Bansa; Sa Kanyang Pagbabalik, Mabibigyan Pa Kaya ng Pagkakataon ang Kanilang Naudlot na Pag-iibigan?

Bigla na Lamang Iniwan ng Lalaki ang Kanyang Nobya Upang Magtungo sa Ibang Bansa; Sa Kanyang Pagbabalik, Mabibigyan Pa Kaya ng Pagkakataon ang Kanilang Naudlot na Pag-iibigan?

Habang nakatayo sa may kanto, ilang hakbang lamang mula sa kanilang tahanan, pinagmamasdan ni Francheska ang gwapong lalaking nakatayo ilang dipa lamang ang agwat sa kanya.

Hindi naman barker ng jeep ang binata subalit tila ba tinawag nito ang nananahimik na puso ni Francheska. Sa di inaasahang pagkakataon ay nagtama ang kanilang paningin. Biglang bumilis ang tibok puso ng dalaga na tila ba lalabas mula sa kanyang dibdib.

Tuluyan ngang natunaw ang dalaga nang biglang ngumiti ang gwapong lalaking nakatayo malapit sa kanya. Sa hindi malamang dahilan, para bang na-magnet siya sa kislap ng magagandang mata ng binata. Iyon na rin pala ang simula ng kanilang pagkakakilala.

“Nag-iintay ka rin ba ng jeep na masasakyan?” ang sabi ng malalim at machong boses ng lalaki.

“Ah oo, papasok na sana ako sa school,” mahinhing sagot naman ng dalaga.

“Ah sige,” kumaway ang lalaki at saka pumara ng paparating na jeep, “sumakay ka na, mag-iingat ka ha?” nakangiting sabi naman ng binata sa dalaga.

Hindi pa sila masyadong magkakilala pero ramdam na ramdam na agad ng dalaga ang kabaitan ng lalaki. Halos hindi naman makagalaw sa kilig ang dalaga sa ginawa ng gwapong binata.

“Karl nga pala!” sigaw ng binata na tila ba hindi nahihiyang isigaw ang pangalan niya habang papaalis ang sinasakyang jeep ni Francheska

Doon nagsimulang umusbong ang kanilang pagkakaibigan. Nagsimula na silang lumabas ng silang dalawa lamang. Tumambay sa harapan ng kani-kanilang mga bahay, magkwentuhan sa ilalim ng mga bituin at kung anu-ano pa. Ang pagkakaibigan nila ay mas lumalim pa simula noong sabay na silang nagsisimba, manood ng sine at kumain ng mga paborito nilang mga pagkain.

Lumikha silang dalawa ng isang maliit na mundo kung saan sila ang tauhan, nagkakaintindihan at nagkakaunawaan. Isang mundo na tanging masasayang ngiti lamang ang makikita at maliligayang tinig lamang ang mga naririnig.

Nang lubusan na nilang makilala ang isa’t isa ay niyaya na ni Karl ang kaibigang dalaga na lumagpas mula sa simpleng pagkakaibigan lamang.

“Francheska, matagal na tayong magkakilala at malalim na rin ang ating pinagsamahan, pero nais ko sana ng isang relasyon na higit pa sa pagkakaibigan,” nahihiyang sabi ng binata.

“Nililigawan mo ba ako?” tanong naman ng dalaga na tila ba nang-aasar pa sa tono ng boses.

“Kung papayag ka sana, eh gusto ko sanang ligawan ka,” nakangiting tugon naman ni Karl.

“Sinasagot na kita. Baka kasi magbago pa ang isip mo!” masaya at natatawang sagot ni Francheska.

Dahan-dahang lumapit si Karl patungo sa dalaga at binigyan ito ng isang halik mula sa noo, pababa ng ilong hanggang makarating sa mapupulang labi nito. Tila ba nasa ulap ang dalawa sa sobrang ligayang nadarama ng mga oras na iyon.

Hiling ni Francheska bago magtapos ang araw na alagaan ang kanyang puso pagka’t si Karl ang kauna-unahang lalaki na kanyang pinag-alayan ng kanyang puso at pag-ibig. Nahihiyang umamin naman din si Karl na ang dalaga din ang unang babaeng kanyang minahal.

Minahal nila ang isa’t isa na para bang wala nang makapaghihiwalay pa sa kanila. Bawat oras na sila’y magkasama ay napupuno ng kulay at sigla. Kanilang-kanila lamang ang mundo na binubuo ng naglalagablab nilang mga puso.

Lahat ay maayos na at para bang wala nang katapusan nang biglang isang araw ay nagpaalam si Karl sa kanyang kasintahan na tutungo daw sa magulong lungsod ng Maynila.

