Akala ng Babae ay Nahanap na Niya ang Kanyang Forever sa Gwapong Kaopisina; Isang Madilim na Lihim ng Kanyang Boyfriend Pala ang Mabubunyag
Katatapos lamang ni Marie noon ng kolehiyo at kasalukuyang pumapasok sa kanyang unang trabaho bilang secretary sa isang kompanya sa Ortigas.
Bago matapos ang araw noon ay bigla na lamang tumunog ang kanyang telepono. Agad naman niyang sinagot ang tawag galing sa hindi kilalang numero. Boses ito galing sa isang lalaki na nagdulot naman ng malakas na pagkabog ng kanyang dibdib.
“Hello? Sino ito?” tanong ni Marie.
“Ako nga pala si John, nais ko sanang makipagkaibigan sa’yo,” pagpapakilala naman ng lalaki sa kabilang linya.
“Pasensya na ha? Hindi kasi kita kilala. Maari bang malaman kung kanino at saan mo nakuha ang numero ko?” magalang na tanong naman ng dalaga.
“Nakuha ko yung numero mo sa isang kaopisina natin. Huwag kang mag-alala pareho tayo ng kumpanyang pinagtratrabahuhan. Nais ko lamang sanang makipagkaibigan sa’yo,” paliwanag naman ng lalaki.
“Pasensya ka na ha? Medyo busy kasi ako ngayon at saka hindi kasi ako nakikipag-usap basta-basta sa mga hindi ko naman personal na kilala,” sagot naman ni Marie.
Bago pa man makapagsalitang muli ang lalaki ay agad na niyang ibinaba ang telepono. Sa kanyang pag-uwi ay patuloy pa rin ang pagpapadala ng mensahe sa kanya ng lalaking nagpakilalang si John.
Dahil na rin sa pagkainip ay naisipan ni Marie na sagutin na lamang ang mga text messages na kanyang natatanggap mula sa lalaki. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay naging palagay naman ang kanyang loob dito. Naging mabait at magalang naman ang lalaki sa kanilang pagpapalitan ng mensahe.
Lumipas ang isang linggo at nakapagkasunduan nilang magkita upang personal na magkakilala. Tanghalian noon at napagdesisyunan nilang kumain sa isang fast food ng magkasabay. Laking pagkamangha ni Marie nang makita ang gwapong textmate sa personal.
Parehong kumpanya nga sila ni John subalit nasa magkaibang departamento sila nagtratrabaho. Magmula ng araw na iyon ay patuloy ang dalawa sa pagpapalitan ng mensahe at mas lalo pang lumalim ang kanilang pagtitinginan.
Araw-araw ay nagtatagpo ang dalawa pagkalabas mula sa trabaho. Palagi namang inihahatid ni John ang dalaga mula sa trabaho hanggang sa sakayan. Unti-unting nararamdaman ni Marie na nahuhulog na siya sa gwapong binata.
Naging masaya naman ang unang buwan nila bilang magkasintahan. Sa unang monthsary nila ay nagtungo sila sa isang mall upang mamasyal at kumain. Kahit na may kalayuan ang bahay ay tiniis na lamang ito ni Marie dahil na din sa nangingibabaw ang kilig sa kanyang puso.
Lumipas pa ang dalawang buwan at parang nagkaroon ng pagbabago kay John. Di na siya nagtetext kagaya ng dati. Madalas ay nauuna na itong umuwi o palaging may dahilan para hindi makasama sa pagkain ng tanghalian.
Parang wala rin balak ang lalaki na ipakilala ang kanyang nobya sa kanyang pamilya na nagdulot ng kalungkutan at labis na pagdududa sa dalaga. Sa tuwing magtatagpo ang landas ng dalawa sa opisina ay maayos naman ang lahat, pero kapag hindi sila magkasama ay tila ba may sariling mundo na ang lalaki.
“Ano na naman bang problema ha, Marie?” galit na tanong ni John.
“Ilang buwan na tayo pero hindi mo pa rin akong magawang ipakilala sa pamilya mo. May problema ba? May itinatago ka ba ha?” inis na tanong naman din ni Marie.
“Wala. Masyado lang kasi akong abala sa trabaho at saka marami din inaasikaso ang pamilya ko kaya wala pang pagkakataon para maipakilala kita,” paliwanag naman ng lalaki.