“Mayroon lamang akong aasikasuhin doon. Para sa aking kinabukasan at sa ating magiging buhay sa hinaharap,” paalam ng binata sa kanyang nobya.

“Ipangako mo lamang na babalik ka dito, na babalik ka pa rin sa akin,” malungkot na sagot ng dalaga.

Pero wala pang isang linggo ang nakalilipas ay nakatanggap ng tawag si Francheska mula sa kanyang nobyo, nagpapaalam dahil paalis na pala ito patungong Belgium. Pinetisyon pala si Karl ng kanyang mga magulang na doo’y permanente nang nagtratrabaho at maninirahan.

“Akala ko ba babalik ka? Akala ko ba magiging maayos ang lahat? Pero bakit? Bakit kailangan mo akong iwan mag-isa dito? Paano ako? Paano na tayo?” lumuluhang tanong ni Francheska mula sa kanyang telepono.

“Lahat ng ito ay para sa atin din. Mabilis lamang ang panahon at ilang tulog lamang ay nasa tabi mo na akong muli. Nais ko rin na pagtuunan mo muna ng pansin ang iyong pag-aaral. Gusto kong makatapos ka at matupad mo lahat ng matataas mong pangarap,” paliwanag naman ni Karl mula sa kabilang linya.

Wala naman nang iba pang nagawa si Francheska kundi tanggapin ang desisyon ng kanyang kasintahan. Gabi-gabi ay napupuno ng luha ang kanyang mga unan dahil sa sobrang pag-iyak.

Tanging sa tawag, emails at text lamang sila nagkakausap. Magkabilang mundo ang kanilang pagitan at milya-milyang layo naman ang distansya ng mga puso nilang nangungulila sa isa’t isa.

Pinagtuunan ng pansin ni Francheska ang kanyang pag-aaral, hanggang sa makatapos siya. Masayang-masaya sila, lalong-lalo na si Karl sa narating ng kanyang kasintahan.

“Ilang taon na lamang at magkakasama na tayong dalawa,” masayang sabi ng binata.

“Hindi na ako makapaghintay, mahal ko. Ang lahat ng ito ay para sa’yo, para sa future natin,” tuwang-tuwa na sagot naman ng dalaga.

Ang akala nila’y distansya lamang ang problema sa kanilang pag-ibig, subalit dumating pa ang malaking pagsubok sa kanilang relasyon. Nagkaroon ng iba si Karl habang nasa Belgium. Pilit namang inayos ni Francheska ang lahat at sinubukang ibalik ang lahat kung saan at paano sila nagsimula, pero nabigo siya.

Lahat ng pangarap, lahat ng plano at lahat ng ninanais nila para sa hinaharap ay unti-unting gumuho at naglaho. Tumindi pa ang kanilang pag-aawayan na naging dahilan upang masira ang relasyong kaytagal nilang iningatan.

Limang taon din ang lumipas. Uso na ang facebook at iba pang social media, may natanggap si Francheska na isang friend request mula sa dating kasintahan. Noong una’y nagdalawang isip pa siya, pero nakumbinsi niya ang sarili na tanggapin ang friend request ni Karl.

Nagsimulang mangamusta ang binata na siya namang naging dahilan ng palagian nilang pag-uusap. Ang dating kasintahan ang naging balikat na sandalan niya sa tuwing dumaranas siya ng matinding problema.

Humingi naman ng tawad si Karl sa mga nagawa niyang pagkakamali noon:

“Mapatawad mo pa sana ako sa aking mga naging pagkakamali noon. Di ko intensyon na saktan ka. Walang araw ang hindi kita inisip at pinagsisihan lahat ng aking maling nagawa,” malungkot na sabi ng binata habang kausap sa video call si Francheska.

“Matagal naman na iyon. Matagal na kitang napatawad. Kung hindi dahil sa mga pangyayaring iyon, hindi ko siguro matututunan ang mga bagay na magpapabago ng buhay ko. Okay na ako, sana maging maayos ka na din,” nakangiting tugon naman ng dalaga.

Mula sa madalas na pag-uusap sa phone, isang araw ay napagpasyahan ni Karl na katagpuin ang dating kasintahan. Makalipas ang matagal na panahon, nagkaharap ulit ang dalawa.

Nakaramdam si Francheska ng sobrang saya na nahahaluan ng kaunting kaba. Nasa airport sila noon at tila ba bumagal ang mundo habang papalapit si Karl sa kanya upang bigyan siya ng isang mahigpit na yakap. Parang panaginip lang ang lahat, pero tunay ang mga nangyayari. Muling nagbalik sa kanyang mga yakap ang lalaking unang minahal.

December 24, 2017, opisyal na silang nagkabalikan. Matapos ang napakaraming pagsubok, ibinalik pa rin sila sa piling ng isa’t isa. Para kay Francheska, siguro ay sila nga talaga ang nakatadhana para sa isa’t isa.

Halos isang taon na din ang lumipas ng masaya nilang pagbabalikan, naiplano na rin ang mangyayaring kasal sana, subalit naging mapaglaro talaga ang tadhana.

Lunes ng gabi noon nang makatanggap ng text si Francheska mula kay Karl:

“Baby, I need you. Please help me!” ang sabi sa text.

Halos dalawang oras na ang nakalipas nang mabasa ito ng dalaga. Nakaidlip siya sa noon sa sobrang pagod kaya’t di na niya napansin ang mga tawag at ang ipinadalang mensahe ni Karl.

Matapos mabasa ang text message ay agad na tumawag si Francheska sa numero ng nobyo, pero iba ang sumagot. Ang sabi ng babae sa telepono ay isinugod daw ang binata sa ospital at kritikal ang kalagayan. Matapos noon ay naputol ang tawag dahil tila ba nagkakagulo na ang mga tao.

Napalunok lamang ang dalaga at napahawak sa kanyang dibdib. Di man niya alam ang buong pangyayari pero malakas ang pakiramdam niya na masama ang lagay ng kanyang kasintahan.

“Lord, wag naman po sana. Huwag muna… huwag mo muna siyang kunin sa amin,” naluluhang dasal ng babae.

Matapos ang isang oras ay muling tumawag si Francheska. Muling sumagot ang babae sa telepono, tiyanin ni Karl. Lahat ng tao ay rinig na nag-iiyakan mula sa telepono.

“W-wala na si Karl…” lumuluhang sambit ng tiyahin ni Karl.

Napaupo na lamang sa sahig si Francheska sa mga narinig. Para bang panaginip lamang ang lahat.

“Totoo ba ito? Totoo bang lahat ng ito?” umiiyak na sabi ng dalaga.

Sa burol ni Karl ay doon niya nakita ang mga medical records nito kalakip ang isang sulat noong araw na unang beses silang nagkahiwalay ni Francheska.

May dinaramdam na malalang sakit na pala ang binata noon pa man. Pinalabas lamang niya na nagkaroon siya ng ibang babae para maging madali ang paghihiwalay nila noon. Nagpagaling siya ng ilang taon at saka muling bumalik sa nag-iisang babaeng kanyang minahal.

Naging mapait lamang talaga ang tadhana dahil kung kailan ayos na ang lahat, saka naman umatake ang matinding karamdaman na pinaglabanan ni Karl ng matagal na panahon.

Dumating ang araw kung saan ihahatid na ang binata sa huling hantungan. Tanging mga luha lamang sa mata ni Francheska ang nangungusap sa tunay niyang nararamdaman.

Sa huling pagkakataon ay muli na naman siyang iniwan ng lalaking pinakamamahal, at ang pinakamasakit dito ay wala na itong balikan.

Nakasanayan na niyang lagi itong kausap. Nasanay siyang laging nandiyan si Karl para sa kanya. Nasanay siyang naririnig ang boses nito, sa pagpikit ng kanyang mga mata at sa pagdilat sa umaga. Tanging presensya lamang ng binata ang gumigising sa kanyang diwa. Nakasanayan na niyang manirahan sa mundong pareho nilang binuo.

Sa paglipas ng panahon ay unti-unti naman nang nagbabalik ang mga ngiti ng dalaga. Masakit man pero kailangan niyang tanggapin ang lahat. Ipinangako niya sa sarili na tanging si Karl lamang ang lalaking una at huling mamahalin niya sa buhay na ito.

Napagpasyahan na lamang niyang pumasok sa kumbento at ialay ang buhay sa paglilingkod sa Diyos. Sa pamamagitan nito ay umaasa siyang muling mahahanap ang saya na kaytagal na nawala sa kanya.

Isang araw bago tuluyang maging isang ganap na madre ay dumalaw siya sa puntod ng dating kasintahan.

“Kay tagal na panahon na rin pala. Ang dami nang nangyari at ang dami nang nagbago, pero hindi ang pag-ibig ko para sa’yo, Karl.

“Magbago man ang lahat sa mundo at mapaglipasan man ng panahon ang ating mga aalala, patuloy kong babalikan ang ating mga nakaraan at habambuhay na magpapasalamat sa mga alaalang iyong iniwan. Paalam na sayo, mahal ko.

Pangako, sa susunod na buhay, hahanapin kaagad kita ng maaga, para mas matagal pa ang ating maging pagsasama. Kapag dumating na ang araw na iyon, pangako ko, hinding-hindi na kita papakawalan o hahayaan pang mawala sa’kin. Hanggang sa muli nating pagkikita.”

Advertisement