“Gusto ko lang naman ay maging bukas tayo sa isa’t isa para hindi ako nagdududa o nag-iisip man lang ng kung ano,” tugon naman ng dalaga.
“Sige, i-set na lamang natin ang araw kung kailan mo sila pwedeng makilala,” mahinahong sagot na lamang ng lalaki.
Sa kanilang pang-anim na buwan ay may biglaang hiling si John na labis na nagpagulat sa dalaga:
“Marie, kung mahal mo talaga ako, magtitiwala ka sa akin. Gusto ko sanang magcheck-in tayo mamaya,” lakas-loob na sabi ni John.
Labis ang gulat ni Marie sa hinihingi ng nobyo. Nag-isip talaga siya ng todo at nagdasal bago magdesisyon. Dahil nga mahal niya ang kasintahan ay walang ibang pwede pagpilian ang dalaga kundi pumayag sa hiling ng nobyo.
Pumunta sila sa isang hotel sa Mandaluyong upang doon magpalipas ng gabi. Nakainom si John noong araw na iyon, subalit pansamantalang naantala ang kanilang balak na pagchecheck-in sana dahil mukhang menor de edad daw si Marie. Kaya’t hinanapan pa siya ng ID para lamang makapasok.
“Napakabagal mo namang kumilos. Parang ID lang di mo pa mahanap kaagad,” inis na sabi ni John sa nobya.
Nang makarating sila sa kwarto ay nagpasya na muna ang dalaga na maligo at magpabango bago gawin ang naisin ng kanyang kasintahan, subalit sa kanyang paglabas ay nakita na lamang niyang tulog na tulog ang nobyo dahil na rin siguro sa presensya ng alak.
Sa mga sumunod na araw ay muli siyang inaya ng lalaki. Walang alinlangan namang pumayag ang dalaga dahil sa sobrang pagmamahal sa nobyo, subalit tila ba may kung anong kamalasan na naman ang nangyari, dahilan para hindi na naman sila matuloy. Nawalan ng tubig ang banyo kaya’t hindi sila makapaglilinis ng katawan o makapapaligo man lang.
May kung anung emosyon ang nakikita sa mga mata ni John. Tila ba nakokosensiya ito sa nais gawin sa kanyang nobya. Kaya’t wala pang halos trenta minutos ay nagpasya nang lumabas ang dalawa. Muli, wala na namang nangyari sa kanila.
Napagdesisyunan ng dalawa na pumunta na lamang sa isang malapit na mall upang doon ay kumain at magpalipas ng oras. Saktong nawalan naman ng baterya ang telepono ni John kaya’t nakiusap siya na makilagay muna ng sim card sa telepono ni Marie.
“Gagamit muna ako ng CR ha? Babalik ako agad,” pagpapaalam ni John.
Tumango lamang si Marie at saka ngumiti. Ilang segundo lamang ang nakalipas mula ng umalis ang nobyo ay biglang tumunog ang kanyang telepono, kasalukuyang nakalagay pa doon ang sim card ng lalaki.
“Nasaan ka na ba? Kanina pa kami naghihintay dito sa bahay. Umuwi ka na!” text message mula sa isang numero.
Biglang namang nag ring ang kanyang telepono. Tumatawag ang numero na nagtext kani-kanina lang. Labis na kaba ang nadarama ni Marie ngayon. Hindi niya maipaliwanag pero may kakaiba siyang kutob.
“H-hello?” Pagbati ni Marie.
“Sino ka? Bakit nasa’yo ang telepono ni John?” pagalit na tanong ng babae mula sa kabilang linya.
“Sino po ba ito? Bakit ka tumatawag sa kanya?” muling tanong naman ni Marie.
“Sunshine, Sunshine ang pangalan ko. Asawa ako ni John, ikaw sino ka ba ha? Bakit nasa’yo ang telepono ng asawa ko?” pasigaw na tanong ng babae.
“K-katrabaho niya ako. Naki-insert si John sa akin ng sim card kasi walang baterya yung telepono niya. Ikaw pala yung iniintay niyang tumawag,” pagpapalusot na lamang ni Marie sa babae mula sa kabilang linya.
Tila ba nanlamig at naistatwa na lamang si Marie sa kanyang kinauupuan. Hindi pa rin siya makapaniwala at pilit na kinakalma ang sarili sa labis na kabang nadarama.
Ilang saglit pa ay dumating si John. Kitang-kita niya ang gulat at tila ba iiyak na reaksyon ni Marie habang nakalagay ang telepono sa tenga.
“Sinong kausap mo?” tanong ng lalaki.
Inabot na lamang ni Marie ang telepono sa kanyang nobyo at hindi kumibo, pero binigyan niya ito ng titig na may pagdududa habang minamasdan ang magiging reaskyon nito.
“Hello?” pagbati ni John sa kausap sa telepono.
Bigla namang nagbago ang ekspresyon sa mukha at napalunok ang lalaki nang marinig kung sino ang kanyang kausap.
“Sige. Pauwi na ako…” iyan na lamang ang mga salitang binitawan ni John sa kanyang kausap.
Nagmadaling tinanggal ng lalaki ang kanyang sim card habang nakatitig lamang sa kanya ang kanyang nobya. Tila ba hindi niya alam kung anung dapat gawin o sabihin dahil sa mga oras na iyon, alam na niya na alam na din ni Marie ang katotohanan.
Kinuha ni Marie ang kanyang telepono, tumayo at umalis ng hindi na nagpaalam. Ayaw na niyang makarinig ng eksplanasyon o kahit anung kasinungalingan pa mula kay John. Tanging mga luhang bumabagsak lamang sa kanyang mga mata ang kanyang kasama sa pag-uwi.
Pagdating ng bahay, dumeretso agad siya sa kwarto at binuksan ang kanyang laptop. Doon, sa facebook ay hinanap niya ang babaeng nagngangalang “Sunshine” na kapareho ng apelyido ni John. At tama nga, pamilyado na si John. May asawa at maliit na anak na babae. Masayang-masaya pa sila sa mga litrato. Nalaman din niya na may ibang facebook account pa pala ang nobyo na hindi niya alam.
Sa huling pagkakataon ay kinausap niya si John. Umamin naman ito na may asawa’t anak na nga siya. Pero sobrang sakit sa parte ni Marie na halos ibigay niya ang lahat-lahat pero niloloko lamang pala siya. Muntikan pa siyang makasira ng pamilya ng hindi niya nalalaman.
Nagresign siya sa trabaho, nagpalit ng numero at tuluyang pinutol ang ugnayan nila ni John. Sa simbahan ay nagtungo siya isang araw upang doon ibuhos ang lahat ng sakit na naipon sa kanyang dibdib. Doon siya humingi ng tawad sa Diyos sa kasalanang hindi naman niya ginusto.
Labis ang pagmamahal niya sa kay John kaya nahirapan siyang makausad sa pag-ibig na nauwi lang sa wala. Pero mabuti na rin at nalaman niya ang lahat habang maaga pa.
Kailangan niyang tanggapin na hindi talaga sila para sa isa’t isa. Pinili niyang ayusin muna ang sarili, ituon ang atensyon a pamilya, sumama sa mga maayos na kaibigan at magsimba kasama ang buong pamilya. Ibinalik niya ang tiwala sa Diyos at hinayaan na lamang na ang Diyos ang magtanggal ng sakit na nadarama niya sa kanyang puso.
Ilang taon na din ang lumipas. Napatawad din ni Marie si John, kahit na hindi pa ito humingi ng tawad sa kanya noon. Tanging sa pagpapatawad lamang siguro niya tunay na mapapalaya ang kanyang sarili. Pinatawad din niya ang kanyang sarili sa kasalanang muntikan nang magawa noon. Panahon na rin siguro para muling magsimula ng panibagong buhay para sa kanya.
Tunay ngang tanging panahon lamang ang makapaghihilom ng sugat. Nobyembre noong 2018 ay ikinasal si Marie sa isang lalaking walang bisyo, tapat at walang sabit. Sa Agosto ngayong taon ay inaasahan nila ang paglabas ng anghel na dinadala ni Marie sa kanyang sinapupunan.
Maaring sa buhay nating ito ay madalas tayong nakagagawa ng pagkakamali na minsan ay hindi natin sinasadyang gawin, pero parating tandaan na sa bawat panahong tayo ay madadapa, may pagkakataon tayong bumangon muli at itama ang lahat ng ating naging pagkakamali. Magtiwala lamang tayo sa Diyos na Siyang nakakaalam ng lahat, dahil mayroon Siyang magandang plano para sa atin.